Ang Da`wah (pag-aanyaya) sa Islam
Ang Mga Kabutihan ng Pag-aanyaya sa Allah:
Ang pag-aanyaya sa Allah ay isa sa mga pinakamainam na gawain upang mapalapit [sa Allah], at ito ay ipinagkakapuri ng Qur’an at Sunnah. At ang mga ilan ditto ay:
- Ang pag-aanyaya sa Allah ay daan sa tagumpay at pagtatagumpay sa mundong ito at sa Huling Araw. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At hayaang lumitaw mula sa lipon ninyo ang isang pangkat na nag-aanyaya tungo sa kabutihan (Islam), nag-uutos ng mabuti at nagbabawal ng masama. At sila yaong magsisipagtagumpay}. Al-`Imran (3): 104
- Ang pananalita ng Da`iyah (tagapag-anyaya) ang pinakamabuti sa mga pananalita at ipinagkakapuri at pinakamamahal ng Allah. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah) bilang papuri sa pananalita ng isang Da`iyah: {At sino pa kaya ang higit na may mabuting pananalita sa kanya na nag-aanyaya (sa sangkatauhan) tungo sa Allah, at gumawa ng matuwid, at nagsasabi: “Katotohanang Ako ay kabilang sa mga Muslim (sumusuko at tumatalima sa Allah)?}. Fussilat (41): 33
Kaya walang matatagpuan na pananalita na higit pang mabuti kaysa sa kanyang pananalita, sapagka’t siya ay isang tagapagturo ng patnubay sa mga tao at kanilang gabay sa pagsamba sa kanilang Panginoon, na kanilang Tagapaglikha at Tagapangasiwa sa Kanila, at humahango sa kanila mula sa mga kadiliman ng Shirk (pagtatambal sa Allah) tungo sa liwanag ng Iman (Paniniwala) - Ang Da`wah ay pagpapatupad sa Kautusan ng Allah na Tigib ng Kaluwalhatian. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Anyayahan mo [O Muhammad] (ang sangkatauhan) sa Landas ng iyong Panginoon nang may Hikmah (karunungan at mahusay na pamamaraan) at mabuting pangangaral, at makipagtalo ka sa kanila sa paraan na higit na mainam}. An-Nahl (16): 125
Kaya ipinag-utos sa isang Da`iyah na mag-anyaya siya sa Islam ng may karunungan at ilagay ang mga bagay sa tamang kinalalagyan nito, sa pamamagitan ng kanyang pagkilala sa mga taong inaaanyayahan upang kanyang piliin ang akmang pamamaraan ng pag-anyaya at pakikipagtalakayan sa kanila sa pinakamagandang paraan. - Tunay na ito ang tungkulin ng lahat ng Sugo, at ang pinakahuli sa kawing ng mga Sugo ay ang Propeta natin na si Muhammad ﷺ . katotohanang isinugo siya ng Allah bilang saksi sa sangkatauhan, at bilang tagapaghatid ng magandang balita sa mga naniniwala tungkol sa Paraiso at gantimpala, at tagapagbabala sa mga di-naniniwala tungkol sa Apoy at kaparusahan, at bilang tagapag-anyaya sa Allah na nagpapalaganap ng liwanag sa lahat ng mga tao – sumakanya nawa ang pagpapala ng Allah at kapayapaan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {O Propeta (Muhammad)! Katotohanang ikaw ay Aming isinugo bilang isang saksi at tagapaghatid ng magandang balita at tagapagbabala, at bilang tagapag-anyaya sa (Landas ng) Allah ayon sa Kanyang Kapahintulutan, at bilang isang nagliliwanag na ilaw, Kaya magbigay ng magandang balita para sa mga naniniwala, na sasakanila mula sa Allah ang malaking Biyaya}. Al-Ahzab (33): 45-47
- Ang Da`wah ay pinagmumulan ng walang katapusang kabutihan, kaya sa bawat taong inaanyayahan at tumugon sa Da`wah ay magkakaroon ng katulad na gantimpala para sa kanyang Salah, sa kanyang Ibaadah (pagsamba) at sa pagtuturo sa mga tao, samakatuwid napakadakila ang biyaya ng Allah sa isang Da`iyah. Sinabi niya ﷺ : “Sinuman ang nag-anyaya tungo sa atnubayan, sasakanya ang gantimpala ng katulad ng mga gantimpala ng sinumang sumunod sa kanya, hindi maibabawasan iyon sa kanilang mga gantimpala kahit bahagya”. (Muslim: 2674)
- Ang gantimpala ng Da`iyah (tagapag-anyaya) sa Allah ay higit na mabuti kaysa sa lahat ng karangyaan ng mundong ito, samakatuwid ang gantimpala ng Da`iyah ay tungkulin ng Allah, at ito ay hindi matatamo mula sa mga alipin [o tao], at ito ang dahilan kung bakit napakadakila ng gantimpala nito. Sapagka’t ang mapagkaloob ay hindi nagbibigay sa kanyang minamahal kundi karangalan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Datapuwa’t kung kayo ay magsitalikod, magkagayon, wala akong hinihingi sa inyo na anumang gantimpala, ang aking gantimpala ay mula lamang sa Allah, at ako ay pinag-utusan na maging kabilang sa mga Muslim (sumusuko at tumatalima sa kalooban ng Allah)}. Yunus (10): 72
At ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Kapag pinatnubayan ng Allah sa pamamagitan mo ang isang tao, ito ay nakabubuti sa iyo nang higit kaysa sa pagkakaroon mo ng pulang kamelyo [ibig sabihin, ikaw ay magkakaroon ng mga pinakamainam na gantimpala]”. (Al-Bukhari: 2847 – Muslim: 2406).
Ang Mga Pangangailangang [Katangian na Dapat Taglayin] ng Wastong Da`wah:
Inilarawan ng Allah ang wastong Da`wah ayon sa mga katangian na nagbibigay sa kanya ng kahigtan bukod sa iba pa sa kanya. At ito ay ang mga sumusunod:
- Ang Tamang Pananaw at Kaalaman:
Kaya ang Da`iyah ay nararapat nagtataglay ng kaalaman tungkol sa kanyang ipinag-aanyaya, malinaw niyang nailallarawan ang mga kautusan para sa tao. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Sabihin mo [O Muhammad]: “Ito ang aking daan; ako ay nag-aanyaya para sa (patnubay ng) Allah batay sa malinaw na kaalaman [katibayan], at ang sinumang sumusunod sa akin}. Yusuf (12): 108
Ibig sabihin ay O ikaw na Propeta, sabihin mo: Ito ang siyang aking pamamaraan at pamamatnubay, na ako ay mag-aanyaya sa Allah batay sa kaalaman at karunungan, at ito ang pamamaraan ng sinumang sumunod sa akin mula sa mga Da`iyah.
At hindi kinakailangan para sa isang Muslim na maging maalam sa maraming mga bagay upang mag-anyaya sa Allah, datapuwa’t kung siya ay magkaroon ng kaalaman ito ay dapat niyang ituro, samakatuwid kapag nagkaroon siya ng kaalaman sa Kaisahan ng Allah sa pagsamba, kinakailangang kanyang ipaabot ito sa mga tao, at kapag nagkaroon ng kaalaman sa mga kabutihan ng Islam, kinakailangang kanyang ipaabot ito sa mga tao, maging kahit ito ay isang talata mula sa Qur’an. Batay sa sinabi niya ﷺ : “Ipaabot ninyo ang anumang inyong natutuhan mula sa akin maging ito may ay isang talata [ng Qur’an]”. (Al-Bukhari: 3274)
At ganyan ang mga Sahabah (kasamahan ng Propeta) – sumakanila nawa ang lugod ng Allah – kanilang pinag-aaralan ang mga prinsipyo ng Relihiyon at mga saligan nito, at pagkatapos ay humahayo sila sa kanilang mga mamamayan upang mag-aanyaya sa kanila sa Islam at kanilang hinihikayat rito, at ang kanilang ugali ang pinakamainam na tagahikayat sa mga tao sa pagyakap sa Islam.
- Ang Hikmah (karunungan at mahusay na pamamaraan) sa Da`wah:
Ang Kataas-taasang Allah ay nagsabi: {Anyayahan mo [O Muhammad] (ang sangkatauhan) sa Landas ng iyong Panginoon ng may Hikmah (karunungan at mahusay na pamamaraan) at mabuting pangangaral, at makipagtalo ka sa kanila sa paraan na higit na mainam}. An-Nahl (16): 125
At ang Hikmah: Ito ay ang pagkakaroon ng kakayahang magkaroon ng makatuwirang pagpapasiya at magbigay ng tamang payo sa tamang panahon at lugar batay sa kanilang karanasan at kaalamang taglay.
At dahil sa pagkakaiba sa pagitan ng mga tao tungkol sa kanilang kaugalian at kakayahan o antas ng pang-unawa, kailangan ng isang Da`iyah na pumili ng angkop na paraan para sa kanila, at pagkakataon upang kanyang maihatid ang mensahe sa kanilang puso.
At ang lahat ng ito ay nangangailagan ng kahinahunan, kabaitan, pagmamalasakit at magandang pag-anyaya at hindi nagdudulot ng ibayong galit. A ito ang dahilan kung bakit ipinapayo ng Allah sa Kanyang Sugo ﷺ na siya ay maging isang mahinahon at mapagpaumanhin sa mga tao, at kung siya ay naging mahigpit, marahas at matigas, katiyakang silang mga tao ay magsisipaglayo sa kanya. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {At dahil sa Habag mula sa Allah, ikaw [O Muhammad] ay naging mahinahon sa kanila. At kung ikaw ay naging marahas at matigas ang puso, katiyakang sila ay magsisilayo sa iyong paligid}. Al-`Imran (3): 159
Ang Pag-aanyaya sa pamilya:
Nararapat para sa sinumang pinatnubayan ng Allah na makapasok sa Islam na maging masigasig sa pag-aanyaya sa kanyang pamilya at mga kamag-anak, sapagka’t sila [mga kamag-anak] ang pinakamalapit na tao at pinakamamahal sa kanya, at dapat na maging matiisin sa mga daranasin mula sa kanila at magsikap makapagbigay ng mahusay na pamamaraan para rito. Batay sa sinabi ng Allah na Tigib ng Pagpapala at Kataas-taasan: {At iyong iutos ang pagdarasal sa iyong pamilya, at maging matiyaga (sa anumang hirap na iyong dadanasin) dito}. Ta-Ha (20): 132
At maaaring matagpuan ng ilang mga Da`iyah ang pagtanggap ng kanyang paanyaya [Dawa’h] mula sa mga di-kamag-anakan at hindi niya ito matagpuan sa kanyang mga malalapit na kamag-anak, kaya siya ay masasaktan at mawalan ng pag-asa, nguni’t ang Da`iyah ay kailanman ay hindi nawawalan ng pag-asa; at siya ay laging nagsisikap na akayin sila sa katotohanan [ng Islam] sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t-ibang pamamaraan kaakibat ng pagdarasal sa Dakilang Allah na nawa’y sila ay patnubayan maging sa mga pinakamahirap na kalagayan.
Tulad ng ginawa ng Sugo ﷺ sa kanyang tiyuhin na si Abu Talib na tumutulong sa kanya at nagtatanggol sa kanya sa harap ng mga Quraish, nguni’t hindi rin yumakap sa Islam, at nanatili ang Propeta ﷺ sa paggawa ng iba’t ibang paraan sa pag-aanyaya sa kanya hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito habang kanyang sinasabi: “O aking minamahal na tiyuhin! Sabihin mo ang Laa ilaaha illallaah (Wala nang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah), isang Salita na ipangangatuwiran ko para sa iyo sa harapan ng Allah”. (Al-Bukhari: 3671 – Muslim: 24), subali’t hindi niya tinugunan ang paanyaya at siya ay namatay sa kawalan ng paniniwala. Kaya ibinaba ang Salita ng Kataas-taasang Allah: {Katotohanang hindi mo mapapatnubayan [O Muhammad] ang sinumang iyong naisin; datapuwa’t ang Allah ang namamatnubay sa sinumang Kanyang naisin, at Siya ang higit na nakakaalam sa mga (taong) tumatanggap ng patnubay}. Al-Qasas (28): 56
Samakatuwid, kailangan sa Da`iyah na magsikap sa abot ng kanyang kakayahan, at patuloy na ipalaganap ang Relihiyon, at gabayan ang mga tao tungo sa kabutihan, datapuwa’t ang mga puso ay nasa Kamay ng Allah, pinapatnubayan Niya ang sinumang Kanyang nais tungo sa matuwid na landas.