Ang Katayuan ng Pamilya sa Islam
Nakikita ang Pangangalaga ng Islam sa Pamilya Nang Ayon sa Mga Sumusunod:
- Pinahalagahan ng Islam ang prinsipyo ng pag-aasawa at ang pagbuo ng pamilya, at ito ay itinuring bilang isa sa pinakadakilang gawain at isang kaparaanan ng mga Propeta. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Nguni’t ako ay nag-aayuno at kumakain (pagkaraan ng pag-aayuno, nagsasagawa ng Salaah (pagdarasal) at nagpapahinga, at gayundin ako ay nag-aasawa ng mga babae, kaya sinuman ang tumanggi sa aking Sunnah (kaparaanan), magkagayon siya ay hindi kabilang sa akin [sa aking Ummah]”. (Al-Bukhari: 4776 – Muslim: 1401)
- Itinuring ng Qur’an na kabilang sa pinakadakila na mga biyaya at mga Tanda ang anumang nilikha ng Allah na kapanatagan, pag-ibig, habag at kagalakan sa pagitan ng lalaki at ng kanyang asawa. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi:{At kabilang sa Kanyang mga ayaat [palatandaan], na Kanyang nilikha para sa inyo ang mga asawang nagmula [rin] sa inyong mga sarili, upang inyong matagpuan sa kanila ang kapanatagan [ng loob] at Kanyang inilagay sa inyong pagitan ang pagmamahal at habag}. Surah Ar-Rum (30): 21
- At ipinag-utos nito na pagaanin ang pag-aasawa at tulungan ang sinumang nagnanais na makasal upang mapangalagaan ang kalinisang-puri ng kanyang sarili. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Mayroong tatlong tao na tiyak na tutulungan ng Allah” at kabilang sa tatlong ito ay ang isang nagnanais mag-asawa upang kanyang pangalagaan ang kalinisan ng kanyang puri”. (At-Tirmidhi: 1655)
- Ipinag-utos nito sa mga kabataan ang pag-aasawa, sapagka’t ang pag-aasawa ay siyang tamang lunas upang kanialng mapigilan ang kanilang masidhing pagnanasang sekswal at upang kanilang matagpuan ang katiwasayan mula sa kanilang mga asawa.
- Ipinagkaloob ng Islam sa bawa’t miyembro ng pamilya ang lubos na paggalang, maging ito man ay lalaki o babae:
Kaya itinakda ng Islam sa ama at ina ang dakilang tungkuling disiplinahin ang kanilang mga anak. Naiulat ni Abdullah ibn Umar (sumakanila nawa ang lugod ng Allah), na kanyang narinig sa Sugo ng Allah ﷺ na nagsasabi: “Ang bawa’t isa sa inyo ay tagapag-alaga, at may pananagutan sa kanyang inaalagaan, kung gayon ang babae ay tagapag-alaga ng bahay ng kanyang asawa, kaya siya ay may pananagutan sa kanyang inaalagaan, gayundin ang isang tagapaglingkod sa ari-arian ng kanyang amo ay tagapangalaga, kaya siya ay may pananagutan sa kanyang inaalagaan”. (Al-Bukhari: 853 – Muslim: 1829)
- Sadyang masigasig ang Islam sa pagtatanim ng prinsipyo ng pagpapahalaga at paggalang para sa mga ama at mga ina, at ang pagtaguyod para sa pag-aalaga sa kanila at pagsunod sa kanilang pag-uutos hanggang sa kamatayan:
At kahit man lumaki na ang anak na lalaki o babae, ipinag-uutos sa kanila ang pagsunod sa kanilang mga magulang at maging mabuti sa kanila, sa katunayan, iniugnay ang kabaitan at paggalang sa kanila bilang pagsamba sa Kanya [sa Allah ang Tigib ng Kaluwalhatian], at ipinagbawal ang pagmamalabis sa salita at gawa sa kanilang dalawa, kahit pa man ito ay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng salita o tinig na nagpapahiwatig ng kawalang paggalang sa kanila. Sinabi ng Allah na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan: {At ang iyong Panginoon ay nagtakda na wala kang sasambahin maliban sa Kanya, at maging mabuti [sa pakikitungo] sa mga magulang. Maging ang isa sa kanila o silang dalawa ay kapwa umabot na sa katandaang gulang. [Habang sila ay] nasa iyong piling, huwag kang mangusap sa kanila ng [salitang kawalang-galang tulad ng] “Uff” [salitang may pagkayamot], at huwag mo silang hiyawan [o sigawan] bagkus mangusap sa kanila ng salitang kapita-pitagan}. Surah Al-Isra’ (17): 23
- Ipinag-utos nito ang pangangalaga sa mga karapatan ng mga anak na lalaki at mga babae, at ipinag-utos ang pagiging makatarungan sa kanilang pagitan hinggil sa paggugol at maging sa mga bagay na materyal.
- Ipinag-utos nito sa isang Muslim na pag-ibayuhin ang ugnayan ng pagkakamag-anak, ang kahulugan nito: Magpatuloy ang tao sa pagmamagandaang-loob niya sa kanyang mga malalapit na kamag-anak sa panig ng kanyang ama at ina:
Tulad ng kanyang mga kapatid na lalaki at mga babae, mga tiyuhin niya at tiyahin sa panig ng kanyang ama, gayundin ang kanilang mga anak, mga tiyuhin niya at tiyahin sa panig ng kanyang ina, gayundin ang kanilang mga anak, at itinuring ito na kabilang sa pinakadakilang gawaing pagpapalapit at pagsunod, at nag pagtatakwil sa kanila o sa pang-aabuso sa kanila ay itinuring bilang isa sa mga malalaking kasalanan. Siya ﷺ ay nagsabi: “Hindi makapapasok sa Paraiso ang nagtatakwil sa pagkakamag-anak”. (Al-Bukhari: 5638 – Muslim: 2556)
Ang Katayuan ng Babae sa Islam
Pinarangalan ng Islam ang babae at pinalaya mula sa pagkaalipin ng lalaki, at pinalaya rin mula sa pagiging isang mumurahing kasangkapan na walang dangal at walang paggalang, at ang ilan sa mga halimbawa ng mga alituntuning may kaugnayan sa paggalang sa babae:
- Ipinagkaloob ng Islam sa babae ang kanyang karapatan sa mana sa pamamagitan ng pamamahaging makatarungan at marangal, pinagpapantay ang lalaki sa babae sa ilang kalagayan, at naiiba naman ang bahagi nito sa kanya sa ilang kalagayan, ayon sa kanayng pagkakaugnay bilang kamag-anak at sa katungkulang gastusin na nakatalaga sa kanya.
- Pinagpantay ang pagitan ng lalaki at babae sa maraming usapin na magkakaiba, at ang isa rito ay ang lahat ng mga pananalaping kalakalan, hanggang sa sinabi niya (sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan): “Ang mga kababaihan ay kapatid ng mga kalalakihan”. (Abu Daud: 236)
- Ipinagkaloob sa babae ang kalayaang pumili ng magiging asawa, at siya ay itinalaga bilang isang may malaking bahagi sa pananagutan hinggil disiplina ng mga anak. Siya ﷺ ay nagsabi: “At ang babae ay tagapag-alaga sa bahay ng kanyang asawa, at may pananagutan sa kaniyang inaalagaan”. (Al-Bukhari: 853 – Muslim: 1829)
- Pinanatili sa kanya ang kanyang pangalan at ang karangalan ng kanyang pag-anib sa kanyang ama, kaya hindi magbabago ang kanyang angkan matapos ang pag-aasawa, bagkus siya mananatiling nakaugnay sa kanyang ama at angkan.
- Ipinag-utos [bilang tungkulin] para sa asawang lalaki ang pag-aalaga sa mga kababaihan nararapat sa kanyang pagtataguyod tulad ng asawa, ina at anak na babae nang walang anumang panunumbat sa mga kabutihang ipinagkakaloob ng lalaki
- Binigyang-diin ng karangalan at kahigtan ang sinumang naglilingkod sa mga mahihinang babae na walang nakakaramay ni isa man, kahit man lang hindi kamag-anak, at itinuring ito na kabilang sa pinakamainam na gawain sa (paningin ng Allah). Sapagka’t siya ﷺ ay nagsabi: “Ang tagapagtaguyod sa mga balo at mahihirap ay nakakatulad ng isang nakikipaglaban [o nagpupunyagi] sa Landas ng Allah, katulad ng nagtataguyod nang walang sawa, at katulad nang nag-aayuno nang walang tigil”. (Al-Bukhari: 5661 – Muslim: 2982)
Mga kababaihan na Ipinag-utos ng Islam ang Pag-aalaga sa kanila:
Ang ina: Ayon sa naiulat ni Abu Hurayrah – sumakanya nawa ang lugod ng Kataas-taasang Allah – siya ay nagsabi: Dumating ang isang lalaki sa Sugo ng Allah ﷺ at nagsabi: O Sugo ng Allah! Sino po sa mga tao ang higit na karapat-dapat kong pakisamahan nang mabuti? Siya ay nagsabi: “Ang iyong ina”, nagsabi siya ulit: Sino pa po? Siya ay nagsabi: “Ang iyong ina”, nagsabi siya ulit: Sino pa po? Siya ay nagsabi: “Ang iyong ina”, nagsabi siya ulit: Sino pa po? Siya ay nagsabi: “Ang iyong ama”. (Al-Bukhari: 5626 – Muslim: 2548)
Ang anak na babae: Ayon sa naiulat ni `Uqbah ibn `Amir – sumakanya nawa ang lugog ng Allah – siya ay nagsabi: Narinig ko sa Sugo ng Allah ﷺ na nagsasabi: “Sinuman ang mayroong tatlong anak na babae at siya ay nagtiyaga sa kanila, sila ay kanyang pinakain, pinainom at binihisan [nang maayos] mula sa kanyang sariling hanap-buhay, sila ay kanyang magiging panangga laban sa Apoy sa Araw ng Pagkabuhay Muli”. (Ibnu Majah: 3669)
Ang asawang babae: Ayon sa naiulat ni Aishah, siya ay nagsabi: Sinabi ng Sugo ng Allah ﷺ : “Ang pinakamabuti sa inyo ay ang pinakamabuti sa kanyang pamilya, at ako ang pinakamabuti sa aking pamilya”. (At-Tirmidi: 3895)
Ang ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae sa Batas ng Islam ay ugnayang ganap, pinupunuan ng bawa’t isa sa kanila ang kakulangan ng iba sa pagbuo ng isang huwarang Muslim komunidad.
Walang puwang sa pagitan ng dalawang kasarian [lalaki at babae] upang sila ay maglaban sa isa’t isa:
Ang ideya ng labanan sa pagitan ng lalaki at
Ang ideya ng labanan sa pagitan ng lalaki at babae, ito’y nagwakas na dahil sa pangingibabaw ng lalaki sa babae tulad ng nasa ilang mga mangmang na komunidad, o dahil sa paghihimagsik ng babae at paglabas nito sa kanyang likas na talino at likas na siyang dahilan ng paglikha sa kanila, tulad ng nasa ibang mga pamayanang malayo sa pagsunod sa Batas ng Allah.
At ito ay naganap lamang bunga ng pagtalikod sa Batas ng Allah, kung saan ang Allah na Tigib ng Pagpapala at Kataas-taasan ay nagsasabi:
{At huwag ninyong pagnasaan ang anumang [biyayang] ipinagkaloob ng Allah sa iba sa inyo nang higit sa iba. Para sa mga lalaki, ay isang bahagi mula sa anumang kanilang pinagsumikapan, [gayon din naman] para sa mga babae, ay isang bahagi mula sa anumang kanilang pinagsumikapan. At inyong hingin sa Allah ang Kanyang biyaya.} Surah An-Nisa’ (4): 32 , Kaya ang bawa’t isa [lalaki at babae] ay pinarangalan. Ang mga lalaki ay mayroong sariling mga katangian, at mga maliwanag na tungkuling nagbibigay ng pagkakilanlan mula sa katangian ng babae, at ito ay hindi nagbibigay ng pagtangi-tangi ng isa sa dalawang kasarian nang higit sa isa sa kanila. At nagsisikap na itaguyod ang kabutihan ng tao sa buong lipunan.
Kaya sa Islam walang puwang para magkaroon ng labanan sa pagitan ng dalawang kasarian (lalaki’t babae), at walang laban sa mga makamundong layunin; gayundin walang dapat pamimintas at paninirang umiral sa pagitan ng dalawang kasarian.
Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan sa Islam, at bunga lamang ng kakulangan sa pang-unawa sa mga tungkuling iniatang sa bawa’t isa. Sa Islam, bawat isa ay may bahagi nang ayon sa kanilang sariling pinagsikapang matamo sa material at ispiritwal. Sa halip na mainggit, sila ay napag-utusang hanapin ang kasaganaan ng Allah sa pamamagitan ng mahusay na paggawa at pagdarasal.