Ang Pananampalatayang Islam ay Sumasaklaw sa Lahat ng Mga Aspeto ng Buhay
Ang Islam ay hindi lamang pangangailangang-ispiritual na tinutupad ng mga Muslim sa loob ng mga Masjid (bahay-dalanginan) sa pamamagitan ng pagdalangin at pagdarasal.
At hindi rin ito mga pinagtipunang haka-haka at mga paniniwala na niyakap [o bulag na sinusunod] ng mga Muslim.
Hindi rin ito malawakang pamamaraang nauukol sa pangkabuhayan.
At hindi rin ito mga batas at mga prinsipiyo para sa pagtatag ng lipunan at pamamaraan lamang.
At hindi rin ito mga pinagtipunang aralin tungkol sa Kagandahang asal para sa pakikitungo sa ibang tao.
Bagkus, ito ay isang pamamaraan na sumasaklaw sa lahat ng mga aspeto ng buhay nang walang nakahiwalay na anupaman.
At sa katotohanan, ginanap na ng Allah ang biyayang ito sa mga Muslim at pinili ang ganap na pananampalatayang ito para sa atin. tulad ng sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Sa Araw na ito ay ginawa Kong ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, at nilubos Ko ang Aking biyaya para sa inyo, at Aking pinili para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon}. Surah Al-Maidah (5): 3
At nang sabihin ng isa sa mga pagano bilang pangungutya sa isang kasamahan [ng Sugo ng Allah] na si Salman Al-Farisi: Ang inyong kasama ba (ibig sabihin ang Sugo ng Allah) ay tunay na nagtuturo sa inyo ng lahat ng bagay pati na ang kagandahang asal sa pag-ihi at pagdumi? Sinagot siya ni Salman: Oo, tunay na tinuruan kami, at pagkatapos ay binanggit niya sa kanya ang mga alituntunin ng Islam at ang magagandang asal nito tungkol sa bagay na ito.