Ang Limang Mahahalagang Pangangailangan :
Ito ay mga napakahalagang pangangailangan na nararapat tamasahin at matamo ng tao upang siya ay tumahak at mamuhay nang marangal. Katotohanan, ang lahat ng mga batas ng Dakilang Allah ay nag-uutos para sa pangangalaga nito at pagbabawal sa anumang bagay na sumasalungat dito.
At katotohanang ang Islam ay nag-aanyaya sa mga Muslim na pangalagaan ang limang mahahalagang pangangailangang ito upang ito ay makatulong para sa kanilang kapakanan sa makamundong buhay at sa kabilang buhay at sa gayon sila ay mamuhay sa ganap na katiwasayan at kapayapaan.
At ang mga Muslim sa lahat ng dako ng mundo ay tumatayo bilang isang pamayanan na ang bawat kasapi nito ay tumatangkilik sa isa’t isa tulad ng isang matibay na moog, bawat bahagi nito ay nagpapatibay at nagtataguyod sa isa’t isa. At tulad ng katawan ng tao na kapag nakakaranas ng sakit ang isang bahagi nito, makakarama ng sakit ang buong katawan sanhi na kirot at hapding dinaranas. At ang limang pangangailangan ay maaaring panatilihin sa pamamagitan ng:
Pagtataguyod at pagkilala sa mga ito.
Pagtatanggol o pangangalaga rito laban sa anumang gawaing paglabag.
- Ang Relihiyon:
At ito ang pinakamahalagang paksa na siyang dahilan ng paglikha ng Allah sa tao, at ng pagpapadala ng mga Sugo upang maihatid ito at mapangalagaan. Tulad ng sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At katotohanang Kami ay nagsugo sa bawa’t pamayanan ng isang Sugo (na nagsasabing): Sambahin ninyo ang Allah at iwasan ninyo ang mga Taghoot [mga huwad na diyos]}. Surah An-Nahl (16): 36
At katotohanan, ipinag-uutos ng Islam na pangalagaan ang relihiyong ng Allah [ito ang Islam] at pangalagaan ito laban sa anumang bagay na makasisira sa kawagasan nito tulad ng pagsamba sa mga huwad na diyos, paniniwala sa mga pamahiin at mga gawaing ipinagbabawal [tulad ng panghuhula, mahika].
- Ang Buhay:
At katotohanan, ipinag-utos ng Allah ang pangangalaga sa buhay ng tao kahit pa man ito ay humantong sa paggawa ng kasalanan nang dahil sa makatuwirang pangangailangang magsagip [o magligtas] ng buhay. Tulad ng sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Datapuwa’t, sinuman ang napilitan (bunga ng masidhing pangangailangan) na wala namang layon ng paglabag (sa kautusan) at paglagpas (sa hangganan), kung gayon, siya ay walang kasalanan. Katotohanan, ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, Maawain}. Surah Al-Baqarah (2) : 173
Kaya Kanyang ipinagbabawal ang pagpapatiwakal o anumang gawain laban sa kapinsalaan ng buhay ng tao, sapagka’t sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At huwag ninyong hahayaang ang inyong sariling mga kamay ang magtutulak sa inyo sa kapahamakan}. Surah Al-Baqarah (2) : 195
At Kanyang ginawa bilang batas ang mga kaparusahan na siyang susupil at pipigil upang umiwas ang mga tao mula sa di-makatarungang pamiminsala sa kapwa tao, kahit anupaman ang kanilang relihiyong kinaaaniban. Sapagka’t sinabi ng Kataas-taasang Allah: {O kayong mga naniniwala! Ang Qisas (batas ng katarungan o pagkapantay-pantay] ay itinakda para sa inyo sa kaso ng [krimen ng] pagpatay}. Surah Al-Baqarah (2) : 178
- Ang Isip:
Kaya, matatagpuan sa Islam ang pagbabawal sa lahat ng nagdudulot ng kasamaan sa pag-iisip at sumisira sa pang-unawa, sapagka’t ang isip ay isa sa pinakamalaking pagpapala ng Allah sa atin, at itong kakayahang pangkaisipan ang nagbibigay ng karangalan sa tao at ito ang nagbibigay ng kahigtan sa kanya na hindi kailanman taglay ng ibang nilikha, kaya naman ito rin ang pangunahing dahilan upang tayo ay pumailalim sa pananagutan sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
At dahil dito, ipinagbawal ng Allah ang lahat ng uri ng mga inuming nakalalasing at mga bawal na gamot, at itinuring ito bilang isang karumal-dumal na gawain ng Satanas. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {O kayong mga naniniwala! Katotohanan, ang Khamr (lahat ng uri ng inuming nakalalasing), at pagsusugal, at Ansab (kung saan naroon ang mga imahen, na sa paligid nito ay inihahandog ang kanilang mga alay), at Azlam (mga busog o palaso na kung saan ay pinagsasanggunian nila ng kanilang kapalaran o kapasiyahan) ay karumal-dumal na gawain ni Satanas. Kaya iwasan ninyo ito (ang lahat ng gayong uring gawain), upang sakali inyong makamit ang tagumpay}. Surah Al-Maidah (5) : 90
- Ang Mga Anak [o mga Supling]: :
At binibigyang-diin ang kahalagahan sa pangangalaga ng mga anak o [supling] at ito ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagkakaroon o pagbuo ng isang pamilya na siyang magsisilbing haliging-gabay ng bagong henerasyon upang makakuha ng kagandahang asal at matutunan nito ang mga matatayog na adhikaing makapagtayo ng isang lipunan o pamayanang batay sa prinsipiyong nakatuon sa kabutihang asal. Ito ay malinaw na matatagpuan sa ilang bilang na sumusunod na alituntunin:
- Ang Islam ay humihimok sa pag-aasawa at hinihikayat ang mga Muslim na gawing maagap ito para sa mga walang asawa upang huwag dumanas ng kahirapan sa mga gastusin nito. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {At inyong pakasalan ang mga malalaya [walang asawang] kabilang sa inyo}. Surah An-Nur (24): 32
- Ipinagbabawal ng Islam ang lahat ng mga makasalanang ugnayan at hinadlangan nito ang lahat ng mga daanan na umaakay patungo rito. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {At huwag ninyong lapitan [at inyong iwasan] ang bawal na pakikipagtalik. Katotohanan, ito ay kahalayan at napakasamang landas.} Surah Al-Isra’ (17): 32
- Ipinagbabawal nito ang paninirang-puri o paglapastangan sa angkan ng tao at ito ay itinuturing bilang isa sa mga malalaking kasalanan na ang sinumang gumagawa nito ay papatawan ng matinding kaparusahan sa mundo, lalung-lalo na sa mga haharapin niyang kaparusahan sa kabilang buhay.
- Ipinag-utos sa mga Muslim [lalaki at babae] ang pangangalaga ng kanilang dangal, at itinuring bilang isang Martir [Shaheed] ang napatay nang dahil sa pangangalaga [at pagtatanggol] ng kanyang sariling dangal at dangal ng kanyang pamilya. (tingnan ang pahina:218)
- Ang Mga Ari-arian [at Kayamanan]: :
Samakatuwid, hinikayat ng Islam ang mga Muslim na kanilang pangalagaan ang kanilang mga ari-arian at panatilihin ang kanilang mga kayamanan at ipinag-uutos sa kanila na maghanap-buhay at makipagkalakalan [at makipagpalitan ng pamilihan] sa paraang marapat, marangal at pinahihintulutan.
At upang mapangalagaan ang kayamanan, ipinagbawal ang Riba (pagpapatubo), ang pandaraya, at ang pagkamkam ng mga kayamanan ng tao nang hindi makatuwiran. Ang Qur’an ay nagbabala ng kaparusahan sa sinumang gumawa nito (Tingnan ang pahina184)