Ang Riba (Pagpapatubo)
Ang Riba ay mayroong iba’t ibang uri, ang pinakamalubha nito at higit na ipinagbabawal ay ang Riba (pagpapatubo) sa mga utang at pautang.
At ito ay ang pagdaragdag sa puhunan ng yaman nang walang nagaganap na pagbibili o pagpapalitan ng gamit o kasangkapan sa pagitan ng magkabilang panig, at ito ay may dalawang uri:
:
- Riba Ad-Dayn (pagpapatubo sa pautang):
At ito ay ang pagdaragdag sa pautang sa oras na sumapit ang panahon ng pagbabayad, kapag hindi makayanang magbayad ng isang nakautang.
Ang halimbawa nito: Kung umutang si Said kay Khalid ng 1000 dolyar sa kasunduang ito ay kanyang babayaran pagkalipas ng isang buwan. Nang makalipas ang isang buwan at sumapit ang takdang pagbabayad, si Said ay walang kakayahang tumupad at magbayad ng utang. Kaya tinakdaan ng pinagkakautangan (Khalid) na ito ay nararapat niyang babayaran pagkalipas ng isang buwan ng 1100 dolyar, at kung hindi pa rin niya magawang bayaran pagkalipas ng dalawang buwan, ito ay magiging 1200 dolyar, at ganyan ang kalakarang iyan.
- Riba Al-Qard (pagpapatubo sa utang):
Ang ibig sabihin nito, siya ay uutang sa isang tao o sa banko ng ilang halaga ng salapi sa kasunduang ito ay kanyang babayaran na may patong na tubo, halimbawa sa kanilang pinagkasunduang 5% bahagdan taon-taon sa salaping inutang.
Ang halimbawa nito: Siya ay nagnanais bumili ng isang bahay sa halagang 100,000 libo at wala siyang sapat na salapi upang bilhin ito, kaya siya ay magtutungo sa banko upang umutang dito ng salaping nagkakahalaga ng (isang daang libo) para sa pagbili ng naturang bahay sa kasunduang babayaran niya ito sa banko ng 150,000 libo nang buwanang hulugan sa loob ng limang taon.
Ang Riba (pagpapatubo) ay ipinagbabawal sa Islam, at ito ay kabilang sa mga malalaking kasalanan hangga’t ang pautang ay may tubo, maging ang utang ay gagamitin bilang puhunan para sa pagpapatayo ng isang kalakalan o industrya, o pamimili ng mga pansariling gamit, tulad ng bahay o lupa, o kasangkapang pambahay.
Samantalang ang pagbili ng isang kasangkapan sa pamamagitan nang hulugan na mas mataas sa halaga nito kaysa sa minsanang pagbabayad [ng salapi], ay hindi isinasaalang-alang bilang Riba.
Ang halimbawa nito ay tulad ng isang tao na bumibili ng isang kagamitang nagkakahalaga ng 1,000 na minsanang bayad [cash] o ng 1,200 na buwanang hulugan sa loob ng isang taon, sa bawa’t buwan ay isang daan na dolyar ang kanyang ibabayad sa tindahan ng nagmamay-ari ng naturang kasangkapan. [Kaya, ito ay hindi Riba].
Ang Hatol ng Batas ng Islam Tungkol sa Riba:
Ang Riba ay matinding ipinagbabawal ayon sa tuwirang pagpapahayag ng Banal na Qur’an at mga Hadith ng Propeta ﷺ, ito ay naibibilang sa malalaking kasalanan, sa katunayan, ang Allah ay hindi nagbanta o nagbabala ng matinding labanan sa sinumang makasalanan maliban sa mga lumalamon o gumagawa ng Riba. Ang gayong hatol ay hindi lamang ipinagbawal sa relihiyong Islam bagkus sa lahat ng mga naunang kapahayagan. Ang gayong pagbabawal ay binago pagkaraang dumanas ng maraming panunuligsa laban sa mga batas ng Allah. Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi bilang pagpapaliwanag sa dahilan ng Kanyang pagpaparusa at pagkapoot sa mga tao mula sa lipon ng Angkan ng Kasulatan: {At sa kanilang pagtanggap ng Riba (patubuan sa pautang) bagaman sila ay pinagbawalan [sa gawaing] ito}. Surah An-Nisa’ (4): 161
Ang Kaparusahang Nakapataw sa Riba:
- Yaong mga taong nakikisangkot sa gawaing Riba ay isinuong lamang ang kanilang mga sarili sa labanang ipinataw sa kanila ng Allah at ng Kanyang Sugo bilang parusa, kaya sila ay nagiging kaaway ng Allah at ng Kanyang Sugo. Ang Allah ay nagsabi: {Nguni’t, kung ito ay hindi ninyo gagawin [ang talikdan ng Riba], magkagayon, humanda kayo sa isang [nagbabantang] digmaan laban sa Allah at sa Kanyang Sugo. Subali’t kung kayo ay magsisi, [maaari ninyong] kuhaning muli ang inyong yamang [inyong ginawang puhunan]. Kaya, huwag kayong gumawa ng kamalian, at kayo ay hindi gagawan ng kamalian. Surah Al-Baqarah (2): 279
Ito ay isang digmaang nag-iiwan ng masamang bunga sa pisikal at kaisipan. At ang mga di-mabilang na kalungkutan at pagkabalisa sa mga tao sa ngayon ay siyang bunga ng gayong labanan o digmaan na ipinahayag ng Allah sa mga sumuway sa Kanyang kautusan sa pamamagitan ng pakikipagsangkot sa mga gawaing Riba, kaya paano na kaya ang magiging bungang kahihinatnan nitong digmaan sa Huling Araw? - Yaong mga lumalamon ng Riba na nakikitungo rito ay isinumpa at pinagkaitan ng habag ng Allah, siya at ang sinumang nakipagtulungan sa kanya rito. Si Jabir ay nag-ulat, kanyang sinabi: «Isinumpa ng Sugo ng Allah ﷺ ang kumakain ng Riba, ang nagbibigay nito, ang tagasulat nito at ang dalawang saksi nito», at sinabi niya: «Silang lahat ay pawang makasalanan». (Muslim: 1598)
- Yaong mga lumalamon ng Riba ay babangon sa Araw ng Muling Pagkabuhay na nasa karima-rimarim na anyo, tulad ng isang baliw na pasuray-suray, nanginginig dahil sa kabaliwan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Yaong mga lumalamon ng Riba (pagpapatubo) ay hindi makatitindig (sa Araw ng Muling Pagkabuhay) malibang katulad ng pagtindig ng isang taong hinataw ni Satanas, na nagdulot sa kanya ng pagkabaliw}. Surah Al-Baqarah (2): 275
- Ang pinagkitaang-tubo mula sa Riba gaano man ang kanilang pagsaalang-alang nito ay pinagkakaitan ng biyaya, at sinumang gumagawa nito ay walang matatagpuang katahimikan, kaligayahan at kapanatagan dito.
Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Pagkakaitan ng Allah ng pagpapala Riba (pagpapatubo), at pauunlarin Niya ang mga kawanggawa [mga mabubuting kalakalan]}. Surah Al-Baqarah (2): 276
Naidudulot ng Riba sa Tao at sa Lipunan:
At katotohanang lubos na hinigpitan ng Islam ang usaping Riba sanhi ng malaking kapinsalaang naidudulot na nagwawasak sa buhay ng tao at ng lipunan, at ang mga ilan dito rito ay:
- Ito ay nagdudulot ng masidhing kawalan ng kaayusan sa pamamahagi ng yaman at pinalalaki ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap [sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat isa]:
Samakatuwid, ang Riba ay nagiging sanhi upang manatili ang yaman sa mga kamay ng iilang pangkat lamang mula sa mga kasapi ng isang lipunan, samantalang pinipigilan nito at ipinagkakait ito sa maraming pangkat ng tao sa lipunan, kung gayon ito ay kawalan ng kaayusan sa daloy ng kabuhayan at pamamahagi ng yaman, kaya ang lipunan ay magmimistulang isang maliit na pangkat ng mayayaman na ipinagkakait sa malaking bilang ng taong mahihirap ang trabaho at mga mahihirap na walang kabuhayan, at ito nagiging sanhi upang tumaas ang paglaganap ng krimen sa lipunan at mamayani ang poot sa pagitan ng mga tao.
- Ito ay nag-aanyaya ng walang kabuluhang pagtatapon ng yaman at pagmamalabis sa walang kapararakang gastusin.
Kaya ang kaluwagan sa pagpapautang ng may tubo [Riba] ay nang-uudyok sa mga nakakarami upang magiging mapaglustay, mapag-aksaya at mawalan ng pagtitipid, sapagka’t madali niyang natatagpuan sa mga nagpapautang sa kanya ang lahat ng kanyang pangangailangan, kaya hindi na niya nakukuha pang bilangin ang kanyang pangkasalukuyan at hinaharap na pananalaping pananagutan, bagkus siya ay walang pakundangang nangungutang hanggang magkatipun-tipon sa kanya ang mga utang at magipit ang kanyang buhay, at siya ay mananatili sa habambuhay na nakabaon sa mga utang na iyon.
- Ang Riba (pagpapatubo) ay pumipigil [at humahadlang] sa mga mayayamang namumuhunan mula sa mga mabubuti at kapaki-pakinabang na pamumuhunang kalakalan sa bansa:
Sapagka’t matatagpuan ng mayayamang namumuhunan sa pamamaraan ng pagpapatubo ang isang pagkakataon ng pagtamo ng isang tiyak na bahagdan ng pagkakakitaan mula pagpapatubo ng kanyang salapi, at ito ang maglilihis sa kanya sa pagpapalago ng kanyang yaman sa mga proyektong pang-industriya, pagsasaka at kalakalan gaano man kapaki-pakinabang ito sa lipunan, sapagka’t ito sa kahit papaano ay may kalakip na panganib, at nangangailangan ng isang ibayong pagsisikap at manggagawa.
- Ang Riba ay isang dahilan ng pagkawala ng biyaya ng yaman at pagbagsak ng kabuhayan [ekonomiya].
Kaya ang pagbagsak ng lahat ng mga kabuhayan [ekonomiya] at malaking pagkalugi sa mga bahay-kalakalan o sa mga tao ay sanhi ng pagmamalabis sa mga ipinagbabawal na Riba, ito ang isa sa mga masasamang bunga ng pagkakait sa pagpapala na siyang ipinabatid ng Allah. Ito ay kaiba sa kawanggawa at pagmamagandang-loob sa mga tao, sapagka’t ito ay nagbibigay ng pagpapala sa yaman at kaunlaran. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang Allah: {Pagkakaitan ng Allah ng biyaya ang Riba (pagpapatubo ng salapi), at pauunlarin Niya ang mga gawaing kawanggawa [kalakalang nakakatulong sa kaunlaran]}.Surah Al-Baqarah (2): 276
Ano ang hatol kapag siya ay yumakap sa Islam, samantalang siya ay nakatali sa isang kasunduang patubuan?
Kapag siya ay yumakap sa Islam, samantalang siya ay nakatali sa isang kasunduang Riba [patubuan], siya ay may dalawang pagpipilian:
- Kapag siya ang kumukuha ng patubo at pakinabang (lumalamon ng Riba), sa gayon ay kukunin lamang niya ang puhunan ng kanyang salapi at hindi siya kukuha ng anuman mula sa patubo sa simula pa lang ng pagyakap niya sa Islam. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Subali’t kung kayo ay magsisi, [maaari ninyong] kuhaning muli ang inyong yamang [inyong ginawang puhunan]. Kaya, huwag kayong gumawa ng kamalian, at kayo ay hindi gagawan ng kamalian. Surah Al-Baqarah (2): 279
- Kapag siya naman ang nagbibigay ng patubo, sa gayon mayroon siyang dalawang mapagpipiliang kalagayan:
- Kung magagawa niyang ipawalang-saysay ang kasunduan na walang ibubungang pinsala sa kanya, marapat sa kanya na ito ay kanyang gawin.
- • Samantalang kung hindi niya magagawang ipawalang saysay ang naturang kasunduan maliban sa pamamagitan ng napakalaking kapinsalaan, sa gayon itutuloy niya ang kasunduan, datapuwa’t kailangan niyang maging tiyak na hindi na niya babalikan ang ganito. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Kaya, sinumang dumating sa kanya ang paala-ala [o babala] mula sa kanyang Panginoon at [siya ay] tumigil [mula sa gawaing-riba], magkagayon [siya ay walang pananagutan] para sa anumang kanyang naging nakaraang kaso. At siya at ang kanyang gawain [ay ipinaubaya] sa [pasiya ng] Allah. Subali’t, sinuman ang nagbalik [sa gawaing ito] sila yaong mga maninirahan sa Apoy; sila ay mamamalagi roon nang walang hanggan}. Surah Al-Baqarah (2): 275