Ang pinagpalang Eidul Adha
Ito ang siyang ikalawang Eid ng mga Muslim at ito ay dumarating sa ikasampung araw sa buwan ng Dhul Hijjah (ang ikalabing dalawang buwan sa Islamikong kalendaryo), at katotohanan tinipon nito ang maraming kabutihan, ang ilan dito:
- Ito ang pinakamainam sa mga araw ng taon: Samakatuwid ang pinakamainam sa mga araw ng taon ay ang unang sampung araw sa buwan ng Dhul Hijjah. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Walang mga araw na ang mabuting gawa rito ay higit na kaaya-aya sa [paningin ng] Allah kaysa sa sampung (araw na) ito». Sila ay nagsabi: At maging ang Jihad (pagpupunyagi) sa Landas ng Allah? Siya ay nagsabi: «At maging ang pagpupunyagi [Jihad] sa Landas ng Allah, maliban sa isang lalaki na humayo sa kanyang sarili at yaman, at pagkatapos ay walang nakabalik dito nang kahit bahagya». (Al-Bukhari: 926 – At-Tirmidhi: 757)
- Ito ang araw na tinaguriang Al-Hajjul Akbar (ang dakilang Pilgrimahe): Naririto ang pinakadakila sa mga gawain ng Hajj, ang pinakamahalaga at pinakamarangal, tulad ng At-Tawaf (pag-ikot) sa palibot ng Kaabah, pagkatay ng Hady (hayop na iniaalay bilang handog) at ang pagbato sa Jamratul Aqabah (ang pinakamalaki sa mga Jamarat).
Ano ang Dapat Gawin sa Araw ng Eidul Adha?
Ipinag-utos sa araw ng Eidul Adha sa mga hindi nagsasagawa ng Hajj ang lahat ng ipinag-utos na kaaaya-ayang gawin sa pinagpalang araw ng Eidul Fitr, at sa katunayan nauna nang nabanggit ito sa (pahina 158), maliban sa pagbibigay ng Zakatul Fitr, sapagka’t ito ay natatangi lamang para sa araw ng Eidul Fitr.
At naiibang katangian ng Eidul Adha ay ang kaaya-ayang pag-aalay ng Udhhiyah bilang isang paraang mapalapit sa habag at biyaya ng Allah.
Ang Udhhiyah: Ito ay tumutukoy sa alinmang pastulang hayop mula sa lipon ng kamelyo, baka o kambing na kinakatay sa araw ng Eid-ul-Adhaa na ang layunin ay mapalapit sa Allah. Ang simula ng pag-aalay ay pagkatapos ng pagdarasal sa Eid hanggang sa lumubog ang araw sa ikalabing tatlo mula sa buwan ng Dhul Hijjah. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya ikaw ay marapat na mag-alay ng Salaah (pagdarasal) sa iyong Panginoon at maghandog ng sakripisyo (bilang pag-aalay)}. Al-Kauthar (108): 2
Sa katunayan, ito’y binigyang paliwanag na ang kahulugan ng talatang binanggit sa itaas ay ang pagsasagawa ng Salaah sa araw ng Eid-ul-Adha at ang pag-aalay ng Udh-hiyah.
Ang Hatol Nito: Ito ay Sunnah Muakkadah (kaaya-ayang gawain na binibigyang-diin) sa sinumang may kakayahan, kaya maaaring mag-alay ng Udh-hiyah ang isang Muslim para sa kanyang sarili at mga kasambahay.
At ang isang Muslim na naglalayong mag-alay ng Udh-hiyah [hayop] ay nararapat na umiwas mula sa pagputol ng kanyang buhok o paggupit ng kanyang mga kuko o pag-alis sa kanyang balat kahit kaunti, simula sa unang araw sa buwan ng Dhul Hijjah hanggang sa makatay niya ang alay na Udh-hiyah sa 10th of Dhul-Hijjah
Ang mga Patakaran na Dapat Tuparin Para sa Hayop na Iniaalay Bilang Handog:
- Ipinag-utos na ito ay nagmula sa lipon ng mga alagang [pinapastulang] hayop, tulad ng kambing, baka o kamelyo, samakatuwid hindi tinatanggap ang Udh-hiyah sa ibang mga hayop o mga ibon.
Sapat na ang isang tupa o kambing para sa isang lalaki kabilang ng kanyang mag-anak [o mga kasambahay], at maaaring magsama-sama ang pitong katao para sa isang baka o isang kamelyo. - Ang hayop ay nararapat na nasa tamang gulang. Sa tupa ang gulang nito ay dapat na anim na buwan, at sa kambing ay isang taon, at sa baka ay dalawang taon at sa kamelyo ay limang taon.
- Ang Kawalan ng Hayag na Kapintasan [o Kapansanan] ng Hayop. Sinabi niya ﷺ : «Apat ang hindi tinatanggap para sa mga Udh-hiyah: Ang hayop na bulag na sadyang lantarang ang pagkabulag nito, ang hayop na may sakit na sadyang lantaran ang sakit nito, ang pilay na lantaran ang pagkapilay nito at ang patpatin [o labis na payat] na walang utak [ang buto nito]». (An-Nisaai: 4371 – At-Tirmidhi: 1497)
Ano ang Nararapat Gawin Para sa Udh-hiyah?
- Ipinagbabawal na ipagbili ang Anumang Bahagi ng Udh-hiyah.
- Higit na mabuti na ipamahagi ang karne nito sa tatlong bahagi, ang unang ikatlong bahagi nito ay para sa kanyang pagkain at ang ikalawang ikatlong bahagi nito ay dapat ipamigay bilang handog, at ang huling ikatlong bahagi ay dapat ipamahagi sa mga mahihirap bilang kawanggawa.
- Ipinahihintulot sa taong (nag-aalay) na ipagkakatiwala ito sa iba o ibigay ang kayamanan sa mga mapagkakatiwalaang institusyon ng kawanggawa na tumatayo [bilang tagapangasiwa] sa pagkatay sa Udh-hiyah at sa pamamahagi nito sa mga nangangailangan.
Ang Pagdalaw sa Lungsod ng Propeta (Madinah)
Ang siyudad ng Propeta (Madinah) ang siyang bayan na pinaglikasan ng Propeta ﷺ noong siya ay lumisan sa Makkah sanhi ng pang-aabuso ng mga pagano sa kanya.
At ang kaunaunahang ginawa ng Propeta ﷺ doon ay ang pagpapatayo ng marangal na Masjid (bahay dalanginan) ng Propeta na siyang naging sentro ng pagpapaunlad ng kaalaman [ng Relihiyon], pag-aanyaya (Da`wah) at pagpapalaganap ng kabutihan sa pagitan ng mga tao.
Pinahahalagahan ang kabutihan ng pagdalaw sa Masjid ng Propeta, maging sa panahon ng Hajj o sa ibang panahon.
Ang pagdalaw dito ay walang kaugnayan sa mga rituwal ng Hajj, at hindi natatangi sa partikular na oras.
Sinabi ng Propeta ﷺ : «Walang paglalakbayan maliban sa tatlong Masjid: ang Al-Masjid Al-Haram (sa Makkah), ang Masjid kong ito (Al-Masjid An-Nabawi) at ang Al-Masjid Al-Aqsa (sa Herusalem)». (Al-Bukhari: 1139 – Muslim: 1397 – Abu Daud: 2033)
At sinabi pa niya ﷺ : «Ang isang Salaah (pagdarasal) sa Masjid kong ito (sa Madinah) ay higit na mainam kaysa sa isang libong Salah sa ibang Masjid, maliban sa Masjidil Haram». (Al-Bukhari: 1133 – Muslim: 1394)
Ano ang Mga Alituntunin na Dapat Tuparin Para sa Pagdalaw sa Lungsod ng Propeta (Madinah)?
Nararapat na ang magiging layunin ng isang Muslim sa kanyang pagdalaw sa Madinah ay ang pagdalaw sa Masjid ng Sugo ng Allah ﷺ at ang pagdarasal dito, at kapag siya ay sumapit na sa Madinah, ipinag-uutos sa kanya ang pagdalaw sa ilang mga pook. Ang ilan dito:
- Ang pagsasagawa ng Salaah sa marangal na hardin: At ito ay isang partikular na pook sa unahang bahagi ng Masjid sa pagitan ng bahay ng Propeta ﷺ at ng kanyang Mimbar (lugar ng pinagku-khutbahan), na tinawag na ar-Rawdah ash-Shareefah [ang marangal na haardin] samakatuwid ang pagdarasal dito ay may dakilang kabutihan. Sinabi niya ﷺ : «Ang pagitan ng aking bahay at ng aking Mimbar ay isang hardin mula sa mga hardin ng Paraiso». (Al-Bukhari: 1137 – Muslim: 1390)
- Ang pagbati ng Salaam (kapayapaan) sa Sugo ng Allah ﷺ : Kaya siya tumungo sa puntod ng Propeta ﷺ at tumindig sa harap ng puntod nito na nakaharap dito, samantalang ang Qiblah (kinaroroonan ng Kaabah) ay nasa kanyang likuran, at magsasabi nang may galang at mahinang tinig: Assalaamu alayka yaa rasulallaahi wa rahmatullaahi wa barakaatuh, ash-hadu annaka kad ballagh-tar risaalah wa addaytal amaanah wa nasahtal ummah wa jaahadta fillaahi haqqa jihaadih, fa jazaakallaahu `an ummatika afdhala maa jazaa nabiyyan `an ummatih (Ang kapayapaan ay sumaiyo O Sugo ng Allah, gayundin ang Habag ng Allah at Kanyang Pagpapala. Ako ay sumasaksi na tunay mong naihatid ang Mensahe at iyong naipatupad ang Amanah (ipinagkatiwala sa iyo), at iyong pinayuhan ang buong sambayanan, at ikaw ay nagpunyagi [o nakibaka] sa Allah ng pambihirang pagpupunyagi [o pakikibaka]. Kaya sumaiyo nawa ang gantimpala ng Allah sa ngalan ng iyong pamayanan nang higit kaysa sa gantimpala ng alinmang propeta sa ngalan ng kanyang pamayanan).
Sa katunayan, sinabi ng Sugo ng Allah ﷺ: «Walang isa man na bumabati sa akin ng Salaam maliban na ibinabalik ng Allah sa akin ang aking kaluluwa upang matugunan ko siya ng pagbati ng Salaam». (Abu Daud: 2041)
Pagkatapos ay tumungo sa bahaging kanan upang bumati ng Salaam kay Abu Bakr As-Siddiq – kalugdan nawa siya ng Allah – ang humalili sa Sugo ng Allah at pinakamainam sa mga Sahabah (kasamahan ng Propeta) pagkaraan niya.
Pagkatapos ay umusog ng kaunti sa bandang kanan upang bumati naman kay Umar – kalugdan nawa siya ng Allah – na siyang ikalawang humalili bilang Khalifah pagkaraan ng Sugo ng Allah at pinakamainam sa kanyang mga kasamahan maliban kay Abu Bakr.
At Sugo ng Allah ﷺ ang siyang pinakadakila sa lahat ng tao, nguni’t siya ay walang angking kakayahan upang magdulot ng anumang kapakinabangan sa kaninuman, gayundin ng kapinsalaan. Kaya hindi ipinahihintulot ang manalangin sa kanya o humingi ng saklolo sa kanya, bagkus ang panalangin at lahat ng mga uri ng Ibaadah (gawaing pagsamba) ay nararapat na iukol lamang para sa Allah, nang walang pagtatambal. - Ang pagdalaw sa Masjid Quba’ (bahay-dalanginan sa Quba’): Ito ang unang Masjid na ipinatayo ng Islam bago ang pagpapatayo ng Propeta ﷺ sa kanyang Masjid, at itinatagubilin bilang isang mabuting gawain sa sinumang nasa Madinah na dumalaw sa Masjid Quba’. Sa katunayan, ang Sugo ng Allah ﷺ ay dumadalaw dito, at kanya ring sinabi: «Sinuman ang nagsagawa ng taharah [paglilinis ng sarili] sa kanyang tahanan, pagkaraan ay nagtungo sa Masjid Quba’ at nagsagawa ng isang Salaah dito, sasakanya ang gantimpala na katumbas ng isang Umrah». (Ibn Majah: 1412)