Ang Katayuan ng Kagandahang-asal (at Pag-uugali) sa Islam

  1. Katotohanan ito ang Pinakamahalaga sa Mga Layunin ng Pagsugo kay Propeta Muhammad ﷺ para sa sangkatauhan:

Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {Siya na nagsugo sa [gitna ng] mga hindi nag-aral ng isang sugong nagmula sa kanilang [lahi] binibigkas sa kanila ang Kanyang ayaat [mga kapahayagan], at sila ay dinadalisay [mula sa kawalang-paniniwala], at sila ay tinuturuan ng Aklat [ang Qur’an] at ng karunungan [ang Sunnah]. At bagaman sila noon ay nasa [dating] hayag na kamalian}. Surah Al-Jumu`ah: (62) Kaya biniyayaan ng Allah ang mga naniniwala [mga Muslim] nang Kanyang isinugo ang Kanyang Sugo upang sila ay turuan ng Qur’an at sila ay padalisayin, at ang ibig sabihin ng padalisayin ay ang pagdalisay sa kanilang puso mula sa kasalanang Shirk (pagtatambal sa Allah) at masasamang [o kasuklam-suklam na] pag-uugali, tulad ng pandaraya at pagkamainggitin, gayundin ang pagdalisay sa mga salita at mga gawa mula sa mga masasamang ugali at kaugalian. Sa katunayan sinabi niya nang maliwanag – [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan] –: “Ako ay isinugo lamang upang gawing buuing ganap [at ilarawan] ang [wastong] pag-uugali”. (Al-Bayhaqi: 21301) Samakatuwid, ang isa sa mga pinakamahalagang layunin ng pagsugo ay upang paunlarin at pagyamanin ang Kagandahang-asal [at pag-uugali] ng bawa’t tao at ng pangkalahatang pamayanan [o lipunan].

  1. Katotohanang ang Kagandahang-asal [at pag-uugali] ay isang matibay na bahagi ng Eeman [paniniwala] at ng pananalig:

At nang tanungin ang Sugo ﷺ : Alin sa mga naniniwala [o sa mga Muslim] ang [nagtataglay ng] pinakamahusay na [antas ng] Eeman [paniniwala]? Siya ﷺ ay nagsabi: “Siya na nagtataglay ng kagandahang-asal [at mabuting pag-uugali”. (At-Tirmidhi: 1162 – Abu Daud: 4682)
Katotohanang tinawag ng Allah ang Eeman (Paniniwala) bilang bahaging nakaugnay sa Birr (pagiging mabuti at matwid), at sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Hindi isang Birr [pagiging mabuti at matwid] na inyong ibaling ang inyong mga mukha sa dakong silangan at kanluran [sa pagdarasal] bagkus, ang Birr [pagiging mabuti at matwid] ay paniniwala sa Allah, at sa Huling Araw, at sa mga anghel, at sa Aklat, at sa mga propeta…}. Surah Al-Baqarah (2): 177 At ang Birr (pagiging mabuti at matwid) ay isang katangian na sumasaklaw sa lahat ng uri ng kabutihan na dapat makita maging sa ugali, sa salita at sa gawa, at dahil dito ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Ang Birr (pagiging mabuti at matwid) ay [paglalarawan ng] kagandahang-asal [o mabuting pag-uugali”. (Muslim: 2553).
At makikita nang maliwanag ang bagay na ito mula sa sinabi ng Propeta ﷺ : “Ang Eeman (Paniniwala) ay binubuo nang mahigit na animnapung sangay, ang pinakamataas nito ay ang pagsabi ng Laa ilaaha illallaah (walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah) at ang pinakamababang sangay nito ay ang pag-alis ng nakapipinsalang bagay mula sa mga daan, at ang Hayaa [pagiging mahiyain] ay isa sa sangay ng Eeman [paniniwala]”. (Muslim35).

  1. Katotohanan, ang pag-uugali ay nakaugnay sa lahat ng uri ng Ibaadah (mga gawaing pagsamba):

Kaya, hindi mo matatagpuan ang Allah na nag-uutos ng isang Ibaadah maliban na Siya ay nagpaaalala tungo sa moral na layunin nito at nag-aakay tungo sa mabuting ibubunga nito sa sarili at sa lipunan [o pamayanan], at ang halimbawa nito ay marami, ang mga ilan dito ay:
Ang Salaah (Pagdarasal): {At isagawa mo ang Salaah (pagdarasal). Katotohanan, ang Salaah (pagdarasal) ay pumipigil sa paggawa ng mga kahalayan at masasamang gawa}. Al-`Ankabut (29): 45
Ang Zakaah (Kawanggawa): {Kumuha [O Muhammad] mula sa kanilang yaman [para] sa kawanggawa upang sila ay iyong gawing malinis at [upang] sila ay pagpalain nito}. At-Taubah (9): 103 At bukod sa katotohanan na ang Zakah ay nagsisilbing daan ng pagmamagandang-loob para sa mga tao at pakikiramay sa kanila, ito rin ay siyang nagtuturo upang maging marangal sa sarili at upang padalisayin [at pawiin] nito ang mga masasamang ugali.
Ang Siyaam (Pag-aayuno): {O kayong mga naniniwala! Itinatagubilin sa inyo ang pag-aayuno (Sawm) katulad ng tagubilin sa mga nauna sa inyo, upang kayo ay magkakaroon ng tunay na takot (sa Allah}. Al-Baqarah (2): 183 Samakatwid, ang layunin ng pagkakaroon Taqwa [o takot sa Allah] ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal at dahil dito siya ﷺ ay nagsabi: “Sinuman ang hindi tumalikod sa pagsasabi ng kasinungalingan at sa paggawa nito, magkagayon hindi kailangan ng Allah na kanyang talikuran ang kanyang pagkain at inumin”. (Al-Bukhari: 1804) Kaya sinumang nag-ayuno na walang ibinungang maganda [o mabuting] pagbabago mula sa kanyang sarili at mula sa pakikitungo sa mga tao, magkagayon, hindi niya natamo ang tunay na layunin [at diwa] ng pag-aayuno.

  1. Ang mga dakilang karangalan at malalaking gantimpala na inilaan ng Allah para sa mga nagtataglay ng magandang pag-uugali:

At ang mga patunay dito ay marami mula sa Aklat (Qur’an) at sa Sunnah (mga katuruan ng Propeta), at ang mga ilan dito:
Katotohanang sa mga mabubuting gawain, ang magandang pag-uugali ang siyang pinakamabigat sa lahat ng gawain sa timbangan sa Araw ng Paghuhukom:
Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Walang ilalagay na bagay sa Timbangan nang higit na mabigat kaysa sa magandang pag-uugali, sapagka’t tunay na ang isang tao [Muslim] ay umaabot sa antas na katumbas ng isang nag-aayuno at nagdarasal nang dahil sa kanyang taglay na magandang pag-uugali”. (At-Tirmidhi: 2003)
Katotohanang ito ang siyang pinakamalaking dahilan ng pagpasok sa Paraiso:
Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Ang pinakamarami sa mga taong nakakapasok sa Paraiso ay bunga ng kanilang pagkakaroon ng [tunay na] takot sa Allah at ng kanilang taglay na kagandahang-asal [at mabuting pag-uugali]”. (At-Tirmidhi: 2004 – Ibnu Majah: 4246)
Katotohanan, ang isang nagtataglay ng pinakamagandang ugali mula sa mga tao ang siyang pinakamalapit sa katayuan ng Sugo ng Allah ﷺ sa Araw ng Paghuhukom:
Batay sa kanyang [s.w.s.] sinabi: “Katotohanan, ang pinakamamahal ko sa inyo at pinakamalapit sa akin sa lipon [ng aking pamayanan] sa Araw ng Paghuhukom ay yaong kabilang sa inyo na nagtataglay ng pinakamagandang pag-uugali”. (At-Tirmidhi: 2018)
Katotohanang ang katayuan nito ay nasa kataas-taasang bahagi ng Paraiso ayon sa pagsaksi at pagpapatunay ng Sugo ng Allah ﷺ :
Sinabi niya ﷺ : “Ako ang [tumatayong] pinuno sa isang tahanan na nasa ibabang bahagi ng Paraiso para sa sinumang umiiwas sa pakikipagtalo kahit pa man siya ay nagsasabi ng katotohanan, at sa isang tahanan na nasa gitnang bahagi ng Paraiso sa sinumang umiiwas sa pagsisinungaling kahit pa siya ay nagbibiro lamang, at sa isang tahanan na nasa kaitaasang bahagi ng Paraiso sa sinumang nagtataglay ng pinakamagandang pag-uugali”. (Abu Daud: 4800) At ang ibig sabihin ng pinuno ay siya ang tumatayong saksi o tagapagpatunay..

Ang Mga Kahigtan (o Katangian) ng Kagandahang-asal (at pag-uugali) sa Islam

Ang Mga Katangian ng Pag-uugali na Matatagpuan Lamang sa Relihiyong Islam at ang Ilan ay:

  1. 1. Ang magandang ugali ay hindi natatangi sa isang uri ng mga tao.

Sapagka’t nilikha ng Allah ang mga tao sa iba’t ibang anyo at kulay, wika, nguni’t sa Timbangan ng Allah, Kanyang itinakda na sila ay magkakapantay-pantay, hindi nakalalamang ang isa sa kanila mula sa iba maliban sa sukat ng kanyang Eeman [paniniwala], antas ng Taqwa [o takot sa Allah] at pagkamatuwid. Batay sa sinabi ng Makapangyarihan at Kataas-taasang Allah: {O sangkatauhan, kayo ay Aming nilikha mula sa lalaki at babae, at kayo ay Aming ginawang mga pamayanan at mga tribu, upang kayo ay mangagkakilala. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa [paningin ng] Allah ay ang may [taglay na] takot [sa Kanya].} Al-Hujurat (49): 13
At ang magandang ugali ang nagbibigay ng kaibahan sa pakikipag-ugnayan ng isang Muslim sa lahat ng tao, walang pagkaiba sa pagitan ng isang mayaman sa isang mahirap, ng mataas sa mababa, gayundin ng itim sa puti, at ng isang arabo sa isang banyaga (hindi arabo)..

Ang Ugali [na Dapat Ilarawan] sa mga Hindi Muslim:

Ipinag-uutos sa atin ng Allah – [ang Ganap na Makapangyarihan at Tigib ng Karunungan], na magpakita ng kahusayan sa ugali sa lahat, sapagka’t ang pagiging makatarungan, pagiging mabait at pagkamahabagin ay paglalarawan ng isang tunay na Muslim na siyang nagbibigay halimbawa sa kanyang pag-uugali at pananalita sa kapwa-Muslim at hindi Muslim. At ang magandang pag-uugaling ito ang siyang magiging daan upang mahikayat ang mga hindi Muslim [na yakapin at kilalanin] ang dakilang pananampalataya [o relihiyong] ito.
Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {Hindi kayo pinagbabawalan ng Allah na makipag-ugnayan nang mahinusay at makatarungan sa kanila – sila na hindi nakikipaglaban [o umuusig] sa inyo nang dahil sa inyong relihiyon at hindi nagtataboy sa inyo mula sa inyong mga tahanan. Katotohanang minamahal ng Allah ang mga mapaggawa ng katarungan}. Al-Mumtahanah (60): 8
Ang ipinagbawal lamang ng Allah sa atin ay ang maging tagapagtanggol [o ang makipag-ugnayan] sa mga hindi Muslim [laban sa kapwa-Muslim] at ang pagmamahal sa kung anumang kanila ginagawang Kufr (pagtakwil sa pananampalataya) at Shirk (pagtatambal sa Kaisahan ng Allah). Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Ang ipinagbabawal lamang sa inyo ng Allah ay yaong mga nakipaglaban [umusig o tumuligsa] sa inyo nang dahil sa inyong relihiyon at nagtaboy sa inyo mula sa inyong mga pamamahay at yaong mga nakipagtulungan sa iba upang kayo ay maitaboy - [ipinagbabawal] na kayo ay makipagkaibigan sa kanila. At sinumang [kabilang sa inyo] ang nakikipagkaibigan sa kanila, sila yaong mga mapaggawa ng kamalian}. Al-Mumtahanah (60): 9.

  1. Ang Kagandahang-asal [at Pag-uugali] ay Hindi Natatangi sa Tao.

Ang Kagandahang-asal sa Mga Hayop:

Samakatwid, ipinababatid sa atin ng Sugo ng Allah ﷺ ang isang kasaysayan tungkol sa isang babae na nakapasok sa Apoy ng Impiyerno nang dahil sa kanyang pagkulong sa isang pusa at ito ay namatay sa gutom, sa kabilang dako, ipinababatid sa atin ang tungkol sa isang lalaki na ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad sa kanya ng Allah nang dahil sa kanyang pagpapainom sa isang aso na dumanas ng labis na pagka-uhaw. Gayundin, siya ﷺ ay nagsabi: “Nakapasok ang isang babae sa Apoy ng Impiyerno nang dahil sa isang pusa na kanyang tinalian at hindi pinakain at hindi niya hinayaan makawala [upang] manginain mula sa mga kulisap [o mga halaman] ng lupa”. (Al-Bukhari: 3140 – Muslim: 2619).
At sinabi niya – [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan]: “Habang ang isang lalaki ay naglalakad sa isang daan, siya ay nakaranas nang matinding pagkauhaw, at siya ay nakatagpo ng isang balon. Siya ay bumaba rito at uminom, pagkatapos, siya ay muling umahon at lumabas at kanyang namataan ang isang aso na humihingal habang kinakain ang buhangin sa lupa nang dahil sa tinding uhaw nito, at ang lalaki ay nagsabi: Katotohanang inabot ng matinding uhaw ang asong ito tulad ng inabot kong pagka-uhaw, kaya siya ay muling bumaba sa balon at kanyang pinuno ng tubig ang kanyang sapatos, pagkatapos ay dinala niya ito [kinagat ang gilid ng sapatos na may tubigat itinaas] sa pamamagitan ng kanyang bibig hanggang siya makaahong paakyat at pinainom ang aso, Sa gayon kinalugdan [at kinilala] ng Allah [ang kanyang ginawang kabutihan] kaya naman [bilang gantimpala], siya ay pinatawad ng Alalh. Sila [mga nakikinig na kasamahan ng Sugo] ay nagsabi: O Sugo ng Allah! Tunay bang mayroon kaming tiyak na gantimpala sa [pakikitungo namin sa] mga hayop? Siya ay nagsabi: “Sa bawa’t buhay [na hayop na inyong tinutulungan] may nakalaang katumbas na gantimpala [para rito]”. (Al-Bukhari: 5663 – Muslim: 2244)

Ang Kagandahang-asal [at Pag-uugali] Upang Mapangalagaan ang Kapaligiran:

Kaya ipinag-uutos sa atin ng Islam ang pagyamanin paglinang [o pagsulong] sa lupa - ang ibig sabihin ay ang paggawa nito, pagpapaunlad nito, pagyabong at pagbuo rito ng isang makabuluhang kabihasnan kalakip ng pangangalaga nito upang mapanatili ang pagpapalang ito at ang pagbabawal sa pagsira nito at pagmamalabis sa mga [likas-yamang] mapagkukunan mula rito, maging ito man ay paninira na magdudulot ng kasamaan sa tao, sa hayop o sa mga pananim, sapagka’t ito ang gawain na itinatakwil at kinamumuhian ng Islam, samakatwid ang Allah – [Tigib ng Kaluwalhatian] ay hindi kinalulugdan [o hindi minamahal] ang mga katiwalian sa lahat ng mga aspeto ng buhay. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Datapuwa’t ang Allah ay hindi nagmamahal sa [lahat ng uri ng] katiwalian}. Al-Baqarah (2): 205
At umaabot ang pagpapahalaga na ito hanggang sa sandaling nagawang ipayo ng Propeta ﷺ sa mga Muslim ang paggawa ng kabutihan – [halimbawa ay] ang pagtanim ng halaman sa lupa maging sa mga pinakamahirap na kalagayan at sa mga sandali ng labis na pagkabahala, kaya siya ay nagsabi: “Kapag dumating na ang Oras at nasa inyo pang kamay ang isang Fasilah (sanga ng punong-kahoy na pinutol), magkagayon kung magagawa pa ninyong huwag tumindig hanggang sa inyong maitanim [ang sangang] ito, ito ay nararapat ninyong gawin”. (Ahmad: 12981).

  1. Ang Kagandahang-asal [at Magandang Pag-uugali] sa Lahat ng Aspeto ng Buhay:

Ang Pamilya:

Binibigyang-diin ng Islam ang kahalagahan ng ugali sa larangan ng pagtataguyod [at pakikitungo] sa pamilya sa bawa’t miyembro nito, kaya siya ﷺ ay nagsabi: “Ang pinakamabuti sa inyo ay ang pinakamabuti sa inyo sa [pakikitungo sa] kanyang pamilya, at ako ang pinakamabuti sa inyo sa aking pamilya”. (At-Tirmidi: 3895)
At siya ﷺ ang pinakamainam sa lahat ng tao na nagtataguyod ng mga gawaing-bahay at tumutulong sa kanyang pamilya sa bawa’t maliit at malaking gawain. Batay sa isinalaysay ng kanyang asawa na si Aishah – [sumakanya nawa ang lugod ng Allah], siya ay nagsabi: “Siya [ang Sugo ng Allah] ay lagi nang nasa gawain [ng pag-aasikaso] sa kanyang pamilya”. (Al-Bukhari: 5048) Ibig sabihin siya ay tumutulong sa kanyang pamilya at kanyang itinataguyod ang anumang kanilang itinataguyod na mga gawaing-bahay.
At siya ay nakikipagbiruan at nakikipaglaro sa kanyang pamilya. Minsan ay nagsalaysay ang kanyang asawang si Aishah – [sumakanya nawa ang lugod ng Allah], siya ay nagsabi: “Lumabas ako kasama ng Propeta ﷺ sa ilan niyang paglalakbay at ako ay isa pang dalagita noon na wala pang laman [o payat] at hindi mataba, at siya ay nagsabi sa mga tao: Magsilapit kayo, kaya sila ay nagsilapit. Pagkatapos ay nagsabi sa akin: Halika at magpaligsahan tayo, kaya nakipagpaligsahan ako sa kanya at siya ay aking natalo, at siya ay nagsawalang-kibo sa akin hanggang nang ako ay magkaroon ng laman at tumaba, at nakalimutan ko na, ako ay lumabas kasama niya sa ilan niyang paglalakbay, siya ay nagsabi sa mga tao: magsilapit kayo, kaya sila ay nagsilapit. Pagkatapos, siya ay nagsabi [sa akin]: Halika at magpaligsahan tayo, kaya nakipagpaligsahan ako sa kanya, at natalo niya ako, kaya siya ay natawa habang sinasabi niya: Ito ay katumbas niyaon”. (Ahmad: 26277.

Ang Kalakalan:

At maaaring ang pagkahumaling sa kayamanan ay mag-uumapaw sa tao, kaya siya ay maaaring lumagpas sa hangganan [ng katarungan] at siya masadlak sa ipinagbabawal, kaya dumating ang Islam upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpigil dito sa pamamagitan ng magandang ugali, at ang ilan sa mga pagbibigay-diin na ito ay:
Ipinagbabawal ng Islam ang pagmamalabis at pandaraya sa mga timbangan at binabalaan ang sinumang gumawa nito ng napakatinding kaparusahan. Batay sa sinabi ng Tigib sa Pagpapala at Kataas-taasan: {Kasawian sa mga mandaraya, sila, na kapag tumatanggap ng sukat sa mga tao, ay kanilang hinihingi ang tamang sukat, datapuwa’t kapag sila naman ang nagbibigay ng sukat o timbang sa kanila, sila ay hindi nagbibigay ng kaukulang timbang}. Surah Al-Mutaffifin (83): 1-3
Hinihimok nito ang pagpaparaya at pagiging mahinahon sa pagbibili at pamimili. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Kinahabagan ng Allah ang isang lalaki na mahaba ang pagpapaumanhin kapag nagbibili at kapag namimili at kapag nagbayad”. (Al-Bukhari: 1970)

Ang Pagsisikap-Pangkabuhayan [o Industriya]:

Binibigyang-diin ng Islam sa mga manggagawa ang ilang mga ugali at pamantayan. Ang ilan dito ay:

  • Ang kahusayan sa gawain at ang mailabas [maihango] ito sa pinakamagandang anyo. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Katotohanang kinalulugdan ng Allah na kapag ang isa sa inyo ay gumawa, ito ay kanyang pinaghuhusay”. (Abu Ya`la: 4386 – Al-Bayhaqi fi Shu`abil Iman: 5313)
  • Ang pagiging maagap [sa pagpapatupad] ng mga kasunduan na pinagtibay sa mga tao. Siya ﷺ ay nagsabi: “Ang palatandaan ng isang Munafiq (mapagkunwari) ay tatlo” at nabanggit niya rito: “At kapag siya ay nangako, siya ay hindi tumutupad”. (Al-Bukhari: 33)
  1. Ang Magandang Ugali sa Lahat ng Mga Kalagayan:

Kaya walang kinaliligtaan [o nilalaktawang] anupaman ang Islam tungkol sa [kahalgahan ng] pag-uugali, at ang isang Muslim ay pinag-uutusang magpatupad [at tumupad] sa Batas ng Allah at magpairal ng magandang ugali maging sa mga panahon ng digmaan at sa mahirap na kalagayan, samakatuwid ang kadakilaan ng layunin at mithiin nito ay hindi nagbibigay ng kapahintulutan na gumamit ng karahasan at masamang pamamaraan [upang maisakatuparan ang magandang layunin] at hindi nito pinagtatakpan ang anumang pagkakamali nito.
At dahil dito ang Islam ay naglagay ng mga malilinaw na tuntunin na siyang batayan sa paghatol ng isang Muslim at sa pagsasaayos ng kanyang mga kilos maging sa sandali ng pakikipag-away at pakikipagdigma, upang ang bagay na iyon ay hindi maging sanhi upang lunurin ang sarili sa pagbibigay kasiyahan sa pagnanasa ng poot [o galit], ng kalupitan, at ng pagkamakasarili.

Ang Ilang Pag-uugali ng Islam sa [Panahon ng] Digmaan:

  1. Ang pag-uutos na maging makatarungan at maging makatuwiran sa mga kaaway, at ang pagbabawal sa mga gawaing paniniil at pag-aabuso sa kanila:
    Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At huwag hayaan na ang inyong poot sa ibang tao ay maghatid sa inyo upang kayo ay maging di-makatarungan. Maging makatarungan kayo; ito ang pinakamalapit sa kabanalan}. Al-Maidah (5): 8 Ibig sabihin ay huwag kayong magpadala sa inyong poot o galit sa inyong mga kaaway upang kayo ay masadlak sa pagmamalabis at gawaing di-makatarungan, bagkus panatiliin ninyo ang pagiging makatarungan sa inyong mga salita at mga gawa.
  2. Ang Pagbabawal sa Kataksilan at Pagtataksil sa Mga Kaaway:
    Samakatwid, ang kataksilan at pagtataksil ay ipinagbabawal maging sa mga kaaway. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katotohanang ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga taksil}. Al-Anfal (8): 58
  3. Ang Pagbabawal sa Labis na Pagpapahirap at ang Pagputul-putol sa katawan ng bankay:
    Magkagayon, ipinagbabawal sa [relihiyon ng Islam] ang pagputul-putulin ang katawan ng mga patay. Batay sa sinabi niya ﷺ : “At huwag ninyong pagputul-putulin [ang katawan ng patay]”. (Muslim: 1731)
  4. Ang Pagbabawal sa Pagpatay sa Mga Karaniwang Mamamayan na Hindi Sangkot sa Mga Digmaan, at sa Pagpalaganap ng Kasamaan sa Kalupaan at Kapaligiran.
    At ito si Abu Bakr As-Siddiq – [sumakanya nawa ang lugod ng Allah], siya ang kinilalang Khalifah (tagahalili ng Propeta) para sa mga Muslim, at siya ang pinakamabuti [pinakamarangal] sa mga Sahabah (kasamahan ng Propeta), na naghabilin kay Usamah ibn Zayd nang siya ay suguin nito bilang pinuno ng mga sundalong patungo ng Sham: “..Huwag kayong pumatay ng paslit [na batang lalaki], ni matandang lalaki, ni babae, gayundin ay huwag kayong magbuwal ng puno ng datiles [o palmera] at magsunog nito, at huwag kayong pumutol ng isang kahoy na namumunga, at huwag kayong magkatay ng tupa, ni baka o kamelyo maliban para sa inyong pagkain, at maaaring sa inyong [paglalakbay ay] inyong maraanan ang isang lipon ng tao na taimtim sa kanilang sarili sa silid-dasalan ng hermitanyo, magkagayon, sila ay inyong hayaan at ang anumang kanilang pinagkakaabalahan sa kanilang mga sarili”. (Ibn Asakir: 50/2)