Ang Pinakadakilang Pagpapala
Ang Allah ay nagkaloob sa tao ng mga biyaya nang walang takdang bilang nito, kaya nananatiling nagpapakasasa ang bawa’t isa sa atin sa mga biyaya at kabutihang-loob ng Allah. Kaluwalhatian sa Kanya, Siya ang nagkaloob sa atin ng biyaya ng pandinig at paningin pag-iisip, kalusugan, kayamanan at pamilya. Kanyang itinalaga sa atin [ang pangangasiwa] ng kabuuan ng sansinukob, ang araw, ang kalangitan, ang kalupaan nito at ang mga di-mabilang na bagay, tulad ng sinabi ng Allah: {At kung inyong bibilangin ang pagpapala ng Allah, kailanman ay hindi ninyo maitatakda ang bilang nito}. Surah An-Nahl (16): 18
Nguni’t ang lahat ng mga pagpapalang ito ay may katapusan batay sa maikling buhay nating ito. Ang tanging pagpapala na maghahatid sa atin ng kasiyahan at kapanatagan sa mundong ito at umaabot ang [magandang] bunga nito hanggang sa kabilang buhay ay ang pagpapala bilang mabuting Muslim na [dulot ng] patnubay ng Islam. Ito ang pinakamalaking pagpapala na ipinagkaloob ng Allah sa Kanyang mga alipin.
At ito ang dahilan kung bakit iniugnay ng Allah ang pagpapalang ito sa Kanya bilang natatanging karangalan bukod sa iba pang pagpapala. Siya, ang Maluwalhati ay nagsabi:
{Sa Araw na ito, Aking ginawang ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, ginawang lubos ang Aking pagpapala sa inyo at ikinalugod [o pinili] para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon.} Surah Al-Maidah (5 ): 3
At anong pinakadakilang pagpapala ng Allah sa tao nang siya ay hanguin mula sa kadiliman tungo sa liwanag at siya ay patnubayan sa pananampalatayang Kanyang ikinalugod [na piliin] para sa kanya, upang mabigyan ng katotohanan ang layunin at tungkulin na siyang dahilan ng paglikha sa kanya at ito ay ang pagsamba sa Allah, upang kanyang matamo ang kasiyahan sa mundong ito at mabuting gantimpala sa kabilang buhay.
At anong dakilang pagpapala at kagandahang loob ng Allah sa atin nang tayo ay Kanyang piliin at itinangi upang tayo ang maging pinakamainam sa pamayanan na lumitaw sa sangkatauhan upang pasanin [at ibantayog] ang salitang “Laa ilaaha illallaah [Walang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Allah], na siyang dahilan ng pagkasugo ng Allah sa lahat ng mga Propeta, [ipagkaloob nawa sa kanila ang pagpapala at kapayapaan].
At nang maisip ng ilang mangmang na ang kanilang pagiging Muslim ay kabutihang-loob sa kanila at ito ay kanilang itinuring bilang kabutihang-loob mula sa kanila [na kanilang ipinagkaloob] sa Propeta r. Sila ay kanyang binalaan na ang lahat ng karangalan at kabutihang-loob ay sa Allah lamang na kung saan ay Kanyang ginawang madali para sa kanila ang patnubay tungo sa pananampalatayang ito. Ang Allah ay nagsabi:
Kanilang itinuturing ito bilang kabutihang-loob sa iyo [O Muhammad] na sila ay yumakap sa Islam. Sabihin mo: {Huwag ninyong ituring ang inyong pagyakap sa Islam bilang kabutihang-loob sa akin. Bagkus, ang Allah ay naggawad ng kabutihang-loob sa inyo na kayo ay Kanyang pinatnubayan tungo sa paniniwala, kung tunay nga na kayo ay makatotohanan.} Surah Al-Hujurat (49): 17
Samakatuwid, ang mga pagpapala ng Allah ay marami, magkagayun man ang tanging pagpapala na binanggit ng Allah na Kanyang ipinagkaloob sa atin ay ang pagpapala ng Islam at ang kaakibat na patnubay nito sa pagsamba sa Kanya at sa Kanyang Kaisahan. Nguni’t ang pagpapalang ito ay nangangailangan ng pasasalamat upang mapanatili at mapatatag. Tulad ng sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Kung kayo ay marunong magpasalamat, kayo ay Aking daragdagan [ng Aking biyaya]} Surah Ibrahim (14): 7
Kung gayon, paano nga ba ang pagpapasalamat sa pagpapalang ito?
Ito ay magagawa sa pamamagitan ng dalawang bagay:
Ang pagtangan nang mahigpit [o katatagan sa pagsunod] sa [mga tungkuling itinatagubilin ng] pananampalataya at ang pagtitiis sa mga pasakit na maaaring dadanasin [sa pagpapalaganap] nito. (tingnan ang pahina:264)
Ang pagpapakilala [o pagpapalaganap] sa Islam at pag-aanyaya rito batay sa karunungan at pagtitiis. (tingnan ang pahina:266)