Ang Iyong Kapaligiran at ang Iyong Pamilya

Tungkulin ng isang bagong Muslim sa sandaling siya ay yumakap sa Relihiyong Islam na kanyang patibayin ang kanyang mga pakikipag-ugnayan at kanyang pabutihin ang kanyang pakikitungo at pag-uugali sa lahat ng kanyang mga kakilala at mga kamag-anak, maging mga Muslim o bukod sa kanila. Samakatuwid, ang Islam ay hindi nag-aanyaya tungo sa paglayu-layo at paghihiwalay mula sa mga kamag-anak o mga malalapit na tao.

At ang pagmamagandang-loob sa mga tao at magandang pakikitungo sa kanila ay isa sa pinakamahusay pamamaraan ng pagpapakilala at pag-aanyaya sa pananampalatayang Islam na siya ring dahilan ng pagkasugo sa Kanyang marangal na Sugo ﷺ upang gawing ganap ang kagandahang asawa at pag-uugali.
At ang ating mga kasambahay at pamilya, sila ang unang dapat pakitaan ng magandang pag-ugali, pagpaparaya at marangal na pakikipag-ugnayan. (Tunghayan ang pahina: 243)
At ito ang ilan sa mga Islamikong alituntunin na kakailanganin ng bagong Muslim sa kanyang pamilya.

Ang pamilya pagkaraang yumakap sa Islam

Kapag yumakap sa Islam nang sabay ang mag-asawa:

• Kapag yumakap sa Islam ang mag-asawa nang sabay, ang bisa ng kanilang kasal ay mananatili nang hindi nangangailangan ng pagbabago sa kasunduan ng kasal.

Nguni’t hindi kabilang dito ang mga kalagayang sumusunod:

  1. Kung siya ay kinasal sa isa sa kanyang mga Mahram, [o bawal pakasalan] tulad ng kanyang ina, o kapatid na babae, o tiyahin sa kanyang ama, o tiyahin sa kanyang ina, kinakailangang sila ay paghiwalayin sa oras ng kanilang pagyakap sa Islam. (Tunghayan sa pahina: 173).
  2. Kapag siya ay kinasal sa isang babae at sa kapatid na babae nito, o sa isang babae at sa tiyahin nito sa ama, o sa isang babae at tiyahin nito sa ina. Dapat niyang hiwalayan ang isa sa kanila.
  3. Kapag siya ay yumakap sa Islam, kasama ng kanyang mga asawa, at ang kanyang mga asawa ay higit sa apat na babae: Sa gayon hindi ipinahihintulot sa kanya na panatilihin ang higit sa apat, samakatuwid siya ay nararapat na pumili ng apat mula sa kanila at hihiwalayan ang ibang natitira.

Nguni’t ano ang hatol kapag ang lalaki ay yumakap sa Islam at hindi yumakap sa Islam ang kanyang asawa?

Sa ganitong kalagayan, dapat nating isaalang-alang ang relihiyong kinabibilangan ng babae: Maaari na siya ay kabilang sa Angkan ng Kasulatan [Hudyo o Kristiyano], o siya ay kabilang sa ibang relihiyon, tulad ng Budista, Hindu, o pagano [sumasamba sa mga diyus-diyosan], o siya ay walang kinikilalang diyos at hindi naniniwala sa mga relihiyon.

  1. Ang asawang babae ay Hudyo o Kristiyano:

Kapag yumakap sa Islam ang isang lalaki samantalang ang kanyang asawang Hudyo o kristiyano ay hindi yumakap, samakatuwid ang gayong bisa ng kasal nito ay mananatili, sapagka’t ang pag-aasawa ng isang Muslim sa isang Kristiyano o Hudyo ay pinahihintulot .
Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Sa Araw na ito, ipinahihintulot para sa inyo ang tayyibat [lahat ng mabuti at malinis na pagkain]. At ang pagkain niyaong mga pinagkalooban ng Kasulatan [mga Hudyo at Kristiyano] ay ipinahintulot para sa inyo at ang inyong [mga pagkain] ay ipinahihintulot din para sa kanila. At [ipinahihintulot para sa inyo upang pakasalan] ang mga malilinis na babae mula sa mga naniniwala at ang mga malilinis na babae mula sa mga pinagkalooban ng Kasulatan na nauna sa inyo}. Surah Al-Maidah (5): 5

Nguni’t kailangan niyang maging masigasig sa pag-aanyaya rito at pamamatnubay sa lahat ng mga paraan at daan.

  1. Ang Asawang Babae ay Hindi Hudyo o Kristiyano:

Kapag ang isang lalaki ay yumakap sa Islam at ang kanyang asawa ay tumangging yumakap sa Islam, at siya [asawang babe] ay hindi kabilang sa lipon ng Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), bagkus siya ay isang Buddist, o Hindu, o pagano o bukod ditto, samakatuwid dapat isaalang-alang ang sumusunod:
Magkagayon, siya ay dapat maghihintay sa Iddah [palugit na panahon] para sa isang hiniwalayan, at ang alituntunin nito ay tulad ng nasa katapat na talahanayan.

  • At kung yumakap sa Islam habang nasa panahon ng Iddah [paghihintay] nito, magkagayon siya ay asawa pa rin niya at hindi na nangangailangan ng pagbabago sa kasunduan sa kasal.
  • Subali’t kung [ang asawang babae] ay tumangging yumakap sa Islam hanggang matapos ang ibinigay sa kanya na palugit, ang kasal ay mawawalan ng bisa.

Nguni’t kung kailan natapos ang Iddah [panahon ng paghihintay], saka siya yumakap sa Islam, magkagayon maaari niyang hininging muli ang kamay niot [para pakasalan] kung nais niya. Batay sa sinabi ng Allah na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan: {Gayundin naman, huwag ninyong panatilihin ang mga kasunduan (na namamagitan sa inyo at sa) mga babaeng di-naniniwala}. Al-Mumtahanah (60): 10
Ibig sabihin ay huwag ninyong panatilihin sa inyong pangangasiwa ang isang babaing di-naniniwala na hindi kabilang mula sa lipon ng Angkan ng Kasulatan matapos ang pagyakap mo sa Islam.

Ang Iddah (panahon ng paghihintay) ng babaing hiniwalayan:
  Kung siya [babae] ay pinakasalan ng lalaki at siya [babae] ay hindi naangkin nito (ibig sabihin ay sila ay hindi nagtalik bagkus nagkaroon lamang ng kasunduan ng pag-aasawa): Magkagayon, mahihiwalayan niya ito at ang pakikipag-ugnayan niya rito ay nagwakas ng dahil sa diborsiyo, at sa oras ng kanyang pagyakap sa Islam. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {O kayong mga naniniwala! Kapag inyong pinakasalan ang mga naniniwalang babae, at pagkatapos, sila ay inyong hiniwalayan (diniborsyo) bago pa ninyo sila sipingan, kung gayon, hindi na kinakailangan na kayo ay magpalipas ng Iddah (panahon ng paghihintay) para sa kanila}. Al-Ahzab (33): 49
  Ang Iddah (panahon ng paghihintay) ng isang nagdadalang tao: Magtatapos ito sa oras na naipanganak niya ang kanyang dinadala, maging ito man ay mahaba o maikling panahon. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At sa kanila na nagdadalang-tao, ang kanilang takdang panahon ay hanggang sa maipanganak nila ang kanilang dinadala}. At-Talaq (65): 4
  Kung siya ay hindi nagdadalang-tao at dinaratnan pa rin ng buwanang regal, ang kanyang Iddah ay tatlong magkasunod na pagreregla pagkaraan ng diborsiyo o pagkaraan ng pagyakap ng asawang lalaki sa Islam; ibig sabihin - ang kanyang paghihintay na panahon ay natatapos kapag siya ay nakapagligo matapos ang ikatlong kalinisan, magkagayon ang kanyang Iddah ay tapos na. Batay sa sinabi Niya, ang Kataas-taasang (Allah): {At ang mga nahiwalay na babae (diborsiyada) ay maghihintay sa kanilang sarili ng (palugit na) tatlong regla}. Surah Al-Baqarah (2): 228
  Kung siya ay hindi nakararanas ng pagreregla sanhi ng kanyang kabataan, o katandaan nito at pagtigil ng pagreregla, o ng sakit panghabang-buhay, sa gayon ang kanyang Iddah ay tatlong buwan simula na siya ay idiborsiyo o simula ng pagyakap sa Islam ng kanyang asawa. Batay sa sinabi Niya na Kataas-taasang (Allah): {At sa inyong kababaihan na lumagpas na sa panahon ng kanilang buwanang dalaw (regla), kung kayo ay may alinlangan (tungkol sa kanilang panahon), magkagayon, ang kanilang Iddah (natatakdaang panahon) ay tatlong buwan, gayundin sa kanila na wala pang buwanang regla . Surah At-Talaq (65): 4

Kapag hindi yumakap sa islam ang asawang babae:

Siya ba ay isang Angkan ng Kasulatan (Hudyo o Kristiyano)?
Oo
ang kasal ay mananatili sa kalagayan nito at hindi nangangailangan ng pagbago, at dapat sa lalaki na anyayahan ang kanyang asawa ayon sa lahat ng tamang mga pamamaraan.
Hindi
Kung siya ay hindi isang Angkan ng Kasulatan, magkagayon kanyang aanyayahan siya sa Islam, at pagkatapos ay titingnan natin, kung siya ba ay yumakap sa Islam sa panahon ng Iddah (Tunghayan ang Iddah sa talahanayan na katapat)?
Oo
Siya ay asawa niya sa Islam at hindi sila nangangailangan ng panibagong kasunduan.
Hindi
Kung siya ay tumanggi sa Islam hanggang sa matapos ang Iddah, ang kasunduan ay nawalan na ng bisa, at kung kailan siya ay yumakap sa Islam, maaari silang magbalikan sa isa’t isa sa panibagong kasunduan.

Ano ang hatol kapag yumakap sa Islam ang babae at hindi yumakap sa Islam ang kanyang asawa?

Kapag yumakap nagn sabay sa Islam ang mag-asawang di-Muslim: Sila ay mananatili sa kanilang kasal, kung hindi siya kabilang sa mga ipinagbabawal na mag-asawa sa kanya, sa pagiging isa siya sa kanyang Mahram, tulad siya ay kanyang kapatid na lalaki, o tiyuhin sa ama o tiyuhin sa ina (Tunghayan ang pahina: 223)

Datapuwa’t kapag yumakap sa Islam ang babae at tumangging yumakap sa Islam ang kanyang asawa:

Magkagayon, sa sandali ng kanyang pagyakap sa Islam, ang kasunduan sa kasal ay pinawawalang-bisa, at ang asawang babae ay maaaring pumili:

  • Siya ay maaaring maghihintay hanggang ang kanyang asawa ay yumakap sa Islam, at nararapat niyang gawin ang lahat ng paraan at paanyaya sa Kanya sa pagpapaliwanag sa Relihiyong Islam at patuloy siyang manalangin sa Allah para sa kanyang patnubay, at kung yumakap sa Islam kahit matapos ang mahabang panahon, sa gayon siya ay makakabalik sa kanya batay sa unang kasal habang siya ay naghihintay sa kanya, datapuwa’t hindi ipinahihintulot sa kanya na hayaan niyang makipagtalik sa kanya hanggang hindi ito yumayakap sa Islam.
  • At kung magagawa niya, maaari niyang hilingin ang diborsiyo kapag napag-alaman na niya na walang nang pag-asa sa paghihintay ng kanyang pagyakap sa Islam.
    At sa dalawang kalagayan, hindi niya dapat hayaang makipagtalik sa kanya ang kanyang asawang hindi Muslim simula sa oras ng kanyang pagyakap sa Islam. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At kung inyong napatunayan na sila ay naniniwala, magkagayon, sila ay huwag ninyong hayaang bumalik sa mga di- naniniwala. Sila (mga babaeng naniniwala) ay hindi pinahihintulutan para sa kanila (na maging asawa) at sila rin (mga di-naniniwala) ay hindi pinahihintulutan para sa kanila}. Al-Mumtahanah (60}: 1

At batay dito, tungkulin ng babae sa simula ng pagyakap niya sa Islam na gawin ang mga sumsunod:

  1. Sa simula ng kanyang pagyakap sa Islam, tungkulin ng babae na magmadali sa pag-aanyaya sa kanyang asawa sa Islam sa pamamagitan ng lahat ng mahuhusay na paraan at magandang pangangaral.
  2. Kung tumanggi ang asawang lalaki sa Islam at hindi siya nagtagumpay sa paghikayat nito matapos ang iba’t ibang pagsubok, at nawalan na rin ng pag-asa rito: Sa gayon, kailangan niyang magmadali at simulan ang mga alituntunin ng paghihiwalay at diborsiyo.
  3. Ang panahon na iginugugol sa mga alituntunin ng diborsiyo – kahit pa tumagal ito – ay itinuturing pa rin ang kasunduan ng kasal sa kanilang dalawa na isang kasunduang ipinahihintulot, samakatuwid kung kailan man yumakap sa Islam ang kanyang asawa sa panahong ito at kahit hanggang sa pagkatapos na ng Iddah ay babalik siya sa kanya sa unang kasunduan, at kapag natapos ang mga alituntunin, magkagayon katotohanang ang kasunduan ay nawalan na ng bisa.
  4. Ipinahihintulot sa babae ang manatili sa tahanan ng kanyang asawa sa panahon ng paghihintay bago matapos ang mga alituntunin ng diborsiyo, at ipinagbabawal sa kanya na makipagtalik sa kanyang asawang di-Muslim simula ng kanyang pagyakap sa Islam.

Ang pagyakap sa Islam ng mga kabataan:

Ayon sa katuruan ng Islam, ang lahat ng mga tao ay ipinanganak na Muslim, may likas na paniniwala sa Allah [ito ang tinatawag na Al-Fitrah (likas ng paniniwala) nguni’t sila ay iminulat at pinasunod lamang sa ibang mga relihiyon dahil ito ang iminulat ng mga magulang sa kanila. Sinabi ng Sugo ng Allah ﷺ : “Walang isa mang naipapanganak maliban na ipinanganganak ito sa Al-Fitrah [ipinanganak na may likas ng paniniwala sa Alalh]. Samakatuwid, ang kanyang mga magulang ang nagtakda sa kanya bilang isang Hudyo, o isang Kristiyano o isang Pagano”. (Al-Bukhari: 1292 – Muslim: 2656).

Nguni’t hinggil sa mga anak ng magulang na di-Muslim ating itinuturing sila bilang mga di-Muslim sa mundong ito; kung sila ay mamatay sa murang gulang, magkagayon ang Allah na Tigib ng Kapangyarihan at Kapita-pitagan ang Siyang pinakamakatarungang Tagapaghatol at Siya ang nakaaalam sa lihim at nakatago, at sila ay Kanyang idadaan sa pagsusulit at pagsubok sa Araw ng Pagbabangong Muli, at sinuman ang sumunod, siya ay makapapasok sa Paraiso, samantalang ang sinumang sumuway, ay papasok sa Apoy.

At nang tanungin ang Sugo ng Allah ﷺ tungkol sa mga anak ng mga Mushrikun (mapagtambal sa Kaisahan ng Allah). Siya ay nagsabi: “Ang Allah na Siyang lumikha sa kanila ang higit na nakaaalam sa kung ano ang kanilang lagi nang ginagawa”. (Al-Bukhari: 1317).

Nguni’t kailan natin maaaring ituring ang mga anak ng mga magulang na di-Muslim bilang Muslim sa mundong ito?

Upang mapapatunayan ito, mayroon itong iba’t ibang kalagayan. Ang ilan dito ay:

  1. Kapag yumakap sa Islam ang dalawang magulang, o yumakap sa Islam ang isa sa kanila, magkagayon ang bata ay nararapat sumunod kung sino sa dalawang magulang ang may pinakamabuting pananampalataya.
  2. Kapag yumakap sa Islam ang isang bata na may wastong pag-iisip kahit wala pa sa tamang gulang at kahit hindi pa yumakap sa Islam ang kanyang mga magulang. Sa katunayan, may isang batang Hudyo na naglilingkod sa Propeta ﷺ at ito ay nagkasakit, kaya dumalaw sa kanya ang Propeta ﷺ at siya ay naupo sa bahaging ulo nito. Siya ay nagsabi sa kanya: “Tanggapin mo ang Islam”, kaya siya [ang bata] ay tumingin sa kanyang ama na naroroon sa kanya, at ito ay nagsabi sa kanya: Sundin mo si Abu Al-Qasim ﷺ , kaya yumakap siya sa Islam, at lumabas ang Propeta ﷺ habang siya ay nagsasabi: “Ang lahat ng pagpupuri ay sa Allah na nagligtas sa kanya mula sa Apoy”. (Al-Bukhari: 1290)
Ang kanya bang mga magulang ay sabay na yumakap sa Islam o ang isa lamang sa kanila?
Oo
Siya ay itinuturing bilang Muslim at siya ay dapat na pakitunguhan batay sa mga alituntuning nauukol sa mga Muslim.
Hindi
Siya ba ay yumakap sa Islam nang malaya sa kanyang pamilya?
Oo
Ang mga Muslim skolar ay nagkaisang sumasang-ayon na siya ay itinuturing bilang isang Mulsim kung kanyang nabibigyang kaibahan ang tama at mali, at ang gayong kaalaman ay makapagliligtas sa kanya sa kabilang buhay.
Hindi
Hinggil sa mga anak ng magulang na di-Muslim ating itinuturing sila bilang mga di-Muslim sa mundong ito; kung sila ay mamatay sa murang gulang, magkagayon ang Allah na Tigib ng Kapangyarihan at Kapita-pitagan ang Siyang pinakamakatarungang Tagapaghatol at Siyang nakaaalam sa lihim at nakatago, at sila ay idadaan Niya sa pagsusulit at pagsubok sa Araw ng Pagbabangong Muli, at sinuman ang sumunod, siya ay makapapasok sa Paraiso, samantalang ang sinumanang sumuway, ay papasok sa Apoy.