Ang Salaah (Pagdarasal)
Ang Kahulugan ng Salaah sa salitang-ugat: Ad-Du`a (panalangin), at ito ang nagsisilbing ugnayan ng isang alipin sa kanyang Panginoon at Tagapaglikha, nasasaklawan nito ang pinakamatayog na katawagan sa kahulugan ng pagkaalipin, pagdulog sa Allah at paghingi ng tulong sa Kanya, kaya siya ay nananalangin sa Kanya, nagsusumamo at gumugunita sa Kanya. Kaya mapapadalisay niya ang kanyang sarili, at maalaala niya ang katotohanan niya, at ang katotohanan ng mundong ito na kanyang pinamumuhayan, at madarama niya ang Kadakilaan ng kanyang Panginoon at ang Habag Niya sa kanya, at pagkatapos ay igagabay siya ng Salaah (Pagdarasal) na ito sa pagiging matuwid sa Batas ng Allah at paglayo sa kawalan ng katarungan, kahalayan at pagsuway. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katotohanan, ang Salaah (Pagdarasal) ay nakapipigil sa paggawa ng (lahat ng) mga kahiya-hiya at masamang gawa}. Al-`Ankabut (29): 45
Ang Katayuan ng Salaah (pagdarasal) at Kahigtan nito
Ang Salaah (pagdarasal) ang pinakadakila sa mga pisikal na pagsamba at pinakamalaki sa katayuan, sapagka’t ito ay isang Ibaadah (pagsamba) na sumasaklaw sa puso, isip at dila ng isang tao, at nakikita ang kahalagahan ng Salaah (Pagdarasal) sa maraming bagay, ang mga ilan dito ay ang mga sumusunod:
Ang Salaah (pagdarasal) ang mayroong pinakamataas na katayuan:
- Sapagka’t ito ang ikalawang haligi mula sa mga haligi ng Islam. Batay sa sinabi niya r : «Itinayo ang Islam batay sa lima: Ang pagsasaksi na walang iba pang Diyos maliban sa Allah at na si Muhammad ay Sugo ng Allah, at ang pagsasagawa ng Salaah (pagdarasal)….». (Al-Bukhari: 8 – Muslim: 16) At ang Salaah ay tumatayo bilang haligi ng gusali na siyang sandigang inaasahan nito at ito ay hindi makatatayo nang wala ito.
- Ang mga Islamikong katibayan ay nagtakda na ang kaibahan sa pagitan ng mga Muslim at ng hindi Muslim ay ang pagsasagawa ng Salaah (pagdarasal). Batay sa sinabi ng Propeta r : «Katotohanan, ang pagitan ng isang tao at ng Shirk (pagtatambal sa Kaisahan ng Allah) at ng kawalan ng paniniwala ay ang pagtalikod [at paglisan mula] sa Salaah (pagdarasal)». (Muslim: 82) At sinabi pa niya: «Ang kasunduan na namamagitan sa amin (mga Muslim) at sa kanila (mga di-Muslim) ay ang Salaah (pagdarasal), kaya sinuman ang lumisan nito, tunay na siya ay tumalikod sa paniniwala». (At-Tirmidi: 2621 – An-Nisaai: 463)
- Ang Allah na Tigib ng Kapangyarihan at Kapita-pitagan ay nag-uutos nito sa lahat ng mga kalagayan, maging siya ay nasa paglalakbay, nananatili sa kanyang lugar, nasa kapayapaan man o sa digmaan, at maging sa kalagayan ng kalusugan at ng karamdaman, ang Salaah ay ipinatutupad nang ayon sa abot ng kanyang kakayahan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Pangalagaan ninyo ang [pagsasagawa ng] Salaah (ang limang takdang [pagdarasal na kailangang gampanan araw-araw)}. Al-Baqarah (2): 238 At Kanyang inilarawan dito ang Kanyang mga alipin na naniniwala sa Kanyang sinabi: {At sila yaong nagpapahalaga sa kanilang mga pagdarasal (ang limang ulit na pagdarasal)}. Al-Mu’minun (23): 9
Ang Mga Kahalagahan ng Salaah (Pagdarasal):
Ang maraming katibayan hinggil sa mga kahalagahan ng Salaah (Pagdarasal) ay nakatala [at matutunghayan] mula sa Aklat (Qur’an) at Sunnah (ng Propeta), at ang ilan dito ay:
- Tunay na ito ay nagpapawalang-sala [at nakapapawi] sa mga kasalanan. Batay sa sinabi ng Propeta r : «Ang limang takdang Salaah (Pagdarasal) at ang mga Salaah sa pagitan ng dalawang Jumu`ah ay nagpapawalang-sala, maliban na siya ay hindi nakagawa ng mga malalaking kasalanan.» (Muslim: 233 – At-Tirmidhi: 214)
- Tunay na ito ay isang liwanag na tumatanglaw sa buhay ng isang Muslim sa kabuuan nito, tinataguyod siya nito tungo sa kabutihan at inilalayo siya nito sa kasamaan. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katotohanan, ang Salaah (pagdarasal) ay pumipigil mula sa paggawa ng (lahat ng) mga kahalayan at ng masasamang gawain}. Al-`Ankabut (29): 45
- Tunay na ito ang unang susuriin [sisiyasatin, bibilangin at susulitin] sa isang alipin [tao] sa Araw ng Pagbabangong Muli; kaya kung ito man ay naging mabuti at tinanggap mula sa kanya, ang lahat ng kanyang gawain ay tatanggapin sa kanya, datapuwa’t kung ito ay tinanggihan, ang mga nalalabing mga gawain ay tatanggihan din. Batay sa sinabi niya r : «Ang kauna-unahang susuriin [sisiyasatin at susulitin] sa isang alipin [tao] sa Araw ng Pagbabangong Muli ay ang Salaah (Pagdarasal), kaya kung ito man ay naging mabuti, mapabubuti rin ang lahat ng kanyang gawain, datapuwa’t kung ito ay nawalan ng saysay, mawawalan din ng saysay ang lahat ng kanyang gawai». (Al-Mu`jam Al-Awsat Lit Tabarani: 1859)
Kanino ipinatutupad [at ipinag-uutos bilang tungkulin] ang pagsasagawa nn Salaah (Pagdarasal)?
Ipinag-uutos [bilang tungkulin] ang Salaah (pagdarasal) sa bawa’t Muslim na may wastong pag-iisip, nasa tamang gulang, walang Hayd (regla sa mga kababaihan) at walang Nifas (dugong lumalabas sanhi ng panganganak), kaya siya ay hindi nararapat magsagawa ng Salaah sa mga oras ng kanyang Hayd o Nifas, at hindi rin niya ito dapat bayaran pagkatapos ng kanyang kalinisan at pagtigil ng dugo (Tunghayan ang pahina:110 )
At binigyang-hatol ang pagdadalaga sa sandaling maisaalang-alang ang isa sa mga palatandaan na sumusunod:
Ang pagsapit ng labing limang taon |
Ang pagtubo o paglitaw ng mga balahibo sa harapan ng ari o sa likuran na daanan [ng ihi o dumi]. |
Ang paglabas ng semilya habang natutulog o gising. |
Ang pagreregla ng babae at pagbubuntis. |
Ano ang mga patakaran na kailangang maisaalang-alang para sa Salaah (pagdarasal)?
- Ang paglilinis mula sa Hadath (karumihan) at Najasah (marumi): Ito ay naipaliwanag na sa una at naidetalye (Tingnan ang pahina:103).
- Ang pagtatakip ng Awrah (mga maseselang bahagi ng katawan):
Ipinag-utos ang pagtatakip ng Awrah sa pamamagitan ng damit na hindi humahapit sa hubog ng katawan dahil sa kaigsihan at kanipisan nito.
At ang Awrah ay mayroong tatlong uri: Ang babae: Ang Awrah ng babae na nasa tamang gulang sa Salaah (pagdarasal) ay ang lahat ng kanyang katawan maliban sa kanyang mukha at mga kamay. Ang batang lalaki: Ang Awrah ng maliit na batang lalaki: Ang dalawang maselang bahagi ng katawan lamang [ang kanyang ari at puwit]. Ang lalaki: Ang Awrah ng lalaki na nasa tamang edad: Simula sa pusod hanggang sa tuhod. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {O mga anak ni Adan, magsuot kayo ng palamuti [o ng maayos na damit sa inyong pagtungo], sa bawa’t masjid (oras ng inyong pagdarasal)}. Al-A`raf (7): 31 Katotohanan, ang pagtatakip ng Awrah ay pinakamababang pamantayan ng pananamit. At ang kahulugan ng sa bawa’t Masjid: ibig sabihin ay sa bawa’t oras ng inyong pagdarasal [Salaah].
- Ang Pagharap sa Qiblah (direksiyon sa Salaah):
Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At kahit saan ka mang lugar maparoon (sa pag-aalay ng Salaah), iharap mo ang iyong mukha tungo sa direksiyon ng Masjidil Haram (Banal na Bahay-Dalanginan sa Makkah)}. Al-Baqarah (2): 149
- At ang Qiblah ng mga Muslim ay ang marangal na Ka`bah na itinayo ng ama ng mga Propeta na si Ibrahim (Abraham) – sumakanya nawa ang kapayapaan, at dito ay nagsagawa rin ng Hajj (pilgrimahe) ang mga Propeta – sumakanila nawa ang kapayapaan. At ating lubos na nababatid na ito ay tunay na mga bato lamang na hindi nakapipinsala at hindi nakakapagdulot ng kapinsalaan, nguni’t tayo ay pinag-utusan ng Allah na humarap dito sa Salaah [bilang direksiyon] upang magkaisa ang lahat ng mga Muslim tungo sa iisang dako [ng pagdarasal], kaya makapagsasagawa tayo ng maayos na pagsamba sa Dakilang Allah sa pamamagitan ng pagharap dito
- Nararapat para sa isang Muslim na siya ay humarap tungo sa Ka`bah, kapag ito ay kanyang nakikita sa kanyang harapan, nguni’t kapag ito ay malayo mula sa kanyang kinaroroonan, sapat na humarap siya sa dakong gawing malapit sa kinaroroonan ng Makkah, samantalang ang kaunting paglihis sa pagharap ay walang masama rito. Batay sa sinabi ng Propeta r : «Ang pagitan ng silangan at kanluran ay Qiblah». (At-Tirmidi: 342)
- At kung hindi niya magagawang humarap dito sanhi ng kanyang karamdaman o iba pa rito, hindi niya kailangang humarap dito sapagka’t hindi dapat isagawa ang isang tungkulin ng sinumang walang kakayahang tuparin o gampanan ito. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Kaya matakot kayo sa Allah sa abot ng inyong kakayahan}. At-Taghabun (64): 16
- Ang pagdating ng tamang oras ng Salaah (pagdarasal):
At ito ay isa sa mga patakaran upang maging wasto ang Salaah, sapagka’t hindi tinatanggap ang Salaah bago ang pagdating ng tamang oras ng pagsasagawa nito, at ipinagbabawal din ang pagpapahuli sa takdanag oras nito. Batay sa sinabi ng Kataas-taasang (Allah): {Katotohanan, ang pagdarasal ay ipinapatupad para sa mga naniniwala sa takdang oras (ng pagdating nito)}. An-Nisa’ (4): 103
At kailangan isaalang-alang ang paniniyak sa pagdating ng tamang oras ayon sa ilang mga bagay:
- Ang pinakamainam sa pagsasagawa ng Salaah (pagdarasal) ay sa unang takdang oras nito.
- Ipinag-utos [bilang tugnkulin] ang pagsasagawa ng pagdarasal [Salaah] sa takdang oras nito, at ipinagbabawal ang pagpapahuli nito sa anupamang kadahilanan.
- Sinumang nakaligtaan o nakalagpas sa tamang oras ng kanyang Salaah (pagdarasal) sanhi ng pagtulog o pagkalimot, ipinag-uutos para sa kanya ang madaliang pagsasagawa nito [bilang] kabayarang-dasal kapag ito ay kanyang naalaala.
Ang Limang Takdang Pagdarasal [Salaah] at Ang Mga Oras Nito
Ipinag-utos ng Allah para sa isang Muslim [bilang tungkulin] ang pagsasagawa ng limang Salaah sa araw at gabi, ito ang mga haligi ng kanyang pananampalataya, at tumatayo bilang pinakamahalaga sa lahat ng kanyang mga tungkulin, at Kanyang tinakdaan ito nang maliwanag para sa pagsasakatuparan ng mga oras nito, tulad ng mga sumusunod:
Ang Salaah (pagdarasal) sa Fajr (madaling araw): Ito ay binubuo ng dalawang Rak`ah (yunit), at ito ay nagsisimula sa pagbubukang-liwayway [o madaling-araw] ang sandaling oras kapag ang unang bahagyang sinag ay lumilitaw, at nagtatagal hanggang sa pagsikat nito, [samakatuwid ito ay ang simula ng liwanag sa alapaap at nagtatapos sa pagsikat ng araw.)
Ang Salaah (pagdarasal) sa Dhuhr (tanghali): Ito ay binubuo ng apat na Rak`ah (yunit), at ang oras nito ay magsisimula kapag ang araw ay bumababang palihis sa dakong pakanluran mula sa gitnang himpapawid, at nagtatapos kapag ang anino ng isang bagay ay nagiging kasing haba ng sukat nito [ng bagay na iyon] at ang araw ay nasa kaitaasan nito.
Ang Salaah (pagdarasal) sa `Asr (hapon): Ito ay binubuo ng apat na Rak`ah (yunit), at magsisimula ang oras nito sa paglipas ng oras ng Dhuhr kapag ang anino ng lahat ng bagay ay maging katulad na nito [sa sukat], at ito ay nagtatapos sa paglubog ng araw, at marapat para sa isang Muslim na magmadali sa pagdarasal bago tuluyang humina ang tindi ng init ng araw at maging dilaw ang kulay nito
Ang Salaah (pagdarasal) sa Maghrib (takip-silim): Ito ay binubuo ng tatlong Rak`ah (yunit), at magsisimula ang oras nito sa paglubog ng araw at paglaho ng sinag nito sa alapaap, at magtatapos sa paglaho ng pulang takip-silim, na naglalaho pagkatapos ng paglubog.
Ang Salaah (pagdarasal) sa Isha› (panggabi): Ito ay binubuo ng apat na Rak`ah (yunit), at magsisimula ang oras nito sa paglubog ng pulang takip-silim, at magtatapos sa kalagitnaan ng gabi, at maaari ring isagawa ito bago sumapit ng Fajr (madaling araw) kung mayroong sapat o makatuwirang dahilan ng pagka-antala [pagkabalam].
Ang isang Muslim ay maaaring umasa sa mga kalendaryo na nagpapahayag sa mga takdang oras ng Salah at hindi na niya kailangang tingnan ang pagpasok ng oras ng Salah sa sarili niya.
Ang Lugar ng Salaah (Pagdarasal)
Ipinag-uutos ng Islam ang pagsasagawa ng Salaah nang sama-sama, at ipinanghihikayat nito na isagawa ito sa Masjid; upang ito ay maging isang pagtitipon at pagsasamahan ng mga Muslim, magkagayon madaragdagan ang bigkis ng pagkakapatiran at pagmamahalan sa kanilang pagitan, at itinakda ito na higit na mainam kaysa sa Salaah ng isang lalaki na nag-iisa. Batay sa sinabi niya r : «Ang Salaah ng isang lalaki sa sama-samang pagdarasal ay nakahihigit kaysa sa Salaah ng nag-iisa nang dalawampu’t pitong antas». (Al-Bukhari: 619 – Muslim: 650 – Ahmad: 5921)
Nguni’t ang Salaah ay maaaring isagawa sa lahat ng lugar, at ito kabilang sa habag ng Allah sa atin. Batay sa sinabi niya r : «At ginawa ang lupa para sa akin bilang lugar ng Masjid (bahay-dalanginan) at dalisay, kaya sinumang lalaki mula sa lipon ng aking pamayanan ang inabutan ng Salaah, magkagayon siya ay nararapat magsagawa ng Salaah». (Al-Bukhari: 328 – Muslim: 521)
Ang Mga Patakaran ng Lugar Para sa Pagsasagawa ng Salaah:
Ipinag-utos ng Islam sa lugar na pinagsasagawaan ng Salaah na ang lupa nito ay nararapat na malinis. Ang Allah ay nagsasabi: {At Aming ipinag-utos kay Ibrahim (Abraham) at Ismail (Ismael) na dalisayin (linisin) ang Aking bahay [dalanginan] para sa mga nagsisipag-ikot sa palibot nito, at sa mga namamalagi rito (sa pag-aalaala sa Allah) at nagsisiyukod (sa kanilang pagdarasal), na nagpapatirapa (sa pagdalangin)}. Surah Al-Baqarah (2): 125 Bilang pangkalahatang Batas ng Islam, kapag tayo ay naglalayong magsagawa ng pagdarasal ating isinasaalang-alang ang lugar bilang malinis maliban na lamang kung ating nababanaagan dito ang karumihan at tayo ay nag-aalinlangan sa pagiging malinis nito samakatuwid, kung walang dahilan upang ang isang lugar ay ituring na marumi, magkagayon ating pinahihintulutang isagawa rito ang pagdarasal na wala ng kailangan pang sapinan ang lapag nito o gamitan ng pansapin.
At may ilang mga pangkalahatang patakaran na kailangang pangalagaan, at ang ilan dito:
- Ang isang Muslim ay hindi dapat magsagawa ng pagdarasal sa isang lugar na kung saan ay maaari niyang abalahin ang mga tao tulad ng mataong lugar, dinaraanan ng tao o lugar na ipinagbabawal ang pag-istambay dito na nagiging sanhi ng pagka-abala at siksikan sa mga tao, samantalang ang Sugo ng Allah r ay ipinagbabawal ang pananakit at pamiminsala. Siya ay nagsasabi: «Walang pinsalang [dapat mangyari] at walang pamiminsalang [dapat iganti]». (Ibnu Majah: 2340 – Ahmad: 2865).
- Ang lugar ay nararapat na malaya mula sa mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan o pagkagambala sa Salaah, tulad ng mga larawan o mga malalakas na tinig at musika.
- Sinumang Muslim ay hindi dapat magsagawa ng pagdarasal sa lugar na ang gawaing pagsamba ay pinagtatawanan, at kinukutya tulad ng isang lugar na kung saan naroroon ang mga naglalasing o ng mga mapanuya samantalang ang Allah ay ipinagbabawal ang panlalait sa mga sinasamba ng mga di-Muslim upang sila ay hindi mangahas na gumanting lapastanganin o alipustain ang Allah dahil sa kanilang kawalan ng kaalaman. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At huwag ninyong alipustain [o lapastanganin] yaong kanilang mga tinatawagan (sinasamba) bukod sa Allah, baka kanilang alipustain [o lapastanganin] ang Allah nang walang kaalaman}. Al-An`am (6): 108
- Sinumang Muslim ay hindi dapat magsagawa ng Salaah sa isang lugar na itinalaga o itinayo para sa mga gumagawa ng mga gawaing makasalanan, tulad ng mga bahay-aliwan at disco [o sugalan at mga beerhouse], magkagayon kinamumuhian ang pagsasagawa rito ng Salaah.