Ang Panlilinlang sa Pamamagitan ng Kamangmangan at Kawalang Katiyakan

Ang isang kasunduan na batay sa kawalang katiyakan at kawalang-muwang ay isang uri na nababahiran ng isang panganib o panlilinlang na maaaring humantong sa hidwaan at di-pagkakasunduan sa pagitan ng magkabilang pangkat o ito ay maaaring makapagdulot ng kamalian ang isa sa kanila.

At katotohanan, mahigpit na ipinagbawal ng Islam ang ganitong uri ng kasunduan upang hadlangan ang mga pamamaraang di-pagkakasunduan at ang lahat ng uri ng kawalan ng katarungan at paniniil. Sa katunayan, ito ay ipinagbawal kahit pa man ito ay nakasanayan na o naging kaugalian na ng mga tao, sapagka’t tunay na ipinagbawal ng Propeta ﷺ ang bilihan na kinasasangkutan ng panlilinlang. (Muslim: 1513)

Ang Mga Halimbawa ng Bilihan na Kinasasangkutan ng Kawalang-kabatiran [o Kawalan ng Katiyakan]:

  1. Ang Mga Halimbawa ng Bilihan na Kinasasangkutan ng Kawalang-kabatiran [o Kawalan ng Katiyakan]:
  2. Ang pagbabayad ng mga ilang halaga ng salapi upang bumili ng isang kahon na hindi nalalaman kung ano ang halaga ng mga laman nito, maaaring ito ay isang mamahaling bagay o walang halagang bagay.

Ang Mga Pangyayari o [Mga Pagkakataong] Kung Saan ang Kawalang Kabatiran [o Kamuwangan] ay Makapagdulot ng Pag-aalinlangan sa Kasunduan.

Ang kawalang kabatiran at kawalang katiyakan [Gharar] ay nakapagdudulot lamang ng pag-aalinlangan sa kasunduan at itinuturing na bawal kapag ang kasunduan ay maramihan at kung ito ay nauukol sa nilalaman ng kasunduan.

Kaya ipinahihintulot sa isang Muslim na bumili ng isang bahay halimbawa, kahit hindi niya nalalaman ang uri ng mga materyales na ginamit sa pagkakatayo ng bahay o sa pagpipintura at ng nakakatulad nito, sapagka’t ang kawalang kabatirang ito ay maliit lamang, at hindi ito nagbibigay ng alinlangan sa nilalaman ng kasunduan.

Ang Dhulm (kawalang katarungan o katuwiran) at pagkamkam ng mga yaman at ari-arian ng mga tao sa paraang di-makatuwiran

Ang pagkamkam sa mga yaman ng mga tao nang walang katarungan gaano man kaliit ay kabilang sa mga pinakamalaking kasalanan at krimen.

Ang Dhulm (kawalang katarungan at katuwiran) ay kabilang sa pinakamasamang gawain na binigyang-babala ng Islam. Sa katunayan, siya ﷺ ay nagsabi: «Ang isang Dhulm (kawalang katarungan o paniniil) ay nagiging kadiliman sa Araw ng Pagkabuhay na Muli». (Al-Bukhari: 2315 – Muslim: 2579)
Ang pagkamkam sa mga yaman ng mga tao nang di makatuwiran gaano man ito kaliit ay kabilang sa mga pinakamalaking kasalanan at binalaan ang mga gumagawa nito ng isang napakatinding kaparusahan sa Huling Araw. Batay sa sinabi niya ﷺ: «Sinuman ang di-makatarungang kumamkam ng isang dipang sukat ng lupa, ito ay ipupulupot sa kanyang leeg na ang haba nito ay katumbas ng pitong kalupaan sa Araw ng Pagbabangong Muli». (Al-Bukhari: 2321 – Muslim: 1610)

 

Ang ilan sa mga halimbawa ng mga gawaing Dhulm (Kawalan ng Katarungan) sa mga kalakalan:

    1. Ang pamimilit: Ang kalakalan na isinagawa sa ilalim ng pamimilit maging sa alin mang uri nito ay ipinawawalang-saysay ang kasunduan nito. Katotohanan, ang pagsasang-ayon ng magkabilang panig ay isang mahalagang sangkap ng kasunduan upang ang kalakalang namamagitan sa dalawang panig ay tanggapin at kilalanin. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Ang bilihan ay kinikilala lamang bilang tunay na bilihan kung ito ay sinang-ayunan ng magkabilang panig [bilang pinagkaisang kasunduan]». (Ibnu Majah: 2185)
    2. Ang pandaraya at panlilinlang sa mga tao upang kamkamin ang kanilang mga yaman sa di-makatarungang pamamaraan ay kabilang sa mga malalaking kasalanan. Batay sa sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ: «Sinuman ang mandaya ay hindi nabibilang sa amin». (Muslim: 101). Ang dahilan ng pagkapahayag sa Hadith na ito ay nangyari nang minsan ang Sugo ng Allah ﷻ ay lumabas patungong pamilihan at kanyang napuna ang isang bunton na pagkain (ibig sabihin ay isang tumpok ng mga butil ng trigo) at kanyang ipinasok ang kanyang kamay sa loob ng bunton, kaya kanyang nasalat na ito ay mamasa-masa, at kanyang sinabi sa nagbibili: O Nagmamay-ari ng trigo! Ano ito? Siya ay nagsabi: Ito ay naulanan, O Sugo ng Allah! At kanyang ﷻ sinabi: Bakit hindi mo ilagay ang [mamasa-masang butil] sa ibabaw ng bunton ng pagkaing ito upang ito ay makita ng mga tao? At pagkatapos, kanyang sinabi: «Sinuman ang mandaraya ay hindi nabibilang sa amin [hindi kabilang sa pamayanang Muslim]». (At-Tirmidhi: 1315)

Isinumpa ng Sugo ng Allah ang nagbibigay ng Rishwah (suhol) at ang tumatanggap nito.

  1. Ang Paglalaro [o Panlilinlang] sa Batas: May mga mapanlinlang na tao na kapag nagsampa ng usapin [kaso] sa hukuman ay nagsasalita ng matatamis na pananalita at sa paraang kapani-paniwala upang kamkamin ang yaman sa pamamaraang paniniil o pandaraya [nang di-makatuwiran], hindi nila nababatid na kahit ang hatol ng Hukom ay para sa kanilang panig, hindi nila magagawang patotohanan ang kabulaanan. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Katotohanang ako ay isa lamang tao, at ang mga nagsasampa ng usapin [o kaso] ay nagsisilapit sa akin upang ayusin ang kanilang di-pagkakasunduan. At maaari ang ilan sa inyo ay bihasa at kapani-paniwala sa paglalahad ng kanyang kaso kaysa sa kanyang kalaban, na kung saan ay maaari ko siyang panigan at magbaba ng hatol para sa kanya batay sa aking narinig. Kaya, kung ako man ay nagkamaling ibigay sa iba ang karapatan ng isang Muslim [samantalang nababatid nito [ng taong bihasa sa pangangatuwiran na siya ay mali] samakatuwid, sinumang nasa kamalian ay hindi dapat kuhanin ito, sapagkat magkagayon nga, ako ay nagbigay lamang sa kanya ng isang bahagi ng apoy [sa Impiyerno]». (Al-Bukhari: 6748 – Muslim: 1713)
  2. Ang Rishwah (Suhol): Ito ay salapi o serbisyong ibinabayad upang kanyang maimpluensiya ang paghatol o ang gawa ng isang taong nasa panunungkulan upang sa gayong masamang pamamaraan ay kanyang matamo o makuha ang kanyang hinahangad na maaaring matapakan ang karapatan ng iba. Kaya ang suhol ay isang paraang masama at ito ay ipinagbabawal. Isinasaalang-alang ng Islam ang suhol bilang isa sa pinakamasamang uri ng paniniil o kawalang katarungan [Dhulm]) at isang matinding pagkakamali, sapagka’t tunay na isinumpa ng Sugo ng Allah ﷺ ang Ar-Rashi (sinumang nagbabayad ng suhol) at ang Murtashi (sinumang tumatanggap nito). (At-Tirmidi: 1337)
    At kapag ang suhol ay naging laganap at namayani bilang kalakarang nangingibabaw, ito ay sumisira sa haligi ng lipunan at pinipigil nito ang kaunlaran at pagsulong ng pamayanan.

Ano ang hatol ng Islam hinggil sa isang yumakap sa Islam na kumuha o tumatanggap ng yaman sa paraang di-makatuwiran noong panahon na hindi pa siya Muslim?

Sinuman ang yumakap sa Islam at nasa kanya pa rin ang mga ipinagbawal na yamang nagmula o nakuha sa pamamagitan ng suhol sa mga tao, pagsasamantala, at panlilinlang at ng nakakatulad nito; kinakailangan niyang ibalik ito sa mga nagmamay-ari kung sila ay kanyang nakikilala at magagawa niyang ibigay ito sa kanila nang walang idudulot na kapinsalaan laban sa kanya.
Sapagka’t kahit pa man ito’y naganap bago ang pagyakap sa Islam, ang naturang yamang nakuha sa pamamagitan ng suhol, paniniil at kasamaan ay nananatili pa ring nasa ilalim ng kanyang kamay, kaya nararapat lamang na ibalik ang mga yamang iyon kung makakaya niyang gawin ito. Ayon sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Katotohanang ang Allah ay nag-uutos sa inyo na inyong ibalik ang mga ipinagkatiwalang bagay sa nagmamay-ari nito}. Surah An-Nisa’ (4): 58
Datapuwa’t kung hindi niya kakilala ang may-ari nito pagkaraan ng kanyang marubdob na paghahanap, maaari siyang makalaya sa pananagutang ito sa pamamagitan ng paggugol sa kawanggawa.

Ang Sugal at Larong-sugal

Ang pagsusugal ang naglulublob sa nagsasanay nito sa pagkagumon.

Ano ang Sugal at Larong-sugal?

Ang pagsusugal ay isang gawaing pakikipagsapalaran ng salaping nakasalalay sa kinalabasan ng isang paligsahan o larong-pustahan. Sa pamamaraang ito, ipinakikipagsapalaran ng isang tao ang salapi batay sa kasunduan na siya at ang isa sa kanila ay tatanggap ng salaping halaga bunga ng isang naganap na paglalaro o pustahan. Kaya ang bawa’t kalahok ay umiikot sa pagitan ng pagpapaligsahan o pustahan; na kanyang matamo ang salaping nagmula sa kanyang katunggali o siya ay matalo upang matamo naman nito ng kanyang katunggali.

Ang Hatol o Kapasiyahan ng Islam Hinggil sa Sugal:

Ang pagsusugal ay ipinagbabawal, kaya naman ang paghihigpit nito ay binigyang-diin ng Qur’an at Sunnah, ang mga ilan dito ay:

  1. Itinuring ng Allah ang bunga ng kasamaan ng pagsusugal at ang kapinsalaan nito nang higit na malaki kaysa sa kabutihan at kapakinabangan nito. Sapagka’t ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {Sila ay nagtatanong sa iyo [O Muhammad) tungkol sa Khamr (lahat ng nakalalasing na inumin) at pagsusugal. Sabihin mo: “Sa mga ito ay mayroong malaking kasalanan at ilang kapakinabangan sa mga tao; datapuwa’t ang kasalanan nito ay higit na malaki kaysa sa kapakinabangan nito}. Surah Al-Baqarah (2): 219
  2. Itinuturing ng Allah ang larong-sugal at sugal bilang isang uri ng karumihan at kasuklam-suklam dahil sa mga kapinsalaan idinudulot nito sa tao at sa lipunan, at Kanyang ipinag-utos ang pag-iwas dito, at itinakda Niya ito bilang isang dahilan ng pagkakawatak-watak at pagkapoot sa isa’t isa, at siyang dahilan ng pagtalikod sa Salaah (pagdarasal) at Dhikr (paggunita). Sapagka’t ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi:
    {O kayong mga naniwala, ang [lahat ng mga] inuming nakalalasing, sugal at ang [pag-aalay sa] mga altar sa iba pa bukod sa Allah at ang mga palaso ay mga dungis na nagmula sa gawang-kamay ng Satanas. Kaya, [mahigpit na] iwasan ito upang sakali kayo ay magsipagtagumpay. Nais lamang ng Satanas na maglagay ng matinding galit at poot sa inyong pagitan sa [pamamagitan ng] mga inuming nakalalasing at sugal at [upang] ilihis kayo sa pag-aalaala sa Allah at sa pagdarasal. Kaya, hindi ba kayo magsisitigil? Surah Al-Ma`idah (5): 90-91

Ang Mga Kapinsalaan ng Pagsusugal at Larong-sugal sa Tao at sa Lipunan:

Ang Mga Kapinsalaan ng Pagsusugal ay mayroong malaki bunga para sa sarili at sa lipunan, ang mga ilan sa pinakamahalaga rito ay:

  1. Ito ang nagtatanim ng galit at poot sa pagitan ng mga manunugal o manlalaro, sapagka’t kapag ang mga magkakaibigan ay magsugal at ang isa sa kanila ay magwagi at makuha ang kanilang mga salapi, walang pag-aalinlangan na sila ay mapopoot sa isa’t isa at magkakaiinggitan, at maaaring humantong sa higit pang kasamaan tulad ng pagbabalak na patayin ito. Ito ay tunay na nagaganap at nasasaksihan ng lahat, kaya sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Ang tanging hangad ni Satanas ay ang mag-udyok sa pagitan ninyo ng hidwaan at poot sa isa’t isa sa pamamagitan ng lahat ng bagay na nakalalasing at pagsusugal}. Bukod pa rito, ito ay nakahuhumaling upang talikuran ang mga tungkulin, tulad ng pagdarasal at pag-aalaala sa Allah.
    Batay sa sinabi ng Kapita-pitagang (Allah) at Kataas-taasan tungkol sa pagbanggit sa mga udyok ni Satanas sa kaakit-akit na gawaing pagsusugal at paglalaro para sa tao: {At kayo ay kanyang hahadlangan sa pag-aalaala sa Allah at sa pagdarasal}.
  2. Ang pagsusugal ang paninira sa mga ari-arian at paglulustay ng mga yaman, at isinasadlak nito sa pagkagumon ang mga manunugal sa maraming pagkalugi.
  3. Ang pagkahumaling at pagkahilig sa sugal at posibilidad ng pagkapanalo ay naghahatid ng pagkagumon, sapagka’t kung siya ay kumita man at nanalo, madaragdagan naman ang kanyang pagkagahaman at pagkatakaw sa pagsusugal, kaya siya ay magpapatuloy sa paghahanap ng salapi kahit sa paraang ipinagbabawal [tulad ng pagnanakaw, pandaraya], at kung siya an natalo, siya ay mananatili sa pagsusugal upang magbakasakaling kanyang maibalik ang mga natalo at nawalang salapi mula sa kanya, magkagayon man, ang kanyang pagkapanalo o pagkatalo ay naghahatid sa kanya sa kawalan ng sigla upang maghanap-buhay nang marangal at naghahatid sa pagkawasak ng lipunan.

Lahat ng mga paglalarong sugal, maging sa mga websites, electrical at electronic o alin mang uri nito ay ipinagbabawal, at kabilang sa mga malalaking kasalanan.

Ang Mga Iba’t Ibang Uri ng Sugal

Sadyang marami ang anyo at uri ng pagsusugal noon at ngayon, at ang ilan sa mga uri nito sa kasalukuyan ay:

  1. Ang pagsusugal ng isang laro na kung saan ang mga manlalaro ay magkakasundo na ang mananalo ay kanyang makukuha ang lahat ng itinayang salapi. Ang halimbawa nito’y maglalaro ang maraming bilang ng tao sa pamamagitan ng tiket, at ang bawa’t isa sa kanila ay maglalagay ng ilang halaga ng pera at sinuman ang magwagi sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan ay kanyang makukuhang lahat ang salaping nalikom bilang taya.
  2. Ang mga larong-sugal [pustahan] ay isang gawain na kung saan ay ipinakikipagsalaparan ang kanyang itinayang salapi sa di-malamang kinalabasang pangyayari, bawa’t manunugal ay pumupusta sa isang grupo [team] ng manlalaro [tulad halimbawa sa basketball o football], kaya yaong mga nagpupustahan ay maglalagay ng kasunduang salaping pagpupustahan, at ang bawa’t isa ay pumupusta kung sino ang magwawagi sa naturang laro, at kung nanalo ang kanyang pinustahang grupo ay kanyang makukuha ang pinustahang salapi, nguni’t kung natalo ang grupo, natalo ang kanyang salaping ipinusta.
  3. Ang loterya ay isang uri ng pagsusugal na may sangkap na sapalaran [maaring panalo o talo]. Sa loterya, maraming bilang ng tiket ang ipinagbibili upang paglabanan, at mula sa di-mabilang na tiket ay bubunutin ang isang tiket na magwawagi na kadalasan ay malaking salapi ang nakataya. Halimbawa nito ay magbibili siya ng tiket na nagkakahalaga ng isang dolyar upang lumahok sa maaaring mapanalunang isang libong dolyar sa oras ng bunutan.
  4. Lahat ng larong-sugal, maging sa mga websites sa internet, computer at electronic on-line na may kasangkot na salaping paglalabanan ng magkabilang pangkat na nakaharap sa dalawang posibilidad: ang magwagi o matalo ang isa sa kanila.