Sa Islam ay walang tagapamagitan sa pagitan ng isang alipin at ng kanyang Panginoon
Maraming relihiyon ang nagbigay ng pangako sa ilang mga kasapi nito, at iniugnay ang mga gawaing pagsamba ng tao at ang kanilang pananampalataya batay sa pagsang-ayon ng nasabing tao. Samakatuwid – ayon sa mga naturang relihiyon – sila [mga namumuno] ay mga tagapamagitan sa Diyos, kaya sila ay mapanghuwad na nagsasabing na sila ay makapagkakaloob ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at nagsasabi ring sila ay may kaalaman sa mga bagay na hindi nakikita .
Magkagayon, dumating ang Islam upang bigyang dangal ang tao at itaas sa marangal at kagalang-galang na kalagayan nito, at palayain [at pawiin] mula sa kanila ang maling kaisipan na ang pagsamba, pagsisisi at kaligtasan ay nakasalalay sa kapasiyahan [at kapahintulutan] ng isang taong namumuno ng relihiyon gaano man siya katapat at mabuti.
Sa Islam, ang mga gawaing pagsamba ng isang Muslim ay tuwirang nakalaan para sa Allah, hindi ito nangangailangan ng isang tagapamagitan, sapagka’t ang Allah ay napakalapit sa Kanyang mga alipin. Kanyang naririnig ang panalangin ng isang alipin at Kanyang tinutugunan at nakikita ang pagsamba nito at ang pagsasagawa ng Salaah nito at Kanyang ginagantimpalaan ito. At walang sinumang tao ang may karapatang magpahayag ng pagpapatawad o pagtanggap ng pagsisisi. Kung ang isang tao ay nagkasala at tapat na humingi ng kapatawaran sa Dakilang Allah, katiyakan siya ay magkakamit ng kapatawaran. At wala sa sinuman ang nagtataglay ng pambihirang kapangyarihan at makagagawang bigyang impluwensiya ang pangyayari sa sansinukob. Bagkus ang lahat ng bagay o kaganapan ay nasa Kamay o kapangyarihan ng Allah.
At binigyang kalayaan ng Islam ang isip ng isang Muslim at hinikayat ito tungo sa pagmumuni-muni, pag-unawa at pagsangguni mula sa hatol [pasiya] ng Qur’an at mula sa anumang pinagtibay na mga salita ng Propeta r. at ng kanyang mga gawa kung sakali mang nagkaroon dito ng pagkakasalungatan. At walang isa man sa mga tao ang may angking ganap na karapatan, na siya ay nararapat sundin sa kanyang pag-uutos sa lahat ng kanyang sinasabi maliban sa Sugo ng Allah r sapagka’t hindi siya nagsasalita mula sa kanyang sariling kagustuhan, datapuwa’t siya ay pinapatnubayan at pinaalalahanan ng Dakilang Allah. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At siya ay hindi nagsasabi ng sarili niyang pagnanasa (tungkol sa relihiyon), ito ay isa lamang inspirasyon (kapahayagan) na ipinahahayag sa kanya}. Surah An-Najm (53): 3-4
Sadyang dakila ang biyaya ng Allah sa atin sa pamamagitan ng pananampalatayang ito na hayag na tumutugma o umaakma sa likas na kalinisan ng puso ng tao, at siya ay ginawang pinuno ng kanyang sarili [may sariling paninindigan at pagpapasiya] at siya ay pinalaya sa pagiging alipin ng mga huwad na diyos at pagpapakumbaba sa iba maliban sa Allah [ang Tigib ng Kapangyarihan at Kapita-pitagan].