Ang Hajj (malaking Pilgrimahe)
Ang Mga Kabutihan at Katangian ng Makkah at ng Masjidil Haram (Ang Sagradong Bahay-Dalanginan)
Ang Masjidil Haram sa Makkah Al-Mukarramah ay nakatayo sa dakong kanluran ng kapuluang Arabia, ito ay nagtataglay ng maraming katangian sa Islam, ang ilan dito ay:
- Dito nakatirik ang marangal na Kaabah:
Ang Kaabah ay isang kuwadradong gusali at halos parang kubo, na nakalagay sa gitna ng Masjidil Haram sa Makkah Al-Mukarramah.
Ito ang Qiblah (direksiyon) na hinaharap ng mga Muslim sa sandaling isinasagawa ang Salaah at iba pang mga Ibaadah (gawaing pagsamba) na ipinag-uutos ng Allah.
At katotohanan, ito ay itinayo ni Propeta Abraham [Ibrahim Al-Khalil sa arabik] at ng kanyang anak na si Propeta Ismael, nawa’y ipagkaloob sa kanila ang pagpapala at kapayapaan – bilang pagsunod sa kautusan ng Makapangyarihang Allah. Paglipas ng mahabang panahon, ito ay dumanas ng maraming ulit na pagbabago [pagkumpuni].
Ang Allah na Makapangyarihan at Kapita-pitagan ay nagsabi: {At [banggitin mo] nang itayo nina Abraham at [ng kanyang anak na si] Ismael ang haligi ng [sagradong] bahay-dalanginan [ang Ka’bah] [at sila ay nanalangin]: “Aming Panginoon, tanggapin Mo po [ang paglilingkod na] ito mula sa amin. Katotohanan, Ikaw ang Lubos na Nakaririnig, ang Maalam.” Al-Baqarah (2): 127
At katotohanan, nang ito ay kanilang muling kinumpuni, tumulong ang Propeta Muhammad ﷺ sa paglagay ng Al-Hajarul Aswad (itim na bato) sa kinalalagyan nito kasama ng mga tribu sa Makkah Al-Mukarramah.
- Ito ang kauna-unahang Masjid (Bahay dalanginan) sa ibabaw ng lupa:
Sapagka’t, nang tanungin ng isang dakilang Sahabah (kasamahan ng Propeta) na si Abu Dar – kalugdan nawa siya ng Allah – ang Sugo ng Allah ﷺ : O Sugo ng Allah! Aling Masjid (bahay dalanginan) ang kauna-unahang itinayo sa lupa? Siya ay nagsabi: «Ang Masjidil Haram (bahay dalanginan sa Makkah)», sinabi niya (Abu Dar): aking sinabi: Alin ang sumunod? Siya ay nagsabi: «Ang Masjidil Aqsa (bahay dalanginan sa Herusalem)», aking sinabi: Ilan ang naging pagitan ng mga ito? Siya ay nagsabi: «Apatnapung taon, at saan ka mang maabutan ng Salaah (pagdarasal) simula ngayon, iyong isagawa ito, sapagka’t naroroon ang kabutihan». (Al-Bukhari: 3186 – Muslim: 520)
- Dinaragdagan nang maraming ulit ang gantimpala ng mga pagdarasal [Salaah] dito:
Sapagka’t katotohanang sinabi ng Sugo ng Allah ﷺ : «Ang isang Salaah sa aking Masjid – ibig sabihin ay ang Masjid sa Madinah – ay higit na mainam kaysa sa isang libong [1,000] pagdarasal [Salaah] na isinasagawa sa iba pang mga Masjid maliban sa Masjidil-Haram, sapagka’t ang isang Salaah sa Masjidil Haram ay katumbas ng isang daang libong [100,000] Salaah na isinasagawa sa iba pa rito». (Ibn Majah: 1406 – Ahmad: 14694)
- Ito ay sagradong pook ng Allah at Kanyang Sugo:
Ang Allah ay nagpahayag:
{[Sabihin mo, O Muhammad], “Ako ay napag-utusan na sambahin ang Panginoon ng lungsod na ito [ang Makkah], na Kanyang ginawang sagrado at Siyang nagmamay-ari ng lahat ng bagay. At ako [si Muhammad] ay napag-utusan na maging isa sa mga Muslim [na tumatalima sa Allah]. Surah An-Naml (27): 91
Agn ayah [o talata ng Qur’an] ay nagpahayag na ang Makkah ay isang sagradong sambahan, kaya ipinagbawal ng Allah sa mga mamamayan dito ang magpadanak ng dugo, o maghasik ng kawalang katarungan kaninuman, o magsasanay dito ng pangangaso, o mamutol dito ng anuman sa mga kahoy nito at mga damo nito.
Sinabi niya ﷺ : «Katotohang ang Makkah ay ginawang banal ng Allah, subali’t ito’y hindi ginawang banal ng mga tao, kaya hindi nararapat para sa isang taong naniniwala sa Allah at sa Huling Araw na siya ay magpadanak ng dugo rito, gayundin na magpuputol dito ng anumang kahoy». (Al-Bukhari: 104 – Muslim: 1354)
- Ito ang pinakamamahal na bayan para sa Allah at sa Kanyang Sugo ﷺ
Sinabi ng isa sa mga Sahabah (kasamahan ng Propeta): Nakita ko ang Sugo ng Allah ﷺ habang siya ay nakasakay sa kanyang kamelyo na nakatindig sa Hajurah (isa sa mga purok sa Makkah) na nagsasabi: «Sumpa man sa Allah! Katotohanang [O Makkah] ikaw ang pinakamainam at pinakamamahal na lupa ng Allah, at kung hindi lamang ako ipinagtabuyan mula sa iyo, tunay na hindi ko magagawang iwanan ka.» (At-Tirmidhi: 3925 – An-Nisaai sa Al-Kubra: 4252)
- [Bilang tungkulin] ipinag-utos ng Dakilang Allah ang pagsasagawa ng Hajj (Pilgrimahe) sa Kanyang banal na tahanan sa sinumang may kakayahan pumarito:
Sa katunayan, si Propeta Abraham [Ibrahim[ – nawa’y ipagkaloob ang kapayapaan sa kanya – ay nanawagan sa sangkatauhan na kanilang isagawa ang Hajj, kaya dumagsa ang mga tao mula sa lahat ng lugar, at maging ang mga Propeta ay nagsipaggawa ng Hajj – tulad ng ipinabatid dito ng Sugo ﷺ . Ang Allah ay nagsabi bilang kautusan kay Ibrahim: {At ipanawagan mo sa sangkatauhan [O Abraham] ang [kahalagahan ng] Hajj; sila ay darating sa iyo na nakayapak at nakasakay sa bawa’t kamelyo, at sila ay magsisirating mula sa bawa’t [matatarik at] malalayong daan}. Al-Hajj (22): 27
Ang Kahulugan ng Hajj (Pilgrimahe):
Ang Hajj ay ang pagtungo sa banal na Tahanan ng Allah upang isagawa ang mga rituwal, ito ay ang mga gawain at salita na napatunayan sa Propeta ﷺ , tulad ng Al-Ihram (pagpasok sa kalagayan ng Hajj), At-Tawaf (pag-ikot) sa palibot ng banal na tahanan (Kaabah) nang pitong ulit, As-Sa`ey (paglalakad) sa pagitan ng dalawang bundok na tinaguriang As-Safa at Al-Marwah, Al-wuquf (pagtigil) sa `Arafah, at ang Rami - paghahagis ng mumunting mga bato sa Mina atbp.
At mayroon itong malalaking kapakinabangan para sa mga Muslim, tulad ng paghahayag sa Kaisahan ng Allah, ang pagtamo ng dakilang pagpapatawad na ipagkakaloob sa mga nagsasagawa ng Hajj, ang pagkakakilala sa pagitan ng mga Muslim at ang pag-aaral sa mga alituntunin ng Relihiyon atbp.
Ang oras ng Hajj: Natutuon ang mga gawain ng Hajj sa pagitan ng araw ng ikawalo at ikalabingtatlo sa buwan ng Dhul Hijjah, na siyang ikalabindalawang buwan sa mga lunar na buwan sa Islamikong Kalendaryo.
Sino Ang May Tungkuling Upang Magsagawa ng Hajj?
[Bilang tungkulin], ipinag-utos angHajj para sa isang Muslim na may kakayahan (ang kahulugan ng nasa ganap na katungkulan – tulad ng naunang nabanggit – nasa wastong pag-iisip at wastong edad).
At Ang Kahulugan ng May Kakayahan ay:
Ang kakayahang makaabot pagtungo sa banal na Tahanan sa tamang pamamaraan at naaalinsunod sa Batas [ng Islam], at ang pagsasakatuparan sa mga rituwal ng Hajj nang wala gaanong danasing paghihirap nang higit kaysa sa natatamong paghihirap ng karaniwang paglalakbay, kalakip ang kaligtasan ng sarili at kayamanan, at na ang lahat ng kanyang kakailanganin para sa kanyang Hajj na panggugol ay higit kaysa sa kanyang pangunahing pangangailangan at sa panggugol sa mga taong tungkulin niyang tustusan.
Ang Kakayahan ng isang Muslim Upang Magsagawa ng Hajj
- Ang makayanan niyang isagawa ang Hajj sa sarili niya mismo. Ibig sabihin ay makakayanan niyang makaabot patungo sa Tahanan sa sarili niya mismo nang walang daranasing labis na paghihirap kaysa sa karaniwang paglalakbay, at mayroon din siyang sapat na kayamanan para sa paggugol rito, kaya nararapat niyang isagawa ang tuugkulin ng Hajj sa sarili niya mismo.
- Ang kakayahang pananalapi upang isagawa ito para sa kanya. Ito ay nauukol para sa mga Muslim na walang kakayahang isagawa ito nang sarili sanhi ng karamdaman o katandaan, nguni’t mayroon siyang kakayahan upang pahintulutan ang iba upang isagawa para sa kanya ang Hajj bilang kanyang kapalit, sa gayon tungkulin niyang gastusan ng salapi ang sinumang magsasagawa ng Hajj bilang kanyang kapalit.
- Ang walang kakayahang isagawa ang Hajj, maging sa sarili niya mismo o sa iba bukod sa kanya. Kaya sa kanya ay hindi ipinag-uutos ang pagsasagawa ng Hajj hanggang wala siyang kakayahan dito.
Ang halimbawa nito ay ang taong wala kayamanang labis sa kanyang sariling mga pangunahing pangangailangan at pagtustos ng kabuhayan sa kanyang pamilya na sasapat sa kanya upang ito ay kanayng gamitin para sa pagsasagawa ng Hajj.
At hindi niya kailangang maglikom ng kayamanan upang magkaroon ng kakayahang isagawa ang Hajj, datapuwa’t kung kailan siya magkaroon ng kakayahan, samakatuwid, ipinag-uutos sa kanyang ang Hajj [bilang tungkulin].
Ang Mga Kabutihan ng Hajj
Nakapaloob sa pagsasagawa ng Hajj ang mararaming Katangian at Kabutihan, at ang ilan dito ay dahil sa:
- Ito ay isa sa mga pinakamabuting gawain. Nang tanungin ang Propeta ﷺ : Ano ang pinakamabuting mga gawain? Siya ay nagsabi: «Ang paniniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo». May nagsabi: Ano po ang kasunod? Siya ay nagsabi: «Ang pagpupunyagi [at pakikipaglaban] sa Landas ng Allah». May isa na namang nagsabi: Ano pa po ang kasunod? Siya ay nagsabi: «Ang Hajj Mabrur (katanggap-tanggap na Hajj)». (Al-Bukhari: 1447 – Muslim: 83)
- Ang Hajj ay Isang Dakilang Panahon para sa paghingi ng kapatawaran. Sinabi niya ﷺ : «Sinuman ang nagsagawa ng Hajj at hindi nagsalita ng malalaswa (o nakipagtalik sa kanyang asawa sas panahon ng Hajj), at hindi nakagawa ng pagsuway [o paghihimagsik]. Siya ay uuwing katulad ng araw na siya ay ipanganak ng kanyang ina». (Al-Bukhari: 1449 – Muslim: 1350). Ibig sabihin: Siya ay uuwi nang walang bahid ng kasalanan, wari bang siya ay bagong silang.
- Ito ay isang malaking pagkakataon para sa kalayaan (o kaligtasan ng isang Muslim) mula sa Apoy. Sinabi ng Sugo ﷺ : «Wala nang iba pang araw na pinalalaya ng Allah ang nakararami sa Kanyang alipin mula sa Apoy maliban sa araw ng `Arafah». (Muslim: 1348)
- Ang gantimpala nito ay ang Paraiso. Sinabi niya ﷺ : «Ang Hajj na Mabrur (katanggap-tanggap) ay wala nang iba pang gantimpala maliban sa Paraiso». (Al-Bukhari: 1683 – Muslim: 1349)
Ang mga kabutihang ito at ang iba pang kabutihan ay matatamo lamang niyaong mga nagsigawa nito para sa kasiyahan ng Allah sa pamamagitan ng pagsunod sa yapak ng Sugo ng Allah ﷺ
Ang Mga Layunin ng Hajj
Ang Hajj ay mayroong mga di-mabilang na dakilang layunin at hangarin sa sarili at sa pamayanan. Pagkaraang bigyan ng alituntunin ang mga nagsasagawa ng Hajj hinggil sa mga hayop na iaalay, sila ay nararapat na hanapin ang pamamaraang mapalapit sa Dakilang Allah sa Araw ng An-Nahr (araw ng pagkakatay sa mga hayop na iniaalay bilang handog):
{Kailanman ay hindi nakakarating sa Allah ang mga laman nito, gayundin ang dugo nito, datapuwa’t ang inyong Taqwa (pitagang takot sa Allah) ang nakakarating sa Kanya}. Al-Hajj (22): 37
Siya ﷺ ay nagsabi: «Itinalaga lamang ang Tawaf (pag-ikot) sa palibot ng Kaabah, at (ang paglakad) sa pagitan ng As-Safa at Al-Marwah at ang pagbato sa Jamarat upang itaguyod ang paggunita sa Allah». (Abu Daud: 1888)
At ang ilan sa mga layunin nito ay:
- Ang paglalarawan ng ganap na pagsuko [o pagtalima] pagpapakumbaba sa Allah
At ito ay natututuhan lamang kapag ang isang Hajji (nagsasagawa ng Hajj) ay lumisan sa lahat ng uri ng karangyaan at palamuti, bagkus siya ay nagsusuot lamang ng isang simpleng kasuutang Ihram bilang tanda ng kanyang lubos na pangangailangan at umaasa lamanag sa habag ng kanyang Panginoon, at umiiwas sa mga makamundong kasiyahan na maaaring makapaglihis sa kanya sa marubdob na pagsasagawa ng matapat na pagsamba sa kanyang Panginoon, upang kanyang matamo ang Kanyang kapatawaran at habag, at ang paglalarawan ng ganap na pagsuko [o pagtalima] ay higit na nagiging malinaw sa kanyang pagtindig sa araw ng `Arafah habang nagsusumamo sa kanyang Panginoon, nagpupuri, nagpapasalamat sa Kanyang mga Biyaya at Kabutihang-loob, at humihingi ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan at pagkakamali.
- Ang Pagpasalamat sa Mga Biyaya at Pagpapala:
Nailalarawan ang pagpapasalamat sa pagsasagawa ng tungkuling Hajj sa dalawang panig: Pagpapasalamat sa biyayang ng yaman, at pagpapasalamat sa kaligtasan ng katawan, na ang mga ito ang pinakadakilang biyaya at pagpapala ng mundo na siyang ikinaliligaya ng tao. Samakatuwid sa Hajj ay pagpapasalamat sa dalawang dakilang biyaya na ito, na kung saan ay nagpapakahirap ang tao sa kanyang sarili at gumugugol ng kanyang kayamanan alang-alang sa pagsunod sa kanyang Panginoon at pagpapalapit sa Kanyang Kaluwalhatian, at walang pag-aalinlangan na ang pagpapasalamat [at pagkilala] sa mga ipinagkaloob na biyaya ay isang tungkulin, na ipinahahayag ng makatuwirang isip at ipinaag-uutos rin ng relihiyon.
- Ang Pagtitipon ng Mga Muslim:
Nagkakatipun-tipon ang mga Muslim mula sa iba’t ibang bansa ng mundo sa panahon ng Hajj, kaya nagkakakilala sila sa isa’t isa at nagkakapalagayan ng loob, dito ay pinapawi ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao, pagkakaiba sa kasaganaan at kahirapan, pagkakaiba sa kasarian at kulay, pagkakaiba sa salita at wika, nagkakaisa ang salita ng mga Muslim sa pinakamalaking pagtitipon ng mga tao, nagkaisa ang salita ng mga sambayanan nito sa kabutihan, sa kabanalan, sa pagpapayuhan sa katotohanan at pagiging matiisin, ang pinakamalaking layunin nito ay ang pag-uugnay ng mga kadahilanan ng buhay sa mga kadahilanan ng langit.
- Ang Paggunita sa Huling Araw:
Sa Hajj ipinaaalaala nito sa isang Muslim ang tungkol sa Araw ng Pakikipagharap [ng tao sa kanyang Panginoon [Allah], ito ay kapag nakapaghubad na ang isang Hajji (nagsasagawa ng Hajj) ng kanyang kasuutan at nagsimulang mag-Talbiyah (binibigkas ang mga ipinag-utos na bigkasin para sa Hajj) bilang isang Muhrim (nasa kalagayan ng Hajj) at nakatindig sa kapatagan ng Arafah at nakita ang pagkarami-raming mga tao na ang kanilang mga kasuutan ay iisa na para bagang natutulad sa mga sapot (damit na ginagamit sa paglilibingl), at dito ay sasagi sa isipan niya ang isang kalagayan na tiyak na kahaharapin ng isang Muslim pagkatapos ng kanyang kamatayan, kaya’t ito ang maghikayat sa kanya upang paghandaan ito at maghanda ng baon bago ang pakikipagtagpo sa Allah.
- Ang paghahayag sa Kaisahan ng Allah at ang pagtatangi sa Kanya sa pagsamba - maging sa salita at gawa:
Kung gayon ang sagisag ng mga nagsasagawa ng Hajj ay ang Talbiyah : Labbaykal laahumma labbayk, labbayka laa shareeka laka labbayk, innal hamda wan ni`mata laka wal mulk, laa shareeka lak (Bilang pagtugon sa Iyong Panawagan, O Allah, bilang pagtugon sa Iyong panawagan; bilang pagtugon sa Iyong panawagan, wala Kang katambal; bilang pagtugon sa Iyong panawagan. Tunay na ang papuri at ang pagdakila ay ukol sa Iyo at ang paghahari; wala kang katambal). At dahil dito nagsabi ang isang dakilang Sahabi (kasamahan ng Propeta) sa paglalarawan sa Talbiyah ng Propeta ﷺ : «At siya ﷺ ay nagbubunyi sa [kahalagahan at] kadakilaan ng Tawhid (Kaisahan ng Allah)». (Muslim: 1218), at nagpapatunay nang malinaw sa Tawhid [Kaisahan ng Allah] sa lahat ng mga sagisag ng Hajj, sa mga gawain nito at sa mga salita nito.
Ang Umrah (maliit na pilgrimahe)
Ito ay ang pagtataguyod sa pagsamba sa Allah sa pamamagitan ng Al-Ihram (pagpasok sa kalagayan ng Hajj), At-tawwaf (pag-ikot) sa palibot ng Kaabah nang pitong ulit, As-Sa`ey (paglakad) sa pagitan ng As-Safa at Al-Marwah ng pitong ulit, at pagkatapos ay ang pag-aahit o pagputol ng buhok.
Ang Hatol nito: Ito ay ipinag-uutos para sa lahat ng may kakayahan nang minsan sa tanang buhay, at kaaya-aya itong isagawa nang ilang ulit.
Ang oras nito: Maaaring isagawa ito sa loob ng isang taon, nguni’t sa buwan ng Ramadan nagkakaroon ito ng kahigtang gantimpala. Batay sa sinabi niya ﷺ : «Ang isang Umrah sa Ramadan ay tumutumbas ng isang Hajj». (Al-Bukhari: 1764 – Muslim: 1256)