Ang Pananamit (o Kasuutan ) sa Pananaw ng Islam
Ang kasuutan ng isang Muslim ay nararapat na pagtuunang pansin ang maganda [maayos] at malinis na pananamit, lalung-lalo na sa kanyang pakikipag-ugnayan [o pakikiharap] sa mga tao at sa pagsasagawa ng kanyang Salaah (pagdarasal). Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah:
{O mga anak ni Adan, magsuot kayo ng palamuti [maayos na damit sa pagtungo], sa bawa’t masjid (na inyong pagdarasalan]}. Surah Al-A`raf (7): 31
At katotohanan, [bilang Batas] itinagubilin ng Allah sa tao na siya ay dapat mag-ayos [o magpaganda] ng kanyang kasuutan at bikas, sapagka’t ito ay kabilang sa paglalarawan [at palatandaan] ng mga biyaya ng Allah. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi:
{Sabihin mo [O Muhammad]: Sino ba ang nagbabawal sa palamuti ng Allah, na Kanyang inililitaw [ipinasusuot] para sa Kanyang mga alipin, at sa mga mabubuting [bagay na] nagmula sa panustos? Sabihin: “Ang mga ito ay para sa mga naniniwala sa makamundong buhay, [at] natatangi para sa kanila sa Araw ng Pagkabuhay na Muli.” Ganyan Namin ipinaliliwanag [sa masusing paraan] ang ayaat [mga aral, tanda] para sa mga taong nakaaalam}. Surah Al-A`raf (7): 32
Ang Pananamit ay Nagbibigay ng Maraming Bilang ng Mabuting Layunin
- Tinatakpan nito ang ilan sa mga partikular na bahagi sa katawan ng tao mula sa paningin ng mga tao, sa pamamagitan ng pagsunod sa pamantayan ng kahinhinan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {O mga anak ni Adan, katiyakan na Aming ibinaba sa inyo ang saplot [kasuutan] upang ikubli ang inyong mga maseselang bahagi [ng katawan] at bilang palamuti}. Surah Al-A`raf (7): 26
- Pinangangalagaan nito ang katawan ng tao laban sa init, lamig at kapinsalaan, sapagka’t ang lamig at init ay bunga ng pabagu-bago ng hangin, at ang kapinsalaan naman ay pag-aabuso sa katawan ng tao. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi tungkol sa kabutihan ng kasuutan: {… at Kanyang ginawa para sa inyo ang mga kasuutan upang kayo ay isanggalang laban sa init at [ginawa rin] ang mga kasuutang baluti upang kayo ay isanggalang mula sa inyong [mga kaaway] sa [panahon ng] digmaan. Kaya, ganyan Niya ginagawang ganap ang Kanyang pagpapala sa inyo upang sakali kayo ay tumalima [sa Kanyang kautusan]}. Surah An-Nahl (16): 81
Ang Pangkalahatang Alituntunin Tungkol sa Kasuutan (Pananamit)
Ang Islam ay Relihiyon na naglalahad ng mga alituntunin batay sa likas ng tao - matwid na katwiran at katarungan.
At sa Pangkalahatang Pananaw ng Islam, ang lahat ng Pananamit [at Kasuutan] ay Ipinahihintulot:
Samakatuwid, ang Islam ay hindi nagpasiya sa tao ng partikular na uri ng kasuutan, bagkus kinilala ang kabutihan ng lahat ng kasuutan, hangga’t nananatiling naipatutupad ang pangangailangan nito nang walang pag-aabuso at pagmamalabis.
At ang Sugo ng Allah ay nagsuot ng mga kasuutang isinusuot noong kanyang kapanahunan, at hindi siya nag-utos ng partikular na kasuutan at hindi rin siya nagbawal ng partikular na kasuutan, bagkus siya ay nagbawal lamang sa ilang partikular na kasuutan sapagkat ang pangkalahatang pananaw ng Islam hinggil sa pakikitungo sa tao ay kinabibilangan din ng pananamit [o kasuutan]. Lahat ng bagay ay pinahihintulot maliban lamang sa patunay ng pagbabawal o sumasalungat sa mga Ibaadah (mga gawaing pagsamba) tulad ng pagdarasal at pag-aayuno na nakapailalim sa prinsipiyo ng paghihigpit, na ang isang responsableng Muslim ay hindi dapat magsagawa ng alinmang Ibadaah maliban na ito ay malinaw na nakatakda at pinagtibay ng Allah, na walang gawang pagsamba ang dapat isagawa na walang batayan mula sa Qur’an at Sugo ng Allah.
Sinabi ng Propeta ﷺ : “Magsikain kayo, magkawanggawa kayo at magsuot kayo ng mga kasuutan nang walang pagmamalabis at pagmamataas”. (An-Nisaai: 2559)
Ang mga Kasuutan na Ipinagbabawal:
- Ang anumang naglalantad ng `Awrah (bahagi ng katawan na kailangang takpan): Kaya’t isinasatungkulin sa isang Muslim ang pagtatakip sa kanyang Awrah sa pamamagitan ng kasuutan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katiyakan na Aming ibinaba sa inyo ang saplot [o ang kasuutan] upang ikubli ang inyong mga maseselang bahagi [ng katawan] at bilang palamuti}. Surah Al-A`raf (7): 26
At hindi ipinahihintulot ang pagtatakip sa pamamagitan ng mga masisikip na kasuutan, na humahapit sa hubog ng mga bahagi ng katawan, gayundin ang manipis na nababanaag ang loob ng katawan, at dahil dito ay nagbigay ng babala ang Allah sa sinumang nagsusuot ng kasuutan na inililitaw ang kanyang Awrah. Sapagka’t sinabi niya : “Mayroong dalawang uri ng mga nananahan sa Impiyerno” at nabanggit niya: “at ang mga babae na nagsusuot nguni’t halos hubo’t hubad”. - Ang anumang kasuutang may pagkakahawig sa pagitan ng dalawang kasarian: Ang ibig sabihin ay ang pagkakahawig ng mga lalaki sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga damit na natatangi o nakalaan lamang para sa mga kababaihan, at ang pagkakahawig ng mga babae sa mga kalalakihan, sapagka’t ito ay ipinagbabawal na kabilang sa mga malalaking kasalanan, at napapaloob dito ang kanilang panggagaya sa pamamaraan ng kanilang mga pananalita, paglalakad at pagkilos. Sapagka’t “Katotohanang isinumpa ng Sugo ng Allah ﷻ ang lalaki na nagsusuot ng kasuutang pambabae, at ang babae na nagsusuot ng kasuutang panlalaki”. (Abu Daud: 4098) At gayundin na “Isinumpa ng Sugo ng Allah ﷻ ang mga lalaking gumagaya sa mga kababaihan at ang mga babaeng gumagaya sa mga kalalakihan”. (Al-Bukhari: 5546) (Ang kahulugan ng ‘sumpa’ ay ang pagkataboy at paglayo mula sa habag ng Allah). Samakatuwid, nais ng Islam na ang likas na katangian ng lalaki at ang kanyang panglabas na anyo ay maging kakaiba, at gayundin ang nais sa babae, sapagka’t iyon ang kahilingan ng tumpak na kalikasan at wastong lohika.
- Ang anumang kasuutang may pagkakahawig sa mga di-muslim na para lamang sa kanilang kasuutan, tulad ng kasuutan ng mga monghe at pari, at pagsusuot ng krus at gayundin ang anumang partikular na palatandaang sumasagisag sa isang relihiyon [pananampalataya], kaya ipinagbabawal ang pagsuot nito na kung saan ay sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ : “Sinuman ang nanggagaya sa isang lipon ng mga tao, magkagayon, siya ay kabilang sa kanila”. (Abu Daud: 4031), at napapaloob sa naturang panggagaya ang kasuutan na naglalaman ng partikular na mga simbolo na sumasagisag sa isang pananampalataya at mali [at ligaw] na doktrina. Samakatuwid, ang panggagaya na ito ay isang patunay ng kahinaan ng pag-uugali at kawalan ng pagtitiwala sa sarili sa kung ano ang mayroon sa tao na karapatan.
At hindi kabilang sa panggagaya ang isang Muslim na nagsusuot ng kasuutang laganap sa kanyang sariling bansa maging ito man ay isinusuot ng karamihang mula sa lipon ng mga di-muslim; sapagka’t ang Propeta ﷺay nagsuot din nang kasuutang tulad ng pagsusuot ng mga pagano mula sa lipon ng mga Quraish maliban sa mga kasuutang nailahad na bawal dito. - Ang anumang kasuutang nagpapahiwatig ng pagmamalaki at pagmamataas. Sa katunayan, siya ay nagsabi: “Hindi makakapasok sa Paraiso ang sinumang mayroong pagmamalaki sa kanyang puso maging ito man ay kasing bigat lamang ng isang [butil ng] mais. (Muslim: 91)
At ito ang dahilan kung bakit ipinagbawal ng Islam ang pagkaladkad sa damit at paglaylay nito na lagpas sa ibabang bahagi ng mga bukung-bukong para sa mga kalalakihan, kapag ito ay dahil sa pagmamalaki at pagmamataas. Sapagka’t sinabi niya : “Sinuman ang kumakaladkad ng kanyang damit bilang pagmamataas, hindi ibabaling sa kanya ang paningin ng Allah sa Araw ng Pagkabuhay na Muli”. (Al-Bukhari: 3465 – Muslim: 2085)
At ipinagbawal din ang damit na makatawag-pansin [pagpapasikat], ito ay ang kasuutan na kapag isinuot ng isang tao, ay nakakatawag-pansin sa mga tao at siya ay pinag-uusapan, kaya makikilala [at magiging sikat] ang nagmamay-ari nito; at ito ay dahil sa pagiging nakakatwag-pansin nito, o dahil sa pandidiri ng mga tao rito dahil sa itsura nito o kulay nito na nagkakasalungatan, o dahil sa pinangingiralan ang nagsusuot nito ng pagkamakaako at pagmamalaki. Ang Sugo ng Allah ﷻ ay nagsabi: “Sinuman ang nagsuot ng damit na pangpasikat sa mundong ito, pasusuutan siya ng Allah ng damit na pang-aba sa Araw ng Pagbabangon Muli”. (Isinalaysay ni Ahmad: 5664 – at ni Ibnu Majah: 3607)
- Kapag ito ay mayroong sutla o ginto para sa mga kalalakihan, sapagka’t ang mga ito ay ipinagbabawal ng Islam sa mga kalalakihan. Batay sa sinabi niya tungkol sa ginto at sutla: “Katotohanan ang dalawang ito ay ipinagbabawal sa mga kalalakihan ng aking pamayanan, ipinahihintulot sa mga kababaihan nila”. (Ibnu Majah: 3595 – Abu Daud: 4057)
At ang pinatutukuyan na ipinagbabawal na sutla sa mga kalalakihan ay: ang likas na sutla na nagagawa ng uod ng silkworm. - Ang anumang may kasamang pagmamalabis rito at paglulustay. Siya ay nagsabi: “Magsikain kayo, at magsipagkawanggawa kayo, at magsipagsuot kayo nang walang pagmamalabis at pagmamataas”. (An-Nisaai: 2559)
At ito ay nagkakaiba nang ayon sa pagkakaiba ng kalagayan [o kakayahang pananalapi], kung gayon ang isang mayaman ay maaaring bumili ng damit na hindi nararapat na bilhin ng isang mahirap bilang paghahambing sa kanyang kayamanan at sa kanyang buwanang kita, at pangkabuhayang kalagayan, at iba pang mga karapatan na tungkulin niyang pangalagaan, samakatuwid ang isang damit ay maaaring ituring na isang pagmamalabis sa karapatan ng isang mahirap, subali’t hindi maaaring ituring na isang pagmamalabis sa karapatan ng isang mayaman.