Ang Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadhan

Ang Kahulugan ng Pag-aayuno:

Ang Kahulugan ng Pag-aayuno sa Islam: Ito ay isang uri ng Ibadah [o gawang pagsamba] sa Allah sa pamamagitan ng pagpigil at pag-iwas mula sa pagkain, inumin, pakikipagtalik at sa iba pang nakasisira sa pag-aayuno simula sa pagsapit ng Fajr (madaling araw) – ito ay ang pagtawag ng Adhan sa madaling araw – hanggang sa paglubog ng araw – at ito ay ang oras ng pagtawag ng Adhan sa Maghrib.

Ang Kabutihan ng Buwan ng Ramadhan

Ang buwan ng Ramadhan ang ikasiyam na buwan sa mga lunar na buwan sa islamikong kalendaryo

Ang buwan ng Ramadhan ay ikasiyam na buwan sa mga lunar na buwan ng Islamikong Kalendaryo, at ito ang pinakamainam sa mga buwan ng taon. Itinangi ng Allah dito ang maraming kabutihan bukod sa iba pang mga buwan, at ang ilan sa mga naturang kabutihan nito ay:

  1. Ito ang buwan na itinangi ng Allah dahil sa kapahayagan ng pinakadakila at pinakamarangal mula sa mga Banal na Kasulatan: ang Qur’an. Ang Allah ay nagsabi: {Buwan ng Ramadhan [nang] ipinahayag ang Qur’an, [ito ay nagsisilbing] patnubay para sa sangkatauhan at [bilang] mga malilinaw na katibayan ng patnubay at pamantayan [sa pagitan ng wasto at mali]. Kaya, sinuman sa inyo ang nakatanaw sa [bagong buwan ng] buwan [ng Ramadhan], siya ay nararapat na mag-ayuno}. Al-Baqarah (2): 185
  2. Sinabi ng Propeta ﷺ : «Kapag sumapit ang Ramadhan, binubuksan ang mga pintuan ng Paraiso at isinasara ang mga pintuan ng Impiyerno at ikinakadena ang mga demonyo». (Al-Bukhari: 3103 – Muslim: 1079), tunay na inihanda ng Allah para sa Kanyang mga alipin ang pagsalubong dito sa pamamagitan ng pagpapatupad sa mga gawaing Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya.
  3. Na sinuman ang nag-ayuno sa maghapon nito at nagsagawa ng mga pagdarasal sa bawa’t gabi ng buwan nito, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan. Sinabi ng Propeta ﷺ : «Sinuman ang nag-ayuno sa Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain ay patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1910 – Muslim: 760). At sinabi pa niya ﷺ : «Sinuman ang nagtaguyod ng Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain ay patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1905– Muslim: 759)
  4. Na naririto ang pinakadakila sa lahat ng mga gabi ng buong taon: ang Laylatul Qadr (ang Dakilang Gabi o ang Gabi ng Kapasiyahan), na ipinabatid ng Allah sa Kanyang Aklat na ang isang nagagawang mabuting gawa rito ay higit na mabuti kaysa sa isang nagawa sa maraming panahon. Siya ay nagsabi: {Ang Laylatul Qadr ay higit na mabuti kaysa sa isang libong buwan}. Al-Qadr (97): 3, kaya sinuman ang nagtaguyod nito nang may paniniwala at pag-asang pagpalain, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan, at ito ay sa gabi ng huling sampung gabi ng Ramadhan at walang sinuman ang nakakaalam nang may katiyakan sa takdang oras nito.

Ang Wagas na Layunin sa Pag-aayuno

Ipinag-utos ng Allah [bilang tungkulin para sa mga Muslim] ang pag-aayuno sa maraming mga layunin at iba’t ibang dahilan sa relihiyon at sa mundong ito. At ang mga ilan dito:

  1. Ang pagkakaroon ng tunay na takot sa Dakilang Allah:

Ang pag-aayuno ay isang Ibaadah (pagsamba) na nagbibigay-daan ng pagpapalapit ng isang Muslim sa kanyang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang pagtalikod sa kanyang mga kinahuhumalingan at pagpigil sa kanyang mga pagnanasa, at upang kanyang masanay ang sarili sa kabanalan sapagka’t kanyang nababatid na ito ay ganap na nakikita ng Allah sa lahat ng lugar at panahon, gayundin ang kanyang panloob at panlabas. At dahil dito ang Allah, ang Maluwalhati ay nagsasabi: {O kayong mga naniwala, ang Sawm [pag-aayuno] ay itinatagubilin sa inyo tulad ng itinagubilin sa mga nauna sa inyo upang sakali kayo ay matakot [sa Allah nang may tunay na pagkatakot sa Kanya].}. Al-Baqarah (2): 183

  1. Pagsasanay sa pag-iwas [at pagtalikod] mula sa mga pagkakasala at mga gawaing masama:

Kaya kapag nakayanan ng isang nag-aayuno ang pagpigil sa mga ipinahihintulot bilang pagpapatupad sa Kautusan ng Allah, tiyak na siya ay higit na may kakayahan sa pagpigil sa kanyang mga pagnanasa mula sa mga pagkakasala at kasalanan, at pagpigil sa mga hangganan ng Allah at di-pagmamalabis sa kasinungalingan (kasamaan). Sinabi niya ﷺ : «Sinumang hindi lumisan mula sa mga salitang kasinungalingan at sa paggawa nito. Samakatuwid, hindi kailangan ng Allah na kanyang lisanin ang kanyang pagkain at inumin». (Al-Bukhari: 1804). Ibig sabihin, sinumang hindi tumigil sa kasinungalingan maging sa salita at gawa, tunay na hindi niya napatunayan ang mahalagang layon ng pag-aayuno.

  1. Pag-alaala sa mga nangangailangan [o kapus-palad] at naghihimok sa atin ng pagdamay at pagtulong sa kanila:

At sapagka’t ang nag-aayunong tao ay nakararanas ng matinding kakulangan, ng gutom at uhaw, ito ay naghahatid sa kanya upang kanyang maramdaman kahit pansamatala lamang ang matinding bunga ng gayong kahirapan na nararanas ng mga tunay na naghihikahos mula sa mga pangunahing pangangailangan ng buhay sa mahabang panahon. Ito ay nagbibigay paaalaala ng isang tao tungkol sa tuna yna kalagayan ng kanyang mga kapatid na dumaranas ng dalawang mahihirap at mapapait na kalagayan, ang gutom at ang uhaw, kaya siya ay magsisikap na makapag-abot sa kanila ng anumang tulong upang maibsan ang hirap ng buhay.

Ang kabutihan ng Pag-aayuno

Sa pag-aayuno ay mayroong maraming kabutihan ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  1. Na ang sinumang mag-ayuno sa buwan ng Ramadhan nang may paniniwala sa Allah at bilang pagsunod sa Kanyang mga kautusan at nakatitiyak sa gantimpala ng Allah sa kabilang buhay, na patatawarin ang kanyang mga nauna kasalanan. Tulad ng sinabi niya ﷺ : «Sinuman ang nag-ayuno sa buwan ng Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1910 – Muslim: 760).
  2. Katotohanang ang nag-aayuno ay makararanas ng labis na kaligayahan sa Kabilang buhay nang dahil sa mga tatamuhing gantimpala at ang kaligayahang kanyang tatamasahin ng dahilsa kanyang pag-aayuno. Tulad ng sinabi niya ﷺ : «Ang isang nag-aayuno ay mayroong dalawang kasiyahan: kasiyahan sa sandaling siya ay kakain ng kanyang Iftar (hapunan pagkaraan ng pag-aayuno), at ang kasiyahan sa sandaling makakaharap niya ang kanyang Panginoon [sa kabilang buhay]». (Al-Bukhari: 1805 – Muslim: 1151)
  3. Katotohanang mayroon sa Paraiso na isang pintuan na tinatawag na Al-Rayyan, walang nakakapasok dito maliban sa mga nag-aayuno. Siya ﷺ ay nagsabi: «Katotohanang mayroon sa Paraiso na isang pintuan na tinatawag na Al-Rayyan na papasok dito ang mga nag-aayuno sa Araw ng Pagkabuhay na Muli, walang makakapasok dito na sinuman maliban sa kanila. Sasabihin: Nasaan ang mga nagsipag-ayuno? Kaya sila ay magsisitindig, walang makakapasok dito na sinuman maliban sa kanila, at kapag sila ay nakapasok na rito, ito ay isasara, kaya wala nang makakapasok pa rito na sinuman». (Al-Bukhari: 1797 – Muslim: 1152)
  4. Katotohanang bawat gawaing pagsamba ay mayroong nakalaan gantimpala maliban sa pag-aayuno na ang Allah ay magbibigay ng masaganang gantimpala para sa mga nag-ayuno bilang paggawad sa kanila ng Kanyang walang hanggang habag at biyaya. Kaya sinuman ang magtatamo ng kanyang kabayaran at gantimpala mula sa Kanya ay balitaan nang nakasisiya tungkol sa mga inilaan sa kanya ng Allah. Siya ﷺ ay nagsabi na sinabi ng Allah: «Lahat ng gawain ng anak ni Adam ay para sa kanilang sarili maliban sa pag-aayuno, sapagka’t ito ay para sa Akin kaya Ako ang maggagawad nito ng gantimpala». (Al-Bukhari: 1805 – Muslim: 1151)

Ang Mga Bagay na Nakasisira sa Pag-aayuno

At ito ay ang mga bagay na kailangang iwasan ng isang nag-aayuno, sapagka’t ang mga ito ay nakasisira sa pag-aayuno. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Ang pagkain at pag-inom. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At magsikain kayo at magsiinom hanggang ang puting hibla [o sinag] ng bukang liwayway ay maging malinaw kaya inyong buuin ang pag-aayuno hanggang sa gabi [pagsapit ng takip-silim]}. Al-Baqarah (2): 187
    At sinuman ang kumain o uminom sanhi ng pagkalimot, magkagayonman ang kanyang pag-aayuno ay buo [hindi pa rin nawalan ng saysay] at hindi itinuturing [ang pagkalimot] bilang kasalanan. Tulad ng sinabi ng Propeta ﷺ : «Sinuman ang nakalimot habang siya ay nag-aayuno, siya ay napakain o napainum. Magkagayun, nararapat niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aayuno, sapagka’t siya [sa gayong pagkakataon] ay pinakain ng Allah at pinainom». (Al-Bukhari: 1831 – Muslim: 1155).
  2. Ang anumang nakakatumbas ng pagkain at pag-inum, at ang halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
  • Ang mga iniiniksyong likidong na katumbas na pagkaing pampalusog (nutrient solution) at pagkaing itinuturok na umaabot sa katawan upang punuan ang mga pagkukulang nito sa mineral at bitamina. Kaya ito ay tumatayong katumbas ng pagkain at inumin.
  • Ang pagsasalin ng dugo sa pasyenteng may karamdaman na tumatanggap ng dugo at ang isang bahagi nito; sapagka’t ang dugo ang kumakalat at lumalaganap sa isang bahagi ng katawan ng pasyente, ito ay nagdadala ng hangin at pagkain sa buong katawan kaya ito ay nakakatulad ng isang kumakain at umiinom.
  • Ang paninigarilyo sa iba’t ibang pamamaraan at uri nito, tunay na ito ay nakasisira sa pag-aayuno, sapagka’t binibigyan nito ng lason ang katawan sa pamamagitan ng paglanghap ng usok.
  1. Ang pakikipagtalik sa pamamagitan ng pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae, maging nilabasan ng semilya ang lalaki o hindi.
  2. Ang paglabas ng semilya sa sarili niyang kagustuhan sa pamamagitan ng pagyakap o paglalaro ng kanyang sariling ari, at ng nakakatulad pa nito.

Samantala, ang panaginip na may mga nakaaantig na pagnanasa [wet dreams] na nagbunga ng paglabas ng orgasmo, ito ay hindi nakasisira.
At ipinahihintulot sa lalaki ang paghalik sa kanyang asawa at ng nakakatulad nito, kung nababatid niyang may kakayahang siyang pigilin ang sarili, upang hindi mahulog sa pakikipagtalik.

  1. Ang sadyang pagsusuka, samantalang ang hindi sinadyang pagsusuka ay hindi nakasisira ng pag-aayuno. Sinabi niya ﷺ : « Ang sinumang nagsuka nang hindi sinasadya habang siya ay nag-aayuno, magkagayon siya ay walang pananagutang ulitin ito [bilang kabayaran], datapuwa’t ang sinumang sinadya ang pagsusuka, samakatuwid tungkulin niyang magbayad». (At-Tirmidi: 720 – Abu Daud: 2380)
  2. Paglabas ng dugo sanhi ng pagreregla o pagdurugo anuman ang oras o bahagi ng maghapon kapag ang naturang pagdurugo ay nagsimula. Anumang oras na ang gayong pagdurugo ay nagsimula, maging ito man ay sa nagsimula bago magtakip-silim, katotohanang ang pag-aayuno ng isang babae ay nawalan ng saysay, batay sa sinabi ng Propeta ﷺ : «Hindi baga kapag siya ay dinatnan ng regla, siya ay hindi magdarasal at hindi mag-aayuno». (Al-Bukhari: 1850)

Samantalang ang dugo na lumalabas sa babae sanhi ng karaniwang karamdaman, bukod sa buwanang pagreregla at pagdurugo sanhi ng panganganak, ito ay hindi nakapipigil sa pag-aayuno.

Sino ang pinahintulutan ng Allah na itigil ang pag-aayuno

Nagbigay ng pahintulot ang Allah sa ilang mga uri ng tao upang maaari nilang itigil ang pag-aayuno sa Ramadhan bilang pagpapagaan, habag at pagpapaluwag sa kanila. Sila ay ang mga sumusunod na babanggitin:

1 Ang may sakit o karamdaman na maaaring lumala ang sakit kung ipagpapatuloy ang pag-aayuno. Kaya maaari niyang ipagliban ang kanyang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan..

2Ang walang kakayahan sa pag-aayuno dahil sa katandaan at karamdaman na walang pag-asang malunasan, sa gayon maaari niyang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang magpakain sa bawat araw ng isang mahirap, ibibigay nito sa kanya ang katumbas ng isang kilo at kalahati mula sa pangunahing pagkain ng bansa..

3Ang naglalakbay sa panahon ng kanyang paglalakbay at sa pansamantala niyang pagtigil na bababa sa apat na araw, sa gayon maaari niyang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Nguni’t sinuman ang may karamdaman o nasa paglalakbay, ang katumbas na bilang ng araw ng pag-aayuno sa ibang araw ay dapat tuparin [bilang kabayaran ng pagliban]. Hangad ng Allah na ito ay gawing magaan para sa inyo at hindi Niya hangaring ito ay gawing mahirap para sa inyo.} Al-Baqarah: (2): 185
.

4 Ang dinatnan ng dugo sanhi ng pagreregla o panganganak, ipinagbabawal sa kanila ang pag-aayuno at hindi ito matatanggap sa kanila, datapuwa’t kailangan nilang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan (Tingnan ang pahina:110).).

5Ang nagbubuntis at nagpapasuso, kung sila ay nangangamba para sa kanilang sarili o sa bata, magkagayon, kailangan nilang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t nararapat nilang bayaran ang [bilang ng] araw na kanilang ipinagpaliban..

Ano ang Hatol sa Isang Muslim na Itinigil ang Kanyang Pag-aayuno sa Ramadhan?

Ang pagtigil sa pag-aayuno nang walang makatuwirang dahilan ay isang malaking kasalanan na angpapahiwatig ng pagsuway sa Dakilang Allah. Samakatuwid, ito ay nangangailangan para sa kanya ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Allah dahil sa kanyang nagawang malaking kasalanan at kanyang pagsuway sa kautusan ng Tagapaglikha, at ipinag-uutos para sa kanya ang pagbabayad sa araw na iyon lamang, maliban kung ang dahilan ng kanyang pagtigil ay dahil sa kanyang pakikipagtalik sa araw ng Ramadhan], sa gayon babayaran niya ang araw na iyon at bukod doon ay tungkulin pa niyang magbayad-sala sa naturang pagkakasala sa pamamagitan ng pagpapalaya ng isang alipin – ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng pagtubos sa isang alipin na Muslim (sa kamay ng mga kaaway) at pagkatapos ay kanyang palalayain ito. Sapagka’t binibigyang-diin ng Islam ang kahalagahan ng pagpapalaya sa isang tao mula sa pagiging alipin sa lahat ng pagkakataon, datapuwa’t kapag wala siyang natagpuang alipin tulad ng panahon ngayon, siya ay nararapat mag-aayuno ng dalawang buwan na magkakasunod, at kung hindi niya kaya, magkagayon siya ay nararapat magpapakain ng animnapung mahihirap.

Ang Mga Kusang-loob na pag-aayuno

Ipinag-utos ng Allah ang mag-ayuno ng isang buwan sa loob ng isang taon [i.e Ramadhan bilang tungkulin], nguni’t Siya ay naghihimok ng kusang-loob na pag-aayuno [hindi obligado] sa iba pang mga araw sa sinumang matatagpuang may kakayahang sa kanyang sarili at hangarin rito bilang pagnanais ng karagdagang pabuya at gantimpala, ang ilan sa mga araw na ito ay binabanggit sa ibaba:

  1. Ang Araw ng `Ashura’ at isang araw sa unahan nito o sa hulihan nito. Ang Araw ng `Ashura’ ay siyang ikasampung araw sa buwan ng Muharram - ang unang buwan ng Islamikong Kalendaryo. Ito ang araw na iniligtas ng Allah ang Kanyang Propetang si Musa (Moises) mula kay Fir`aun (Paraon) at Kanyang nilunod si Paraon kasama ang mga kawal nito. Kaya pinag-aayunuhan ito ng isang Muslim bilang tanda ng pasasalamat sa Allah sa Kanyang pagkaligtas kay Moises at bilang pagsunod natin sa ating Propeta (Muhammad ﷺ) nang kanyang pag-ayunuhan ito at kanyang sinabi: «Inyong pag-ayunuhan ito ng isang araw sa unahan nito o ng isang araw sa hulihan nito». (Ahmad: 2154), at nang tanungin siya ﷺ tungkol sa pag-aayuno niya rito, siya ay nagsabi: «Pinapawi nito ang [mga nagawang kasalanan ng] nakaraang taon». (Muslim: 1162)
  2. Ang Araw ng `Arafah. Ito ay ang ikasiyam na araw sa buwan ng Dhul Hijjah, ang ikalabing dalawang buwan sa Islamikong Kalendaryo. Sa araw na ito ay nagtitipun-tipon ang mga nagsasagawa ng Hajj sa Tahanan ng Allah sa `Arafah, na nananalangin sa Allah at nagsusumamo sa Kanya. Ito ang siyang pinakamainam sa lahat ng mga araw ng taon. At itinatagubilin din para sa mga hindi nagsasagawa ng Hajj ang pag-aayuno rito, sapagka’t nang tanungin siya ﷺ tungkol sa kabautihan ng pag-aayuno sa araw ng `Arafah, siya ay nagsabi: «Pinawawalang-sala nito ang mga kasalanang nagawa ng nakaraang taon at ng susunod». (Muslim: 1162)
  3. Ang Anim na Araw sa Shawwal. Ang Shawwal ay siyang ikasampung buwan ng taon. Siya ﷺ ay nagsabi: «Sinuman ang nag-ayuno sa Ramadhan at pagkaraan ay kanyang sinundan ito ng anim na araw na pag-aayuno sa Shawwal, siya ay tila nag-ayuno ng isang taon». (Muslim: 1164)

Ang Pinagpalang Eidul Fitr

Ang mga Eid (pagdiriwang) ay kabilang sa mga malilinaw na sagisag ng pananampalataya [ng Islam]. Nang dumating ang Propeta ﷺ sa Madinah at kanyang makita yaong mga Muslim na taga Madinah na tinawag na Ansar– na nagsisipaglaro at nagsisipagsaya sa dalawang araw sa loob ng isang taon, siya ay nagtanong: «Ano ang dalawang araw na ito»? Sila ay nagsabi: Kami ay dating naglalaro [o nagsasaya] rito sa panahon ng Jahiliyah [panahong wala pa ang Islam],at ang Sugo ng Allah ﷺ ay nagsabi: «Katotohanan [ang inyong pagsasayang] ito ay pinalitan sa inyo ng Allah nang higit na mainami kaysa rito: ang araw ng (Eid o pagdiriwang ng) Adha at ang araw ng (Eid o pagdiriwang ng) Fitr». (Abu Daud: 1134), at sinabi niya ﷺ bilang pagpapaliwanag na ang mga pagdiriwang ang siyang mga sagisag ng mga relihiyon [o pananampalataya]: «Katotohanang sa bawa’t pamayanan ay may sariling pagdiriwang, at ito ang ating Eid (pagdiriwang)». (Al-Bukhari: 909 – Muslim: 892)

Ang Mga Eid (Pagdiriwang) sa Islam:

Ang Eid sa Islam ay araw ng pagdiriwang at pagsasaya dahil sa ganap na pagsasakatuparan ng Ibaadah (gawaing pagsamba) bilang tanda ng pasasalamat sa Dakilang Allah sa paggawad ng Kanyang patnubay at Kanyang paggabay sa mga naturang Ibaadah. Itinatagubilin dito ang pagbibigay ng kasiyahan sa puso ng mga tao sa pamamagitan ng pagsusuot ng pinakamagandang kasuotan at pagmamagandang-loob sa mga nangangailangan, at pagsasaya sa mga paraang ipinahihintulot, tulad ng mga pagdiriwang at paligsahan ng paggawa ng mga kasiyahan sa lahat at kanilang pag-aalaala sa biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Dakilang Allah.

Ang Mga Eid (Pagdiriwang) ng Mga Muslim:

Ang mga Muslim ay mayroon lamang dalawang Eid (pagdiriwang) na kanilang idinaraos sa loob ng isang taon, at hindi ipinahihintulot para sa kanila na magtakda ng isang [karagdagang] araw na maaaring ituring ng mga tao bilang Eid maliban sa dalawang ito, at ito ay ang Eidul Fitr na ipinagdiriwang sa ika-1 araw ng buwan ng Shawwal, at ang Eidul Adha na ipinagdiriwang sa pagsapit ng ika-10 araw ng buwan ng Dhul Hijjah.

Ang [Pagdiriwang] Eidul Fitr:

Ito ay ang ika-1 araw ng buwan ng Shawwal – ang ikasampung buwan ng Kalendaryong Hijrah, dumarating ito pagkatapos ng huling gabi ng buwan ng Ramadhan. Ito ay tinawag na Eidul Fitr, sa dahilang ang mga tao ay nag-aalay ng pagsamba sa Allah sa pamamagitan ng pagtigil ng pag-aayuno sa araw na ito, tulad ng kanilang pagsagawa ng pagsamba sa Allah sa pamamagitan ng pag-aayuno sa Ramadhan. Sila ay nagdaraos ng pagdiriwang [o ng Eid] bilang tanda ng pasasalamat sa Dakilang Allah sa Kanya pagkakaloob sa kanila ng lahat ng biyaya at kagandahang-loob na kung saan ay Kanyang ginawang madali para sa kanila ang pag-aayuno upang kanilang mabuo nang ganap ang pagsasakatuparan ng pag-aayuno sa pinagpalang buwan ng Ramadhan. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi:

{(At hindi lamang iyon), bagkus [hangad Niya] para sa inyo na buuin ang mga itinakdang araw [ng pag-aayuno] at upang inyong dakilain ang Allah para sa anumang Kanyang ipinatnubay sa inyo at upang sakali kayo ay [matutong] magpasalamat [sa Kanya]. Al-Baqarah (2): 185

Ano Ang Mga Itinatagubilin Para sa Araw ng Eid?

  1. Ang pagsasagawa ng Salaatul Eid (pagdarasal sa Eid): Ito ay isang Salaah (pagdarasal) na pinahahalagahan ng Islam at inaanyayahan at hinihimok ang mga Muslim na lumabas upang isagawa ito kasama ng mga kababaihan at ng mga bata. Ang oras nito ay nagsisimula sa [sandaling] tumaas ang [sinag ng] araw na kasing haba ng sibat matapos sumikat ang araw hanggang ito ay lumihis sa katanghaliang tapat.
    Ang pamamaraan nito: Ang Salatul Eid (pagdarasal sa Eid) ay binubuo ng dalawang rak`ah (yunit), binibigkas ng Imam nang malakas ang kanyang pagbabasa sa dalawang ito, at pagkaraan ay tumatalakay ng dalawang sermon pagkatapos ng pagdarasal, at itinatagubilin sa Salatul Eid ang pagdaragdag ng Takbir (pagbigkas ng Allaahu Akbar) sa simula ng bawa’t rak`ah, kaya siya ay magbibigkas ng Allaahu Akbar (ang Allah ay Dakila) sa unang rak`ah bago bumigkas ng anim na Takbir bukod sa Takbiratul Ihram (ang panimulang Takbir), at sa ikalawang ra’kah ay magbibigkas ng limang Takbir bukod sa [pagbigkas ng] Takbir ng pagtayo mula sa pagkakapatirapa.
  1. Ang Zakatul Fitr (Ang kawanggawa pagkatapos ng Ramadhan): Katotohanang ipinag-utos ng Allah [bilang tungkulin] para sa sinumang nagtataglay ng labis mula sa kanyang mga pangangailangan sa Araw ng Eid at ng gabi nito tulad ng pagkain na kanyang ipamamahagi sa sukat ng isang saa` (3 kilo) mula sa pagkain ng mamamayan ng isang bansa, tulad ng bigas o trigo, o tamr (bungang datiles) para sa mga dukha at mahihirap na mga Muslim upang wala nang mangangailangan ditto sa Araw ng Eid.
    Ang oras nito: Magsisimula sa Maghrib (paglubog ng araw) sa huling araw ng Ramadhan hanggang sa isagawa na ang Salatul Eid (pagdarasal sa Eid), at maaari din naman na ipamahagi ito nang maaga bago ang Eid nang isang gabi o dalawang gabi.
    At ang sukat nito ay isang Saa` mula sa pangunahing pagkain ng mamamayan ng isang bansa, tulad ng trigo o bigas, datiles o ng nakakatulad nito. At ang Saa` ay sinusukat sa takalan, nguni’t ang pagsusukat nito sa pamamagitan ng timbang ay mas madaling iakma sa makabagong pamantayan, at ito ay tumutumbas sa timbang na halos tatlong kilo.
    At ipinag-uutos para sa kanyang sarili [bilang tungkulin] at para sa lahat ng nakaugnay sa kanya, tulad ng kanyang asawa at mga anak, at para sa mga sanggol na nasa sinapupunan ng ina, samakatuwid ipamamahagi ito para sa bawa’t isang tao ang isang Saa` – ibig sabihin ay katumbas halos ng 3 kilo, mula sa pagkain ng isang bansa.
    At ito ay tunay na itinagubilin ng Sugo ng Allah ﷺ «Bilang pagpapadalisay ng isang nag-aayuno mula sa (mga nagawa niyang) walang kabuluhang pananalita habang siya ay nasa oras ng pag-aayuno, at bilang pagpapakain sa mga mahihirap. Kaya sinuman ang nagbigay nito bago ang Salaah (pagdarasal), samakatuwid ito ay isang katanggap-tanggap na Zakah (katungkulang kawanggawa), datapuwa’t sinuman ang nagbigay nito pagkatapos na ng Salaah, ito ay magiging isa lamang karaniwang Sadaqah (hindi katungkulang kawanggawa)». (Abu Daud: 1609)

 

  1. Ipinag-utos na palaganapin ang kaligayahan at pagsasaya sa buong pamilya, maging maliit man o malaki, lalaki man o babae sa lahat ng ipinahihintulot na paraan ng pagsasaya at pagdiriwang, kabilang na ang pagsusuot ng pinakamaganda at pinakamagarang damit, at ang pagsamba sa Allah sa pamamagitan ng Iftar (pagtigil sa pag-aayuno) sa araw na ito at pagkain sa maghapon, at dahil dito ipinagbabawal ang pag-aayuno sa Eid.
  2. Ipinag-utos ang pagpupuri at pagdakila sa Allah sa gabi ng Eid (kinabukasan ay Eid) at sa paglabas patungo sa Salatul Eid (pagdarasal para sa Eid), at magpatuloy sa pagsasagawa nito [ng pagpupuri at pagdakila sa Allah] hanggang lumitaw ang Imam para sa pagdarasal ng Eid bilang pagpapahayag ng kasiyahan dahil sa ganap ng nagampanan ang pag-aayuno sa pinagpalang Ramadhan at bilang pasasalamat sa Biyaya ng Allah sa atin at pagpapatnubay Niya sa atin sa pag-aayuno. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Bagkus upang inyong magampanan nang ganap ang mga itinakdang araw, at inyong purihin at dakilain ang Allah sa mga ipinagkaloob Niyang patnubay sa inyo at upang kayo ay matutong magsasalamat (sa Kanya)}. Al-Baqarah (2): 185
    Ang pamamaraan ng Takbir (Pagpuri at pagdakila sa Allah): Allaahu akbar Allaahu akbar, Laa ilaaha illallaah, Allaahu akbar Allaahu akbar wa lillaahil hamd (ang Allah ay Dakila, ang Allah ay Dakila, walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, ang Allah ay Dakila, ang Allah ay Dakila at para sa Allah lamang ang mga papuri).
    At binibigkas din ang: Allaahu akbar kabiran, walhamdu lillaahi kathiran, wa subhaanallaahi bukratan wa asila (ang Allah ay Dakila, at sa Allah [nararapat] ang maraming papuri at pasasalamat, at sa Allah [nauukol] ang pagluwalhati sa umaga at sa hapon).
    At itinakda [bilang tagubilin] dito ang pagpapataas ng tinig ng mga kalalakihan sa pamamaraang hindi makakapinsala sa mga tao at hindi rin makabubulahaw sa kanila, samantalang ang mga kababaihan naman ay [nararapat na] ibaba ang kanilang mga tinig.