Paano pumasok ang tao sa Islam?
Makakapasok ang tao sa Islam kapag siya ay nagpahayag ng Shahadatayn (dalawang pagsasaksi), kanyang nauunawaan ang kahulugan nito nang may katiyakang pananalig dito, tumatalima [at sumusunod] sa mga alituntunin nito. At ang Shahadatayn ay ito:
- Ashhadu an laa ilaaha illallaah (Ang Kahulugan: Ako ay sumasaksi at nananalig na walang sinasambang totoo maliban sa Allah, Siya lamang ang aking sinasamba, Siya ay walang katambal).
- Wa ashhadu anna Muhammadan Rasoolullaah (Ang Kahulugan: Ako ay sumasaksi na si Muhammad ay tunay na Sugo ng Allah sa buong sangkatauhan, [at ako ay] sumusunod sa kanyang mga pag-uutos, umiiwas sa kanyang mga ipinagbabawal at ako ay sasamba sa Allah nang ayon sa kanyang pamamaraan). (Tunghayan ang pahina: 44 – 54)
Ang Pagligo ng Bagong-Yakap sa Islam:
Katotohanan, ang sandali ng pagpasok ng tao sa Islam ang siyang pinakadakilang sandali sa kanyang buhay, at sa katotohanan, ito ang tunay niyang kapanganakan na kung saan ay kanyang nalaman pagkatapos nito ang dahilan ng pagkaroon niya sa buhay na ito, at ipinag-utos para sa kanya kaalinsabay ng kanyang pagpasok sa relihiyong Islam na siya ay nararapat maligo at kanyang ipalaganap nang lubusan ang tubig sa kanyang katawan. Kung paano niya dinalisay ang kanyang panloob mula sa Shirk (pagtatambal sa Allah) at sa mga pagkakasala, minamabuti para sa kanya na kanyang dalisayin ang kanyang panlabas sa pamamagitan ng pagpapaligo ng tubig.
At katotohanang inutusan ng Propeta ﷺ ang isa sa mga Sahabah (kasamahan niya) – na noon ay isa sa mga pinuno ng mga arabo – nang nais nitong pumasok sa Islam, siya ay pinag-utusang maligo. (Al-Baihaqi: 837)
At-Tawbah (Ang Pagsisisi)
Ang pagsisisi ay pagdulog at pagbabalik-loob sa Allah, kaya ang lahat nang kumalas sa kanyang kasuwailan at kawalan ng pananampalataya at nagbalik-loob sa Allah nang buong katapatan sa kanyang puso, katotohanang siya ay nagbalik-loob sa Allah.
At ang isang Muslim ay nangangailangan ng pagbabalik-loob at paghingi ng kapatawaran sa lahat ng kalagayan ng kanyang buhay dahil ang tao ay likas na mapagkamali, kaya sa tuwing siya ay nagkakamali itinatagubilin para sa kanya na humingi ng kapatawaran sa Allah at magbalik-loob sa Kanya
Ano ang Mga Patakaran ng Wastong Pagsisisi [at Pagbabalik-loob]?
Katotohanan, ang pagsisisi ay nauukol sa lahat ng mga kasalanan, at kabilang na rito ang Kufr [Kawalan ng Paniniwala] at Shirk [Pagtatambal sa Kaisahan ng Allah]. Kinakailangan tuparin dito ang mga patakaran ng pagsisisi upang ang pagsisis ay tanggapin at maging wasto, at ang ilan sa mga patakaran nito:
- Ang Pagtigil [o Pagtalikod] Mula sa Mga Pagkakasala:
Kaya hindi tinanggap ang pagsisisi mula sa pagkakasala habang ang pagkakasalang ito ay patuloy na ginagawa sa oras ng pagsisisi. Sa kabilang dako, kapag kanyang inulit ang kasalanan pagkatapos ng kanyang wastong pagsisisi, magkagayun hindi mapapawalang-saysay ang kanyang naunang pagsisisi, subali’t nangangailangan siya ng panibagong pagsisisi.
- Ang Mataos na Pagsisisi sa Mga Naunang mga Kasalanan at Pagkakasala:
At hindi mailalarawan ang [tunay na] Tawbah (pagsisisi) maliban sa isang mataos na nagsisisi, nakakaramdam ng lungkot at humihingi ng paumanhin sa kanyang mga nagawang pagkakasala, kaya naman hindi maituturing na isang mataos na nagsisisi ang sinumang nagkukuwento ng kanyang mga naunang pagkakasala, kanyang ipinagmamalaki ito at ipinagmamayabang. At dahil dito ang Propeta ﷺ ay nagsabi: «Ang pagkakaroon ng damdamin ng pagkalungkot ay [tanda ng] pagsisisi». (Ibn Majah: 4252)
- Ang Matatag na Pagpapasiya na hindi na ito babalikan pa:
Kaya hindi tinatanggap ang pagsisisi ng isang alipin na nagbabalak balikan ang naturang kasalanan matapos ang kanyang pagsisisi.
Ang Mga Hakbangin Upang Mabigyan ng Katotohanan ang Matatag na Pagpapasiya:
- Siya ay nararapat mangako sa kanyang sarili na hindi na niya babalikan ang anumang kanyang nagawang pagkakamali maging sa anupamang kalagayan at mga balakid. Sa katunayan ang Propeta ﷺ ay nagsabi: «Tatlong bagay na sinuman ang nagtataglay nito, ay katiyakang kanyang matatagpuan rito ang tamis ng Eeman [paniniwala]» at nabanggit niya ang isa rito «Ang kanyang pagkamuhing bumalik sa kawalan ng pananampalataya matapos na siya ay iligtas dito ng Allah tulad ng kanyang pagkamuhi na siya ay ihagis sa Apoy». (Al-Bukhari: 21 – Muslim: 43)
- Ang pag-iwas sa mga tao at mga lugar na magdudulot ng kahinaan sa kanyang Eeman [paniniwala] at magsasadlak sa kanya sa pagkakasala
- Ang madalas na panalangin sa Allah na Tigib ng Kapangyarihan at Kapita-pitagan – sa pagpapanatili sa Kanyang Relihiyon hanggang sa kamatayan, maging sa anumang salita at wika, at ang ilan dito ay nakasaad sa Qur’an at Sunnah:
- {Aming Panginoon! Huwag Mong hayaan na malihis ang aming mga puso (sa katotohanan) pagkaraang kami ay Iyong mapatnubayan}. Al-`Imran (3): 8
- «O [Allah, Ikaw ang] Tagapagbago ng mga puso, Iyong panatilihin ang aking puso sa Iyong Relihiyon». (At-Tirmidi: 2140)
Ano ang kasunod na hakbangin pagkatapos ng Tawbah (pagsisisi)?
Kapag ang isang tao ay nagsisi at nagbalik-loob, katotohanang ang Dakilang Allah ay nagpapatawad sa lahat ng mga kasalanan gaano man ito kalaki at naging sukdulan, sapagka’t ang Kanyang Habag ay sumasaklaw sa lahat ng bagay. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Sabihin: «O Aking mga alipin na nagkasala sa kanilang mga sarili! Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa Habag ng Allah; sapagka’t katotohanang ang Allah ay nagpapatawad ng lahat ng mga kasalanan. Katotohanang, Siya ang Mapagpatawad, ang Mahabagin}. Az-Zumar (39): 53
Kaya pagkaraan ng makatotohanan at wastong pagsisisi ang isang Muslim ay tila isang sanggol na walang bahid na kasalanan. Bagkus, katotohanang ang Allah ay naggagawad sa mga taong matatapat, sumusunod sa Kanya nang may kapakumbabaan at nagsisisi ng tunay na pagsisisi ng isang dakilang kabutihan: Papalitan Niya ang kanilang mga kasamaan ng mga kabutihan. Batay sa sinabi Niya na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan: {Maliban sa mga nagsisi at naniwala at gumawa ng kabutihan, papalitan ng Allah ang kanilang mga kasamaan ng kabutihan, at ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, Mahabagin}. Al-Furqan (25): 70
At sinuman ang ganito ang kanyang kalagayan, marapat lamang na kanyang samantalahin ang pagsasaayos ng naturang pagsisisi at gugulin ang mahahalagang bagay tungo sa kabuithang asal upang siya ay hindi mahulog sa mga patibong ni Satanas na maghahatid sa kanyang kapahamakan.
Ang Tamis ng Eeman [Paniniwala]:
Sinuman na ang kanyang pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo ay naging pinakadakilang pagmamahal para sa kanya, at ang kanyang pagmamahal sa iba ay ayon sa sukat ng kanialng pagiging malapit sa Allah at sa kawastuhan ng kanilang panniniwala at pagiging Muslim, at kanyang kinamumuhian ang pagbalik sa kung ano ang kanyang nakagawian mula sa kawalan ng paniniwala, Shirk (pagtatambal sa Allah) at pagkaligaw, tulad ng kanyang pagkamuhi na siya ay sunugin sa Apoy, sa gayon, katiyakang, kanyang matatagpuan ang tamis ng eeman [paninwala] at kasiyahan sa kanyang puso sapagkat kanyang matatagpuan rito ang lugod [o kasiyahan] ng Allah, kapanatagan at kasiyahan sa batas ng Allah at sa biyayang ipinagkaloob sa kanya sa pamamagitan ng patnubay. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Tatlong bagay na sinuman ang nagtataglay nito ay kanyang matatagpuan rito ang tamis ng Eeman [Paniniwala]: Na ang Allah at ang Kanyang Sugo ang kanyang pinakamamahal nang higit kaysa sa iba, at kanyang mamahalin ang isang tao na hindi niya minamahal ito kundi alang-alang sa Allah, at kanyang kinamuhian na siya ay bumalik sa kawalan ng paniniwala matapos na siya ay iligtas ng Allah mula rito, tulad ng kanyang pagkamuhi na siya ay ihagis sa Apoy». (Al-Bukhari: 21 – Muslim: 43).
Ang Pasasalamat sa Biyaya ng Patnubay at Pagsisisi
Kabilang sa pinakadakilang gawain ng isang Muslim bilang pasasalamat sa biyaya ng Allah sa kanya ay sa pamamagitan ng tapat na pagsisisi at patnubay:
- Ang matatag [o mahigpit] na paghawak sa Paniniwala at pagtitiis sa kapinsalaan dito:
Kaya sinuman ang nagmay-ari ng isang mamahalin na kayamanan, siya ay magiging masigasig sa pangangalaga rito laban sa mga mapang-aabuso at magnanakaw, at babantayan niya ito laban sa lahat na magtatangka rito, at ang Islam ang pinakadakilang pamamatnubay sa lahat ng tao, at ito ay hindi lamang kusang pamamatnubay na pangkaisipan o isang kinagigiliwang libangan ng tao kung kailan niya nais, bagkus isang pananampalataya na mangangasiwa sa lahat ng buhay niya, sa kanyang mga kilos at itinitigil, at dahil dito ang Allah na Maluwalhati at Kataas-taasan ay nagsabi sa Kanyang Sugo, na siya ay Kanyang inuutusan na maging mahigpit na pagsunod sa Islam at Qur’an at huwag siyang magpabaya rito, sapagka’t siya ay tunay na nasa matuwid na landas: {Kaya’t panghawakan nang mahigpit ang ipinahayag sa iyo [O Muhammad]. Katotohanang ikaw ay nasa Matuwid na Landas}. Az-Zukhruf (43): 43
At dapat ay hindi nawawalan ng pag-asa ang isang Muslim kapag siya ay nakakaranas ng isang uri ng masakit na pagsubok pagkaraan ng kanyang pagyakap sa Islam, sapagka’t ito ay isang pamamaraan ng Allah bilang pagsubok, at sino nga ba ang pinakamabuti sa atin, na hindi dumaan sa mga matitinding pagsubok, at sila ay nagtiis at nagsumikap sa pagpupunyagi, kabilang dito ang mga Propeta ng Allah na isinalaysay sa atin ng Allah ang kanilang mga kasaysayan, at kung paano dumating sa kanila ang iba’t ibang uri ng masasakit na pagsubok sa mga malalapit na kamag-anak bago ang malalayong kamag-anak, subali’t sila ay hindi nanghinawa sa mga dumating sa kanila sa landas ng Allah, at sila ay hindi nagbago at nag-iba. Samakatuwid, ito ay isang pagsusulit mula sa Allah para sa katapatan ng iyong Eeman [paniniwala] at lakas ng iyong pananalig, kaya hayaan ang sarili na kumapit sa sukat ng pagsusulit na iyan, at humawak nang mahigpit sa pananampalataya na ito, at humiling sa Allah, tulad ng kinagawian ng Propeta ﷺ na madalas siyang nanalangin sa pamamagitan ng kanyang pagsabi: “O [allah na] Tagapagbago ng mga puso, Iyong panatilihin ang aking puso sa iyong Relihiyon”. (At-Tirmidi: 2140)
At batay sa kahulugan na ito, ang Allah na Maluwalhati at Kataas-taasan ay nagsasabi: {Inaakala baga ng sangkatauhan na sila ay hahayaan lamang na magsasabi: “Kami ay naniniwala”, at sila ay hindi susubukan? At katotohanang Aming sinubukan ang mga (taong) nauna sa kanila, kaya tunay na nababatid ng Allah nang hayagan kung sino sa kanila ang naging tapat, at tunay na nababatid din Niya kung sino (sa kanila) ang mga sinungaling}. Al-`Ankabut (29): 2-3
Ang pagsusumikap sa pag-aayaya rito sa pamamagitan ng mahusay na karunungan at magandang pangangaral:
At Da’wah [paanyaya sa Islam] ay isa sa pinakadakilang paraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa Allah sa pagkakaloob Niya ng biyaya ng Islam sa tao, gayundin na ito ay mabisang paraan ng pananatiling matatag sa pagsunod sa relihiyon ng Allah. At sinuman ang nakaligtas mula sa mapanganib na sakit na nagdudulot sa kanya ng pagdurusa at pagkaraan ay natagpuan niya ang mabisang lunas para sa kanyang sakit, katiyakang siya ay masigasig sa pagpapalaganap nito sa mga tao, lalo na sa pagitan ng kanyang pamilya at mga kamag-anak at kanyang pinakamamahal na tao, at ito ay ipaliliwanag sa mga sumusunod: