Ang Wudhu’ (paghuhugas) at Taharah (paglilinis) ay kabilang sa mga pinakamainam at pinakadakilang gawain. Sapagka’t pinapatawad ng Allah sa pamamagitan nito ang mga kasalanan at kamalian hanggang nananatiling matapat sa layunin ang isang alipin sa paghahangad nito ng gantimpala mula sa Allah. Sa katunayan, sinabi ng Sugo ng Allah ﷻ : “Kapag nagsasagawa ng Wudhu’ ang isang alipin [o Muslim] at kanyang hinugasan ang kanyang mukha, lumalabas mula sa kanyang mukha ang lahat ng kasalanan ng ginawang pagtingin ng kanyang mga mata kasama ng tubig, at kapag kanyang hinugasan ang kanyang dalawang kamay, lumalabas mula sa kanyang mga kamay ang lahat ng kasalanan ng ginawang pang-aabot ng kanyang mga kamay kasama ng tubig, at kapag kanyang hinugasan ang kanyang mga paa, lumalabas ang lahat ng kasalanan ng ginawang pang-aapak ng kanyang mga paa kasama ng tubig, hanggang siya ay lumabas na lubos ang kadalisayan mula sa mga kasalanan”. (Muslim: 244)
Papaano ako magsasagawa ng Wudhu’ at tanggalin ang Hadath Asgar [maliit na antas ng karumihan]?
Kapag nais ng isang Muslim na magsagawa ng Wudhu’, kinakailangan niyang isapuso ito, ibig sabihin ay kailangang magkaroon siya ng layunin [niyyah] sa kanyang puso’t isipan sa kanyang gagawing pagtanggal sa Hadath (kalagayang marumi), sapagka’t ang layunin ay kailangan [bilang kondisyon] para sa lahat ng mga gawain. Batay sa sinabi ng Propeta ﷺ: “Katotohanang ang mga gawain ay nakabatay sa mga layunin”. (Al-Bukhari: 1 – Muslim: 1907), pagkatapos siya ay magsisimulang magsagawa ng Wudhu’ nang ayon sa pagkakasunud-sunod, tuluy-tuloy na walang matagal na pagtigil sa pagitan ng mga naturang gawain:
-
Paano ako magsasagawa ng Wudhu’?
-
Magsabi ng: (Bismillaah [sa Ngalan ng Allah]).
-
Hugasan ang dalawang kamay ng tubig nang tatlong ulit bilang kaaya-ayang gawain.
-
Magmugmog ng tubig, [ang kahulugan ay] ipasok ang tubig sa bibig at imumug ito sa loob at pagkatapos ay iluluwa, nakabubuti na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa’t ang kailangan ay isang ulit lamang.
-
Singhutin [ang tubig], [ang kahulugan ay] singhutin ang tubig nang papasok sa ilong at pagkatapos ay isingha nang papalabas ang tubig mula sa ilong [itulak ang tubig papalabas sa pamamagitan ng pagbuga ng hangin na papalabas mula sa ilong], at nakabubuti na lubus-lubusin ito maliban kung ito ay magdudulot para sa kanya ng kapinsalaan, at makabubuti rin na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa’t ang kailangan ay isang ulit lamang.
-
Hugasan ang mukha, at ito ay magsisimula sa pinakataas na bahagi ng noo, simula sa tinutubuan ng buhok nito hanggang sa ibabang bahagi ng baba, at simula sa isang tainga hanggang sa isa pang tainga. Datapuwa’t ang dalawang tainga ay hindi [itinuturing bilang] sakop [na bahagi] ng mukha, at nakabubuti na gagawin ito nang tatlong ulit, datapuwa’t ang kailangan ay ang isang ulit lamang.
-
Hugasan ang dalawang kamay, simula sa mga dulo ng mga daliri hanggang sa mga siko, ang dalawang siko ay [bahaging kabilang sa nararapat] hugasan, at nakabubuti na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa›t ang kailangan ay isang ulit lamang.
-
Haplusin ang ulo nang basang kamay simula sa unahan ng ulo hanggang sa hulihan ng ulo na kasunod ng batok, at iminumungkahi na haplusing pabalik patungo sa unahan ng ulo sa ikalawang pagkakataon, at hindi itinatagubilin bilang kaaya-ayang gawain na gawin ito nang tatlong ulit, tulad ng mga ibang bahagi ng katawan.
-
Sa pamamagitan ng mga basang daliri, haplusin ang pinakaloob na gilid ng mga tainga gamit ang hintuturong daliri at ng mga labas na bahagi gamit ang daliring hinlalaki at ito ay ginagawang minsanan.
-
Hugasan ang dalawang paa kasama ang magkabilang bukong-bukong, at itinatagubilin ito bilang kaaya-ayang gawain na gawin ito nang tatlong ulit, datapuwa›t ang kailangan ay isang ulit lamang. At kung siya ay nakasuot ng medyas, magkagayon ipinahihintulot ang pagpunas nito nang ayon sa ilang patakaran (Tunghayan ito sa pahina:111).