Ang paniniwala sa mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian
Ang paniniwala sa lahat ng pinagtibay ng Allah para sa Kanyang Sarili mula sa Kanyang Aklat o sa Sunnah (katuruan) ng Kanyang Sugo tungkol sa mga Pangalan at mga Katangian nang ayon sa marangal na pamamaraan angkop para sa Allah.
Samakatuwid, ang Dakilang Allah ang may angkin ng mga Naggagandahang Pangalan at Pinakaganap na mga Katangian, walang makatutulad sa Kanya sa Kanyang mga Pangalan at mga Katangian. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Walang anupaman ang makakatulad sa Kanya, at Siya ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakakita}. Surah Ash-Shura (42): 11
Samakatuwid, ang Allah ay malayong maitutulad sa alinman sa Kanyang mga nilikha sa lahat ng Kanyang mga Pangalan at mga Katangian.
Ang ilan sa mga Pangalan ng Allah:
Ang Allah ay nagsabi: {Ar-Rahman (ang Mahabagin), Ar-Rahim (ang Maawain)}. Surah Al-Fatihah (1): 3
At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {At Siya ang As-Sami` (ang Lubos na Nakakarinig), Al-Basir (ang Ganap na Nakakakita)}. Surah Ash-Shura (42): 11
At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {At Siya ang Al-Aziz (ang Sukdol sa Kapangyarihan), ang Al-Hakim (ang Tigib ng Karunungan)}. Surah Luqman (31): 9
At sinabi pa ng Kataas-taasang (Allah): {Allah! Laa ilaaha illaa Huwa (Wala ng iba pang diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya). Al-Hayyu (ang Laging Buhay), Al-Qayyum (ang Tagapagtaguyod ng lahat)}. Surah Al-Baqarah (2): 255
At sinabi pa ng Kataas-taasan (Allah): {Ang lahat ng pagpupuri at pasasalamat ay sa Allah (ang Tunay na Diyos), ang Panginoon ng lahat ng nilalang}. Surah Al-Fatihah (1): 2
Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa Mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian:
-
Ang pagkakilala sa Allah. Kaya sinuman ang naniwala sa mga Pangalan ng Allah at sa Kanyang mga Katangian ay nararagdagan ang pagkakakilala sa Allah, kaya mararagdagan din ang kanyang pananampalataya [at paniniwala] sa Allah nang wagas, at lalakas ang kanyang pagsamba sa Allah (Tawhid), at isang karapatan ng sinumang nakaalam sa mga Pangalan ng Allah at Kanyang mga Katangian na mapuno ang kanyang puso bilang pagdakila, pagmamahal at pagpapakumbaba sa Kanya na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan.
-
Ang pagpuri sa Allah sa pamamagitan ng pagbanggit sa Kanyang mga Naggagandahang Pangalan nang palagian, at ito ang pinakamainam sa mga uri ng pagbibigay-alala [o paggunita] sa Kanya. Sinabi ng Kataas-taasan: {O kayong mga naniniwala! Alalahanin ninyo ang Allah nang madalas [o palagiang] pag-aalaala }. Surah Al-Ahzab (33): 41
-
Ang paghingi ng tulong sa Allah at pagdalangin sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga Pangalan at mga Katangian. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah: {At taglay ng Allah ang mga Naggagandahang Pangalan, kaya manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan nito}. Surah Al-A`raf (7): 180 Ang halimbawa nito, na manalangin kayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsabi: Yaa Razzaaq Urzuqni (O Tagatustos, tustusan Mo po ako), Yaa Tawwaab Tub `alaiya (O Tagatanggap ng pagsisisi, tanggapin Mo po ang aking pagsisisi), at Yaa Raheem Irhamni (O Mahabagin, kahabagan Mo po ako).
Ang Mga Pinakamataas na Antas ng Eeman (Paniniwala):
Ang Paniniwala ay may mga antas. Nababawasan ang Eeman [paniniwala] ng isang Muslim ayon sa sukat ng kanyang pagkalimot at pagsuway, samantalang nararagdagan ang Eeman [paniniwala] nito sa tuwing nararagdagan ang pagsunod [at pagtalima] sa mga kautusan, pagsamba at pagkatakot sa Allah. At ang pinakamataas sa mga antas ng Eeman [paniniwala] ay ang tinatawag sa Batas ng Islam na Al-Ihsan (ang pagsasagawa ng pagsamba nang buong husay at wagas). Sa katunayan, ito ay ipinaliwanag ng Propeta r sa kanyang sinabi: “[Ang Ihsan] ay pagsamba sa Allah ay wari bang Siya ay iyong nakikita, bagaman Siya ay hindi mo nakikita, katotohanang ikaw ay Kanyang ganap na nakikita”. (Al-Bukhari: 50 – Muslim: 8)
Kaya alalahanin na sa iyong pagtindig, sa iyong pag-upo, sa [mga panahon ng] iyong kalakasan, sa [mga panahon ng] iyong kahinaan at sa lahat ng iyong mga kalagayan; ang Allah ay sumusubaybay sa iyo, nagmamasid sa iyo, kaya huwag mo Siyang suwayin samantalang iyong nakababatid na ikaw ay Kanyang ganap na nakikita, at huwag mong hayaang ang pangamba at kawalan ng pag-asa na maghari [o mangibabaw] sa iyo, samantalang iyong nababatid na Siya ay kasama mo, at paano ka nakararamdan ng lungkot, samantalang ikaw ay nagsusumamo sa Kanya ng panalangin at pagpapala, at paano mahuhulog ang iyong sarili sa pagkakasala, samantalang ikaw ay naniniwala nang may katiyakan na Siya ay nakababatid sa iyong inililihim at inilalantad, at kung ikaw ay natisod at nagkamali, ikaw ay sumasangguni, magbalik-loob at humihingi ng kapatawaran, kaya tatanggapin sa iyo ng Allah ang pagsisisi.
Ang Ilan sa Mga Kabutihang Ibinubunga ng Paniniwala sa Allah:
-
Na ang Allah ang nagtatanggol sa mga naniniwala sa lahat ng kapahamakan, at nagliligtas sa kanila sa mga kagipitan, at nangangalaga sa kanila mula sa mga balakin ng mga kaaway. Batay sa sinabi ng Kataas-taasan (Allah): {Katotohanang ang Allah ay nagtatanggol sa mga naniniwala}. Surah Al-Hajj (22): 38
-
Na ang Eeman (paniniwala) ang nagsisilbing dahilan ng pagkakaroon ng mabuting buhay, kaligayahan at kasiyahan. Sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging lalaki man o babae, habang siya ay naniniwala (sa Kaisahan ng Allah), katiyakang Aming igagawad sa kanya ang isang mabuting buhay (sa mundong ito)}. Surah An-Nahl (16): 97
-
Na ang Eeman (paniniwala) ay pinalalaya ang kaisipan ng tao mula sa mga pamahiin, kaya sinuman ang naniwala sa Allah nang buong katotohanan, nagtiwala sa Allah at nanalig nang buong katapatan sa Kanya bilang Panginoon ng lahat ng nilalang, at tunay na Diyos nang walang pagtatambal. Bunga nito, siya ay walang sinumang kinatatakutan at ipinakikita ang kanyang pagsamba sa Allah lamang. Kaya pagkaraan nito siya ay nagiging malaya mula sa mga pamahiin at mga maling kaha-haka.
-
At ang Pinakamalaking Pagpapala na Ibinubunga ng paniniwala sa Allah ay ang pagtamo sa lugod [pagmamahal at pagpapala] ng Allah, at ang pagpasok sa Paraiso, at ang pagkakaloob ng walang katapusang biyaya at habag ng Dakilang Allah.
Ang Paniniwala sa mga Anghel:
Ang Kahulugan ng Paniniwala sa mga Anghel:
Ang matatag na paniniwala ng pagkakaroon ng mga Anghel, na sila ay may sariling daigdig na lingid, bukod sa daigdig ng mga tao at daigdig ng mga Jinn, at sila ay mararangal, at mga alipin ng Allah na sumasamba sa Kanya, at sila ay tumatalima at tumutupad sa lahat ng mga ipinag-uutos sa kanila, at sila ay hindi sumusuway sa Allah kailanman.
Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Bagkus, sila (mga anghel) ay mga mararangal, Siya (Allah) ay hindi nila (mga anghel) pinangungunahan sa pagsasalita, at sila ay gumagawa nang ayon sa Kanyang pag-uutos}. Surah Al-Anbiya’ (21): 26-27
At ang paniniwala sa kanila ay isa sa anim na mga haligi ng Eeman (Paniniwala). Sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Ang Sugo (Muhammad) ay naniniwala sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon, at (gayundin) ang mga naniniwala. Ang bawa’t isa ay naniniwala sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Sugo}. Surah Al-Baqarah (2): 285
At siya r ay nagsabi tungkol sa [kahulugan ng] Eeman: “Na ikaw ay maniwala sa Allah, maniwala sa Kanyang mga Anghel, maniwala sa kanyang mga Kasulatan, maniwala sa Kanyang mga Sugo, maniwala sa Huling Araw at maniwala sa Tadhana, maging ito man ay mabuti at masama”. (Muslim: 8)
Ano ang Mga Napaloloob sa Paniniwala sa Mga Anghel?
- Ang paniniwala na mayroong mga anghel: Kaya tayo ay dapat maniwala na sila ay tunay na mga nilikha ng Allah, umiiral nang may katotohanan, sila ay Kanyang nilikha mula sa liwanag, at sila ay Kanyang inutusan para sa pagsamba at pagsunod sa Kanya.
- Ang paniniwala sa pangalan ng sinumang napag-alaman natin mula sa kanilang lipon, tulad ng Anghel Jibreel (Gabriel), [nawa’y igawad sa kanya ang kapayapaan], at gayundin yaong hindi natin napag-alaman ang kanilang mga pangalan, sila ay dapat nating paniwalaan sa pangkalahatang pananaw bilang katuruang ipinag-uutos ng Islam.
- Ang paniniwala sa kanilang mga katangian na ating napag-alaman, at ang mga ilan dito ay:
Sila ay tunay may sariling daigdig na lingid [sa ating mga paningin], sila ay mga nilalang na [patuloy] at lagi nang sumasamba sa Allah, kaya sila ay walang anupamang taglay na katangian [upang sila ay ituring bilang nag-aangkin ng] pagka-panginoon at pagka-diyos, bagkus sila ay mga alipin [o lingkod ng Allah] na ganap na napapailalim sa pagsunod sa Allah. Batay sa sinabi ng Dakilang Allah tungkol sa kanila: {Sila ay hindi sumusuway sa Allah sa anumang Kanyang ipinag-uutos sa kanila, bagkus kanilang ginagawa ang anumang Kanyang ipinag-uutos sa kanila}. Surah At-Tahrim (66): 6
Sila ay tunay na nilikha mula sa liwanag. Sinabi niya – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan: “Nilikha ang mga anghel mula sa liwanag”. (Muslim: 2996)
Tunay na sila ay mayroong mga pakpak. Katotohanang ipinabatid ng Allah na Siya ay lumikha sa mga anghel ng mga pakpak, sila ay magkakaiba nito sa bilang. Sinabi ng Maluwalhating Allah: {Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah, ang (tanging) nagpasimula ng paglikha sa mga kalangitan at kalupaan, ang naghirang sa mga anghel bilang mga Sugo na may mga pakpak, dalawa o tatlo o apat. Siya ang nagdaragdag sa paglikha sa anumang Kanyang naisin. Katotohanang ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay}. Surah Fatir (35): 1
- Ang paniniwala sa ating napag-alaman hinggil sa anumang kanilang mga gawain na kanilang ipinatutupad sa pag-uutos ng Allah, at ang ilan dito:
Ang inatasang mangasiwa para sa paghahatid ng Mensahe mula sa Allah tungo sa Kanyang mga Sugo – nawa’y ipagkaloob sa kanila ang kapayapaan, at ito ay si Jibreel (Anghel Gabriel) –nawa’y ipagkaloob sa kanya ang kapayapaan.
Ang inatasang mangasiwa para sa paghugot ng mga kaluluwa, ito ay si Malakal Mawt (ang Anghel ng kamatayan) at ang kanyang mga kasamahan.
Ang mga inatasang mangasiwa para sa pangangalaga ng gawain ng isang alipin at ang pagsulat nito, maging ito man ay mabuti o masama, at sila ang mararangal na mga tagapagsulat.
Ang Mga Mabubuting Bunga ng Paniniwala sa Mga Anghel:
Ang Paniniwala sa mga Anghel ay mayroong mga dakilang bunga sa buhay ng isang naniniwala [Muslim]. Babanggitin natin ang ilan dito, ito ay ang mga sumusunod:
-
Ang mapag-alaman natin ang Kadakilaan ng Allah, ang Kanyang Lakas at Kaganapan ng Kanyang Kapangyarihan, sapagka’t ang kadakilaan ng isang nilalang ay mula sa Kadakilaan ng Tagapaglikha, kaya bunga nito, ay nararagdagan ang ating pagpapahalaga sa Allah at higit pang pagdakila, na kung saan ang Allah ay nakalilikha ng mga anghel na may mga pakpak mula sa liwanag.
-
Ang manindigan [at matwid] sa pagsunod sa Allah, kaya sinuman ang naniwala na ang mga anghel ay nagsusulat ng lahat ng kanyang gawain, katotohanang ito ay nagbibigay sa kanya ng takot sa [parusang kanyang matatamo sa] Allah, kaya hindi niya magagawang sumuway, maging lantaran man at lihim.
-
Ang maging matiisin sa pagsunod sa Allah, at makaramdam ng kagalakan at kapanatagan sa sandaling ang isang naniniwala ay ganap na naniniwala na siya ay may kasamang libu-libong mga anghel sa napakalawak na sansinukob na ito na nagtataguyod sa pagsunod sa Allah nang ayon sa pinakamahusay na kalagayan at pinakaganap na katayuan.
-
Ang maging mapagpasalamat sa Allah sa Kanyang pangangalaga sa lahi ni Adam, na kung saan ay nagtakda Siya ng mga anghel na tumatayong tagapangalaga sa kanila at tagapagtanggol sa kanila.
Ang Paniniwala sa Mga Kasulatan (o Kapahayagan)
Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Mga Kasulatan [o Kapahayagan]:
Ang matapat na paniniwala na ang Allah ay may mga Kasulatan na ibinaba [o ipinahayag[ sa Kanyang mga Sugo para sa Kanyang mga alipin [mga tao], at na ang mga Kasulatan na ito ay Salita ng Allah na tunay Niyang sinalita nang angkop sa Kanyang Kaluwalhatian, at na ang mga Kasulatan na ito ay naglalaman ng katotohanan, liwanag at patnubay para sa sangkatauhan sa dalawang tahanan (sa mundo at sa kabilang buhay).
At ang paniniwala sa mga Kasulatan ay isa sa mga haligi ng Eeman (Paniniwala). Batay sa sinabi ng Maluwalhating (Allah): {O kayong mga naniniwala! Maniwala kayo sa Allah at sa Kanyang Sugo (Muhammad), at sa Aklat (Qur’an) na Kanyang ibinaba [o ipinahayag] sa Kanyang Sugo, at sa mga Kasulatan naunang ibinaba [o ipinahayag]}. Surah An-Nisa’ (4): 136
Kaya ipinag-utos ng Allah ang paniniwala sa Kanya, sa Kanyang Sugo at sa Kasulatan na Kanyang ibinaba [o ipinahayag] sa Kanyang Sugo r at ito ay ang Qur’an, gayundin na Kanyang ipinag-utos ang paniniwala sa mga Kasulatang ibinaba [o ipinahayag] nang una sa Qur’an.
At ang Sugo ng Allah r ay nagsabi tungkol sa [kahulugan ng] Eeman (Paniniwala): “Ang ikaw ay maniwala sa Allah, maniwala sa Kanyang mga Anghel, maniwala sa Kanyang mga Kasulatan, maniwala sa Kanyang mga Sugo at sa Huling Araw, at maniwala sa Tadhana, maging ito man ay mabuti o masama”. (Muslim: 8)
Ano ang Mga Napaloloob sa Paniniwala sa Mga Kasulatan [o Kapahayagan]?
- Ang Paniniwala na ang pagbaba [o pagpapahayag] ng mga ito ay totoong nagmula sa Allah.
- Ang Paniniwala na ang mga ito ay Salita ng Allah –[ang Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan].
- Ang Paniniwala sa Mga Kasulatang pinangalanan ng Allah, tulad ng Dakilang Qur’an na ibinaba [o ipinahayag] sa ating Propetang si Muhammad r, at ang Tawrat (Torah) na ibinaba [o ipinahayag] kay Musa (Moises), ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, at ang Injeel (Ebanghelyo) na ibinaba [o ipinahayag] kay Isa (Hesus), ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan.
- Ang maniwala [tanggapin] sa anumang mga katotohanang napagtibay mula sa aklat na ito.
Ang Mga Kahigtan [o Kabutihan] at Katangian ng Dakilang Qur’an:
Katotohanang ang Dakilang Qur’an ay siyang Salita ng Allah na ibinaba [o ipinahayag] sa Propeta at ang huwaran natin na si Muhammad r, kaya pagkaraan nito, ang isang naniniwala ay nararapat na dakilain ang Aklat na ito at magsumikap upang maitaguyod [at magampanan] ang mga alituntunin nito, gayundin ang pagbabasa nito at ang pagmumuni-muni [sa mga aral at babala] nito.
At sapat na, na ang Qur’an na ito ang siyang patnubay natin sa mundo, at siyang dahilan ng tagumpay natin sa Huling Araw:
At ang Dakilang Qur’an ay nagtataglay ng maraming kahigtan [o kabutihan] at iba’t ibang katangian na namumukod sa iba pang mga naunang banal na Kasulatan, ang mga ilan dito ay:
- Katotohanang ang Dakilang Qur’an ay naglalaman ng pinakabuod ng makadiyos na mga batas, at ito ay dumating bilang isang pagpapatibay at pagpapatunay sa lahat ng mga naunang Kasulatan hinggil sa pag-uutos sa pagsamba sa Allah lamang.
Ang Allah ay nagsabi: {At Aming ibinaba sa iyo [O Muhammad] ang Aklat (Qur’an) sa katotohanan, na nagpapatunay sa mga Kasulatang nauna pa rito at tumatayo [bilang] saksi rito}. Surah Al-Ma`idah (5): 48
At ang kahulugan ng: {Na nagpapatunay sa mga Kasulatang una pa rito}: Ibig sabihin ay sumasang-ayon sa anumang mga salaysay na naipahayag sa mga naunang Kasulatan at sa anumang mga naipahayag dito na mga paniniwala at iba pang mga kautusan, at ang kahulugan naman ng {At tumatayo [bilang] saksi rito}: Ibig sabihin ay bilang isang katibayan at saksi sa mga naunang Kasulatan dito.
- Na tungkulin ng lahat ng mga tao sa iba’t-ibang mga wika at lahi na sundin [at panghawakan] ito at tuparin ang mga kahilingan nito gaano man katagal ang pagkahuli ng kanilang panahon sa panahon ng pagpapahayag sa Qur’an, kaiba sa mga naunang Kasulatan sapagka’t ang mga naunang kasulatan ay para sa natatanging mga tao lamang sa gayong natatanging panahon. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At ipinahayag sa akin itong Qur’an upang kayo ay aking bigyang-babala sa pamamagitan nito at ang sinumang abutan [ng mensahe nito]}. Surah Al-An`am (6): 19
- Katotohanang ang Allah ang Siyang nangangasiwa sa pangangalaga sa Qur’an, kaya walang kamay ang maaaring makaabot nito upang magdulot ng kabaluktutan at kailanman ay hindi makaaabot dito. Batay sa sinabi ng Maluwalhati: {Katotohanang Kami ang nagbaba ng Dhikr (ang Qur’an) at katiyakan na ito ay Aming pangangalagaan [mula sa mga katiwalian]}. Surah Al-Hijr (15): 9 At dahil dito, katotohanang ang lahat ng salaysay nito ay tama, nararapat paniwalaan.
Ano ang Katayuan Natin Tungkol sa kung ano ang nasa mga naunang Kasulatan?
Ang isang Muslim ay naniniwala na ang Tawrat (Torah) na ibinaba [at ipinahayag] kay Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, at ang Injeel (Ebanghelyo) na ibinaba [at ipinahayag] kay Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, ay totoong nagmula sa Allah, at katotohanang kapwa nitong kinabibilangan ng mga batas, mga aral at mga balita upang patnubayan ang sangkatahan at bigyang liwanag ang kanilang pamumuhay, sa mundong ito at sa Huling Araw.
Nguni’t ipinabatid ng Allah sa pamamagitan ng Qur’an na ang Angkan ng Kasulatan mula sa lipon ng mga Hudyo at Kristiyano ay kanilang binago ang kanilang mga Kasulatan, kanilang dinagdagan ito at binawasan, kaya ang mga ito ay hindi na nananatili (mula dating orihinal na kapahayagan) tulad ng pagkakababa nito ng Allah.
Samakatuwid, ang Tawrat (Torah) na umiiral sa ngayon ay hindi na ang dating Tawrat na ibinaba [at ipinahayag] kay Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, sapagka’t ito ay pinalitan [o binago] ng mga Hudyo, at kanilang pinaglaruan ang karamihan sa mga alituntunin nito, ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kabilang sa mga Hudyo ay yaong binabaluktot ang mga salita [o kahulugan] mula sa [tamang] kalagayan [o kahulugan o paggamit]}. Surah An-Nisa’ (4): 46
At gayundin naman ang Injeel (Ebanghelyo) na umiiral sa ngayon, hindi ito ang dating Injeel na siyang ibinaba[at ipinahayag] kay Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, sapagka’t tunay na binago ng mga Kristiyano ang Injeel, at kanilang pinalitan ang karamihan sa mga alituntunin nito. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi tungkol sa mga Kristiyano:
{At katotohanan, kabilang sa kanila ay isang pangkat na binabago ang [kahulugan ng] Aklat [kapahayagan] sa pamamagitan ng [maling pagbigkas sa] kanilang mga dila upang inyong isipin na ito ay nagmula sa Aklat, subali’t ito ay hindi nagmula sa Aklat. At sila ay nagsasabing: “Ito ay nagmula sa Allah,” subali’t ito ay hindi nagmula sa Allah. At sila ay nagsasalita ng kasinungalingan laban sa Allah bagaman [ito ay] kanilang nalalaman}. Surah Al-`Imran (3): 78
{At kabilang niyaong mga nagsasabing, “Kami ay mga Kristiyano,” Aming kinuha [at tinanggap] ang kanilang kasunduan, subali’t sila ay nakalimot sa isang [mahalagang] bahagi ng anumang [aral na] ipinaalala sa kanila. Kaya, Aming pinangyaring [umiral ang masidhing] suklam at poot sa kanilang pagitan hanggang sa [pagsapit ng] Araw ng Pagkabuhay na Muli at sa kanila ay ipababatid ng Allah ang anumang [kasalanang] kanilang lagi nang ginagawa} Surah Al-Maidah (5): 14
At dahil dito ay matatagpuan natin na ang tinatawag na banal na kasulatan na nasa mga kamay ng Angkan ng Kasulatan sa ngayon na napaloloob dito ang Torah at Ebanghelyo ay kinabibilangan ng napakaraming walang kabuluhang mga paniniwala at mga kabulaanang salaysay, at kasinungalingan na mga kasaysayan, kaya wala tayong pinaniniwalaan sa mga salaysay ng mga kasulatang ito maliban sa kung ano ang pinatunayan ng Banal na Qur’an o ng Wastong Sunnah (pahayag ng Propeta) at ating pinabubulaanan ang anumang pinabulaanan dito ng Qur’an at Sunnah, at manahimik tayo sa mga nalalabi, samakatuwid hindi natin papaniwalaan at hindi rin naman natin pabubulaanan.
At gayon pa man iginagalang ng isang Muslim ang mga Kasulatang iyon, hindi niya hinahamak at nilalapastangan; sapagka’t sa kabuuan, tunay na naglalaman pa rin ito ng ilan sa mga nalalabing Salita ng Allah na hindi pa rin nabago.
Ang Mga Bunga ng Paniniwala sa mga Kasulatan:
Ang Paniniwala sa mga Kasulatan ay Mayroong Maraming Kabutihang Ibinubunga, ang mga ilan dito ay:
-
Ang Kaalaman na pinangangalagaan ng Allah ang Kanyang mga alipin, at sa kaganapan ng Kanyang Habag, na kung saan Siya ay nagpadala sa bawa’t pamayanan ng isang Aklat na nagpapatnubay sa kanila at nagbibigay sa kanila ng tunay na kaligayahan sa mundo at sa Huling Araw.
-
Ang pagkaalam sa wagas na layunin ng Allah sa Kanyang Batas, na kung saan ay nagtakda Siya ng Batas sa bawa’t pamayanan na aangkop sa kanilang mga kalagayan at tutugma sa kani-kanilang pagkatao. Batay sa sinabi ng Allah: {Sa bawa’t pamayanan sa inyo, Kamia ay nagtalaga ng isang Batas at isang panuntunan ng buhay}. Surah Al-Maidah (5): 48
-
Ang pagpapasalamat sa Biyaya ng Allah sa pagpapahayag sa mga Kasulatan na yaon, sapagka’t ang mga kasulatan na ito ay isang liwanag at patnubay sa mundo at sa Huling Araw, kung kaya’t pagkatapos nito marapat lamang na pasalamatan ang Allah sa dakilang mga Biyaya na ito.