Ang Paniniwala sa mga Sugo
Ang Pangangailangan ng Sangkatauhan sa Mensahe:
Ang sangkatauhan ay nangangailangan ng isang makadiyos na mensahe na magpapaliwanag sa kanila ng mga batas at magpapatnubay sa kanila tungo sa kabutihan [at wastong pamumuhay], sapagka’t ang Mensahe ang siyang inspirasyon [o patnubay] ng daigdig, ang liwanag at buhay nito, kaya ano pang kaayusan ang malalabi sa daigdig kapag nawala ang inspirasyon [o patnubay], ang buhay at ang liwanag?
At dahil dito ay tinawag ng Allah ang Kanyang Mensahe na inspirasyon [o liwanag at patnubay], sapagka’t ang inspirasyon [o liwanag at patnubay] kapag ito ay nawala, mawawalan na rin ng halaga ang buhay. Ang Allah ay nagsabi: {At sa ganito Namin ipinahayag sa iyo ang isang inspirasyon [patnubay ng Qur’an) mula sa Aming pag-uutos. Hindi mo batid kung ano ang Aklat, at kung ano ang Eeman [Paniniwala]? Datapuwa’t ginawa Namin ito (Qur’an) na isang liwanag, pinapatnubayan Namin sa pamamagitan nito ang sinumang Aming naisin mula sa Aming mga alipin}. Surah Ash-Shura (42): 52
At ito ay dahil sa ang isipan kahit pa man nalalaman nito ang mabuti sa masama sa pangkalahatan, datapuwa’t sa katotohanan, hindi kayang alamin nito ang detalye niyaon at ang mga baha-bahagi nito, gayundin ang pagsasagawa ng mga Ibaadah (gawaing pagsamba) at mga pamamaraan nito maliban sa pamamagitan ng kapahayagan at mensahe.
Kaya walang landas tungo sa kaligayahan at tagumpay sa dalawang buhay [ang buhay sa mundo at buhay sa kabila] maliban na ito ay nakasalalay sa mga kamay ng Sugo, at walang landas tungo sa kaalaman hinggil sa kalinisan at karumihan sa masusing paraan maliban mula sa pamamaraan na itinuro ng Sugo, kaya sinuman ang tumalikod sa mensahe, siya ay dadapuan ng ligalig, kalungkutan at kasamaan nang ayon sa sukat ng kanyang pagsalungat at pagtalikod mula rito.
Ito ay Isa sa Mga Haligi ng Eeman (Paniniwala):
Ang paniniwala sa mga Sugo ay isa sa anim na mga haligi ng Eeman (Paniniwala). Ang Tigib ng Kaluwalhatian ay nagsabi: {Ang Sugo (Muhammad) ay naniniwala sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon, at (gayundin) ang mga naniniwala [na sumusunod sa kanya]. Ang bawa’t isa ay naniniwala sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Sugo. (At sila ay nagsasabi): “Kami ay hindi nagbibigay ng pagtatangi-tangi sa pagitan ng sinuman sa Kanyang mga Sugo}. Al-Baqarah (2): 285
Samakatuwid, ipinahiwatig ng ayah [o talata] ang paniniwala sa lahat ng Sugo bilang isang tungkulin – [ipagkaloob nawa sa kanilang lahat ang pagpapala at kapayapaan], nang walang pagtatangi-tangi, kaya hindi nararapat na paniwalaan natin ang ilan sa mga Propeta at itatakwil natin ang iba, tulad ng ginagawang pagtakwil ng mga Hudyo at Kristiyano.
At siya r ay nagsabi tungkol sa Eeman (Paniniwala): “Ang maniwala ka sa Allah, sa Kanyang mga Anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, sa Kanyang mga Sugo, sa Huling Araw at ang maniwala ka sa Tadhana, maging ito man ay mabuti at masama”. (Muslim: 8)
Ang Kahulugan ng Paniniwala sa Mga Sugo:
Ito ay ang tapat na paniniwala na ang Allah ay tunay na nagsugo sa bawa’t pamayanan ng isang Sugo mula sa kanilang sariling lipon na mag-aanyaya sa kanila sa pagsamba sa Allah na walang pagtatambal sa Kanya, at tunay na ang lahat ng mga Sugo ay mga tapat, mga nagpapatotoo, mga banal, mga mapagkakatiwalaan, mga namamatnubay, mga napapatnubayan, at tunay nilang naihatid ang lahat ng mga naisugo sa kanila ng Allah, sila ay walang inilihim at binago, wala silang idinagdag dito na isang titik mula sa kanilang sariling kagustuhan at walang ibinawas. Batay sa sinabi ng Tigib ng Kaluwalhatian: {Kaya nga, mayroon pa bang ibang tungkulin ang mga Sugo maliban sa paghahatid ng maliwanag (na mensahe)?}. Surah An-Nahl (16): 35
Ano ang Napaloloob sa Paniniwala sa Mga Sugo?
- Ang paniniwala na ang kanilang mensahe ay totoong nagmula sa Allah, at na ang [diwa at kabuuan ng] lahat ng mga mensahe ay nagkaisa – ito ay ang pag-aanyaya tungo sa pagsamba sa Nag-iisang Diyos [ang Allah], wala Siyang katambal. Batay sa sinabi ng Maluwalhating (Allah): {At katotohanang Kami ay nagsugo sa bawa’t pamayanan ng isang Sugo (na nagpapahayag): “Sambahin lamang ninyo ang Allah, at iwasan ang mga Thagoot (lahat ng diyus-diyusan na sinasamba maliban sa Allah}. Surah An-Nahl (16): 36
At maaaring nagkakasalungat ang mga batas ng mga Propeta sa mga sangay tungkol sa ipinahihintulot at ipinagbabawal nang ayon sa anumang umaangkop sa mga pamayanan na iyon. Batay sa sinabi ng Allah: {Sa bawa’t isa sa inyo, Kami ay gumawa para sa inyo ng batas at isang malinaw na pamamaraan [na dapat tahakin]}. Surah Al-Maidah (5): 48
- Ang paniniwala sa lahat ng mga Propeta at mga Sugo, kaya pinaniniwalaan natin ang sinumang pinangalanan ng Allah sa lipon ng mga Propeta, tulad halimbawa nina: Muhammad, Ibrahim (Abraham), Musa (Moises), Isa (Hesus) at Nuh (Noah), ipagkaloob nawa sa kanila ang pagpapala at kapayapaan. At tungkol naman sa kanila na hindi natin alam ang kanyang pangalan, siya ay atin ding pinaniniwalaan sa pangkalahatan, at sinuman ang nagtakwil sa mensahe ng isa sa kanila, katotohanang kanyang itinakwil silang lahat.
- Ang patotohanan ang anumang napatunayan mula sa mga balita tungkol sa mga Sugo at sa kanilang mga kapangyarihang nakasaad sa Qur’an at Sunnah, tulad ng kasaysayan ng paghati sa dagat bilagn himala para kay Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan.
- Ang pagpapatupad sa mga batas ng Sugo na siyang isinugo sa atin, at siya ang pinakamainam sa kanila at panghuli sa kanila: si Muhammad r.
Ang ilan sa mga katangian ng mga Sugo:
- Sila ay tunay na mga tao, ang pagkaiba lamang nila sa iba sa kanila, sila ay itinangi ng Allah sa pamamagitan ng kapahayagan at mensahe. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {At wala Kaming isinugo [O Muhammad] bago pa sa iyo maliban na sila ay mga lalaki (na katulad mo) na Aming binibigyan ng inspirasyon}. Surah Al-Anbiya’ (21): 7 Samakatuwid, sila ay walang angking anumang katangian upang sila ay ituring bilang panginoon at diyos, sapagka’t sila ay mga tao na inabot ang kaganapan ng panglabas na kaanyuhan, gayundin na inabot nila ang pinakatugatog sa kaganapan ng mga kaugalian, gayundin na sila ang may pinakamainam na angkan sa sangkatauhan, sila ay may angkin na ibayong isip at maliwanag na pananalita na siyang nagtalaga sa kanila na karapat-dapat magpasan ng mga kahihinatnan ng mensahe at magtaguyod ng mga pasanin ng pagka-propeta. Ang tanging dahilan ng pagtalaga ng Allah sa mga Sugo mula sa lipon ng tao ay upang siya ay maging isang huwaran mula sa sarili nilang lahi, at sa gayon ang pagsunod sa Sugo at paggaya sa kanya ay naaayon sa sarili nilang kakayahan at sa abot kaya nila.
- Sila ay itinangi ng Allah sa pamamagitan ng mensahe, samakatuwid tunay na sila ay itinangi sa pamamagitan ng pagpapahayag na hindi ipinagkaloob sa ibang tao. Batay sa sinabi ng Allah – ang Tigib sa Kaluwalhatian: {Sabihin [O Muhammad]: “Ako ay isa lamang tao na katulad ninyo; sa akin ay ipinahahayag na ang inyong Diyos ay isang diyos lamang (ang Allah)}. Surah Al-Kahf (18): 110 Samakatuwid, ang pagka-propeta at mensahe ay hindi natatamo sa pamamagitan ng wagas o kalinisan ng kaluluwa, katalinuhan at pambihirang pag-iisip, sapagka’t ang tungkulin ng pagiging propeta ay batay sa kapahintulutan ng Allah at Kanyang nababatid kung sino ang karapat-dapat italaga bilang Kanyang mga Sugo at sila ay Kanyang hinirang mula sa iba’t ibang lipon ng mga tao. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Ang Allah ang higit na nakakaalam kung kanino Niya dapat ibigay ang Kanyang Mensahe}. Surah Al-An`am (6): 124
- Katotohanang sila ay ligtas mula sa kamalian sa kanilang inihahatid [na mensahe] tungkol sa Allah, samakatuwid sila ay hindi nagkakamali sa paghahatid [ng mensahe] tungkol sa Allah, at sila ay hindi nagkakamali sa pagpapatupad ng anumang ipinahayag sa kanila ng Allah.
- Ang katapatan, samakatuwid ang mga Sugo – ipagkaloob nawa sa kanila ang kapayapaan, ay mga tapat sa kanilang mga salita at gawa. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Ito ang ipinangako ng Pinakamahabaging (Allah), at tunay ngang ang mga Sugo ay nagsasabi ng katotohanan!}. Surah Ya-Sin (36): 52
- Ang pagkamatiyaga, katotohanang sila ay nag-anyaya tungo sa Relihiyon ng Allah bilang mga tagapaghatid ng magandang balita at tagababala, at tunay na sila ay dumanas ng iba’t ibang klase ng pamiminsala at iba’t ibang uri ng pagpapahirap, datapuwa’t sila ay nagtiyaga at pinilit na kakayanin alang-alang sa landas na mangibabaw ang Salita ng Allah. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya maging matiisin ka [O Muhammad] tulad ng pagtitiis ng mga Sugo na may matatag na hangarin}. Surah Al-Ahqaf (46): 35
Ang mga Tanda ng mga Sugo at kanilang mga kapangyarihan:
Sinuportahan ng Allah ang Kanyang mga Sugo – ipagkaloob nawa ang kapayapaan sa kanila – sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng mga katibayan, himala at patunay sa kanilang katapatan at pagka-propeta, at ang ilan dito ay ang pagtangkilik sa kanila sa pamamagitan ng mga kapangyarihan at maliliwanag na mga himala na wala sa kakayahan ng tao upang sa gayon ay ipagbigay-alam ang kanilang katapatan at patotoo ng kanilang pagka-propeta.
At ang tinutukoy dito na mga kapangyarihan ay: Ang mga pambihirang bagay na lagpas sa karaniwan na ipinamamalas ng Allah sa mga kamay ng Kanyang mga Propeta at mga Sugo sa paraan na hindi kaya ng tao na gumawa ng katulad nito.
At ang ilan dito:
- Ang pagiging ahas ng tungkod ni Musa (Moises) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan.
- Ang pagpahayag ni Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, sa kanyang mga tao tungkol sa kung ano ang kanilang kinakain at kung ano ang kanilang inilalagak sa kanilang mga tahanan.
- Ang pagkahati ng buwan para sa Propeta natin na si Muhammad r.
Ang paniniwala ng isang Muslim tungkol kay Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan:
- Siya ay tunay na isa sa pinakadakila sa mga Propeta at may mataas na katayuan, at sila ang may matatatag na pagpapasiya sa mga Sugo. Sila ay sina: Muhammad, Ibrahim (Abraham), Nuh (Noah), Musa (Moises) at `Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanila ang pagpapala at kapayapaan. At sa katunayan, binanggit sila ng Allah sa Kanyang sinabi: {At (alalahanin) nang Aming kinuha sa mga Propeta ang kanilang Kasunduan, at sa iyo [O Muhammad], at kay Nuh (Noah), Ibrahim (Abraham), Musa (Moises), at `Isa (Hesus) na anak ni Maryam (Maria); Aming kinuha sa kanila ang isang matatag na Kasunduan}. Surah Al-Ahzab (33): 7
- Si `Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan, ay isang tunay na tao mula sa angkan ni Adam (Adan), siya ay pinagkalooban ng Allah ng kalamangan at isinugo sa Angkan ng Israel at pinangyari sa kanyang mga kamay ang mga kapangyarihan, at wala siyang anumang katangian mula sa mga partikular na katangian ng pagka-panginoon at pagka-diyos. Batay sa sinabi ng Allah: {Siya (Hesus) ay hindi humigit maliban sa isang alipin lamang na Aming pinagkalooban ng biyaya, at siya ay ginawa Namin bilang isang halimbawa sa Angkan ng Israel}. Surah Az-Zukhruf (43): 59 At siya – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan, ay hindi nag-utos sa kanyang mga tao na ituring siya at ang kanyang ina bilang mga diyos bukod pa sa Allah, datapuwa't ang tanging sinabi niya sa kanila ay kung ano ang ipinag-utos sa kanya ng Allah: {Sambahin ninyo ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon}. Surah Al-Maidah (5): 117
- Siya ay si Isa (Hesus) na anak na lalaki ni Maryam (Maria), at si Maryam na kanyang ina ay isang mabuti babae, matapat, masunurin, mapaglingkod sa kanyang Panginoon, maalaga sa kanyang pagkababae, malinis na babae, birhen, at tunay na kanyang ipinagbuntis si Isa – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan, na walang ama sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Allah na Pinakamakapangyarihan, Kapita-pitagan, kaya ang pagkakalikha sa kanya sa pamamagitan ng pambihirang kapangyarihan ay walang katapusan, tulad ng pagkakalikha kay Adam (Adan) na walang ama at ina. Batay sa sinabi ng Allah: {Katotohanan, ang kahalintulad ni `Isa (Hesus) sa (paglikha sa kanya ng) Allah ay katulad ni Adam (Adan). Siya [si Hesus] ay Kanyang Nilikha mula sa alabok, at pagkatapos ay nagsabi sa kanya: "Kun (Mangyari)!" At nangyari nga [na siya ay nalikha]}.Surah Al-`Imran (3): 59
- Katotohanang walang Sugo sa pagitan niya at kay Muhammad r, at tunay na siya ang nagbigay ng magandang balita tungkol sa Propeta natin na si Muhammad – ipagkaloob nawa sa kanya ang pagpapala at kapayapaan. Batay sa sinabi ng Allah: {At (alalahanin) nang si `Isa (Hesus), na anak ni Maryam (Maria) ay nagsabi: "O Angkan ng Israel! Katotohanan, ako ay Sugo ng Allah na isinugo sa inyo, na nagpapatotoo sa Tawrat (Torah) na nauna sa akin, at nagbibigay ng magandang balita tungkol sa isang Sugo na darating pagkaraan ko, ang kanyang pangalan ay Ahmad. Datapuwa't nang siya ay dumating sa kanila na may maliwanag na mga katibayan, sila ay nagsabi: "Ito ay isang malinaw na salamangka!}. Surah As-Saff (61): 6
- Tayo ay naniniwala sa mga kapangyarihan na pinapangyari ng Allah sa kanyang mga kamay, tulad ng pagpapgaling sa may ketong, bulag at pagbuhay sa mga patay, at gayundin sa mga ibinabalita niya tungkol sa kung ano ang kinakain ng mga tao at kung ano ang kanilang itinatago sa kanilang mga tahanan, at lahat ng ito ay ayon sa kapahintulutan ng Allah na Tigib ng Kaluwalhatian at Kataas-taasan, at ito ang ginawa ng Allah na maliwanag na katibayan sa pagpapatunay ng kanyang pagka-propeta at mensahe.
- Hindi magiging ganap ang Eeman [paniniwala] ng isang tao hangga't hindi naniniwala na si `Isa (Hesus) ay alipin ng Allah at Kanyang Sugo, at na siya ay walang kamalayan at malayo mula sa lahat ng masasamang paglalarawan sa kanya ng mga Hudyo at sa mga paratang laban sa kanya ay tandisang itinakwil ng Allah. Bilang Muslim, ating itinatakwil ang paniniwala ng mga Kristiyano na siya at at kanyang ina ay kapwa mga diyos bukod sa Allah, na siya ay anak ng Diyos at siya ay bahagi o kabilang sa tatlong persona ng diyos. Luwalhati sa Allah at Siya ay Mataas sa anumang kanilang iniaakibat.
- Tunay na siya ay hindi napatay at hindi naipako, bagkus siya ay itinaas ng Allah sa langit nang siya pagtangkaang patayin ng mga Hudyo, at ipinalit ang iba na kanyang nakakahawig, kaya ito ang kanilang napatay at naipako sa pag-aakala nilang ito si `Isa (Hesus) – ipagkaloob nawa sa kanya ang kapayapaan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {At sa kanilang pagsasabi (nang may pagmamalaki): "Katotohanang aming pinatay ang Messiah si Hesus ang anak ni Maria, ang Sugo ng Allah." Datapwa't siya ay hindi nila napatay, at siya ay hindi nila naipako sa krus, bagkus [may iba] na ginawa upang kanyang makawangis sa kanilang [paningin]. At katotohanan, yaong mga nagkakaiba-iba rito ay may agam-agam tungkol dito. Sila ay walang [tamang] kaalaman maliban sa pagsunod sa mga pag-aakala lamang. At siya ay hindi nila nagawang patayin para sa katiyakan [ng kanyang pagkakilanlan]. Bagkus, [ang katotohanan nito] siya [si Hesus] ay itinaas ng Allah patungo sa Kanyang Sarili. At ang Allah ay Lagi nang Ganap na Makapangyarihan, Tigib ng Karunungan. At walang isa man mula sa mga Angkan ng Kasulatan [mga Hudyo at Kristiyano] maliban na sila ay nararapat na maniwala sa kanya [kay Hesus] bago [sumapit kay Hesus] ang kanyang kamatayan. At sa Araw ng Pagkabuhay na Muli, siya ay magiging saksi laban sa kanila.}. Surah An-Nisa' (4): 157-159 Sa katotohanan, siya ay pinangalagaan at itinaas ng Tigib sa Kaluwalhatian at Kataas-taasan doon sa Kanya sa langit, at siya ay tiyak na bababa sa lupa sa huling panahon at siya ay maghuhukom nang ayon sa batas ng Propeta Muhammad r, pagkaraan nito, siya ay mamamatay at ililibing sa lupa [tulad ng karaniwan] at siya ay ibabangong muli tulad ng pagbabangon ng lahat ng anak ni Adam (Adan). Batay sa sinabi ng Allah: {Mula rito (lupa) ay Aming nilikha kayo, at dito kayo ay Aming ibabalik, at dito (rin) kayo ay Aming muling pababangunin (bubuhayin)}. Surah Ta-Ha (20): 55
Ang paniniwala na si Muhammad r ay isang Propeta at Sugo:
- Naniniwala tayo na si Muhammad r, siya ay isang alipin ng Allah at Kanyang Sugo, at siya ang pangulo ng mga una at huli, at siya ay pinakasagka sa mga Propeta, kaya’t wala nang Propeta pagkaraan niya, at tunay na kanyang naihatid ang Mensahe, at naipatupad niya ang Amanah (ipinagkatiwala), at pinayuhan ang buong pamayanan, at siya ay nakibaka sa Allah nang tunay na pakikibaka.
- At siya ay ating pinaniniwalaan sa lahat ng kanyang ipinabatid, at siya ay ating sinusunod sa lahat ng kanyang ipinag-uutos, at ating nilalayuan ang anumang kanyang ipinagbabawal, at sambahin natin ang Allah ayon sa kanyang Sunnah (kaparaanan) – ipagkaloob nawa sa kanya ng Allah ang pagpapala at kapayapaan – at na tayo ay sumunod sa kanya. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Katotohanang nasa sa inyo sa Sugo ng Allah (Muhammad) ang isang magandang halimbawa ng sinumang umaasa (sa pakikipagharap) sa Allah at sa Huling Araw, at lagi nang nag-aalaala sa Allah}. Surah Al-Ahzab (33): 21
- At tungkulin natin na iuna ang pagmamahal sa Propeta r kaysa sa pagmamahal sa magulang, anak at sa lahat ng sangkatauhan, ayon sa sinabi niya r : “Hindi magiging ganap ang Eeman [paniniwala] ng isa sa inyo hangga’t hindi ako ang nagiging higit na pinakamamahal niya kaysa sa kanyang magulang, anak at sa lahat ng sangkatauhan”. (Al-Bukhari: 15 – Muslim: 44). At ang wagas na pagmamahal sa kanya ay ang pagsunod sa kanyang Sunnah at pagtahak sa kanyang pamamatnubay bilang huwaran. Ang tunay na kaligayahan at ganap na patnubay ay hindi nabibigyan ng katuparan o patunay maliban sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya. Batay sa sinabi ng Maluwalhating Allah: {At kung kayo ay susunod sa kanya, inyong tatahakin ang tamang patnubay. At walang tungkulin na iniatang sa Sugo maliban upang ipaabot (ang mensahe) sa maliwanag na paraan}. An-Nur (24): 54
- Tungkulin natin na tanggapin ang anumang naiparating ng Propeta r, at na sumunod sa kanyang Sunnah, at na ituring ang kanyang pamamatnubay na isang lugar na pagpipitagan at pagdakila. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Hindi, bagkus Ako (Allah) ay nanunumpa sa iyong Panginoon na hindi magiging ganap ang kanilang paniniwala hanggang hindi ka nila tinatangkilik bilang tagahatol sa lahat ng mga hidwaan sa pagitan nila, at pagkatapos ay wala silang matagpuan sa kanilang sarili na anumang pag-aalinlangan o paninikip ng dibdib sa iyong naging pasiya, at maluwag nilang tanggapin ang mga ito nang ganap}. An-Nisa’ (4): 65
- Kailangan nating maging maingat sa pagsalungat sa kanyang pag-uutos – ipagkaloob nawa sa kanya ng Allah ang pagpapala at kapayapaan; sapagka’t ang pagsalungat sa kanyang pag-uutos ay isang dahilan ng paglaganap ng Al-Fitnah (malaking kaguluhan), pagkaligaw at masakit na pagdurusa, na kung saan ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya sinuman ang sumasalungat sa kanyang pag-uutos ay maging maingat, baka ang isang Fitnah (malaking kaguluhan) ay dumating sa kanila, o isang masakit na kaparusahan ang tumama sa kanila}. Surah An-Nur (24): 63
Ang partikular na mga katangian ng Mensahe ni Muhammad:
Natatangi ang Mensahe ni Muhammad sa mga naunang Mensahe ayon sa iilang mga partikular na katangian at kahigtan, ang ilan dito:
- Ang Mensahe ni Muhammad ang siyang sagka o pinakahuli sa mga naunang Mensahe. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Si Muhammad ay hindi naging ama ng sinuman sa inyong mga kalalakihan, datapuwa’t siya ang Sugo ng Allah at sagka (panghuli) sa (lahat ng) mga Propeta}. Surah Al-Ahzab (33): 40
- Ang mensahe ni Muhammad ay nagpapawalang bisa sa mga naunang mensahe, kaya walang pananampalataya ang tatanggapin ng Allah mula sa kaninuman pagkaraan ng pagkasugo sa Propeta r maliban sa pamamagitan ng pagsunod kay Muhammad r, at hindi makakarating ang sinuman sa karangyaan ng Paraiso maliban sa pamamagitan niya, samakatuwid siya r ang pinakamarangal sa mga Sugo, at ang kanyang pamayanan ang pinakamainam sa lahat ng pamayanan, at ang kanyang Batas ang pinakaganap sa lahat ng mga batas. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At sinuman ang maghangad ng iba pang relihiyon maliban sa Islam, ito ay hindi tatanggapin sa kanya magpakailanman, at sa Huling Araw, siya ay kabilang sa mga talunan}. Al-`Imran (3): 85 At siya r ay nagsabi: “Ako ay nanunumpa sa Kanya na may tangan sa buhay ni Muhammad, walang isa man na nakakarinig sa akin mula sa lipon ng pamayanan na ito, maging isang Hudyo o Kristiyano, pagkaraan ay namatay siya at hindi naniwala sa kung ano ang isinugo sa akin, kundi siya ay naging kabilang sa mga mananahan sa Apoy”. (Muslim: 153 – Ahmad: 8609)
- Ang mensahe ni Muhammad ay sumasaklaw sa dalawang Thaqalain: Ang Jinn at Tao. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi patungkol sa sinabi ng isang Jinn: {O aming pamayanan! Magsitugon kayo sa tagapag-anyaya ng Allah (Muhammad)}. Al-Ahqaf (46). 31
At sinabi pa ng Kataas-taasang Allah: {At ikaw [O Muhammad] ay hindi Namin isinugo maliban na para sa buong sangkatauhan bilang tagapaghatid ng magandang balita, at tagapagbabala}. Saba’ (34): 28
At siya (Muhammad r) ay nagsabi: “Ako ay binigyan ng anim na kalamangan sa mga Propeta: Ako ay ginawaran ng mga pangkalahatang salita (ang Qur’an), at ipinagkaloob sa akin ang tagumpay sa pamamagitan ng takot, at ipinahintulot sa akin ang mga ghanimah (mga labing ari-arian ng digmaan), at itinalaga para sa akin ang kalupaan na malinis at masjid (bahay-dalanginan), at ako ay isinugo sa lahat ng nilalang, at ako ang ginawang pinakahuli sa mga Propeta”. (Al-Bukhari: 2815 – Muslim: 523)