Az-Zakaah (ang Takdang Kawanggawa)

Ang Mga Layunin ng Zakaah (Takdang Kawanggawa):

Ipinag-utos ng Allah ang pagbabayad [at pamamahagi ng] Zakaah sa mga Muslim para sa mga natatangi [at dakilang] layunin. Magbabanggit tayo ng ilan sa mga ito:

  1. Tunay na ang pagmamahal sa kayamanan ay isang ugaling likas na taglay ng tao upang siya ay maging lubhang mahigpit sa pangangalaga at bigyan ng higit na pagmamalasakit dito. Kaya itinakda ng batas ng Islam [bilang tungkulin] ang pagbibigay [at pamamahagi] ng Zakaah bilang pagpapadalisay sa sarili mula sa karamutan at kagahaman, at pinapawi nito ang pagmamahal sa mundo at ang labis na pagkahumaling sa mga karangyaan [o palamuti] nito. Ang Allah ay nagsabi: {“Kuhanan mo ng kawanggawa [Sadaqah] mula sa kanilang yaman upang sila ay maging malinis at sila ay pagpalain nito}. At-Taubah (9): 103
  2. Ang pagbibigay ng Zakaah ay nagpapatunay sa diwa ng pagtutulungan at pagmamalasakitan [o pagdadamayan ng bawat isa], sapagka’t ang tao ay likas na nahahatak sa pagmamahal sa sinumang nagmagandang loob sa kanya, at dahil dito ang mga kasapi ng pamayanang Muslim ay namumuhay nang may pagmamahalan, pagkakaisa na wari bang mga gusali na magkakadikit, nagtutulungan sa isa’t isa, at binabawasan nito ang mga magaganap na pagnanakaw, pagdarambong at [mga pagmamalabis at walang kabuluhang] paglulustay.
  3. Pinatotohanan nito ang kahulugan ng pagka-alipin at tunay na pagpapakumbaba at ganap na pagsuko sa Allah bilang Panginoon ng lahat ng nilalang, sa sandaling ipinamamahagi ng isang mayaman ang Zakaah ng kanyang kayamanan, samakatuwid siya ay tumutupad sa Batas ng Allah, sumusunod sa Kanyang Kautusan, at ang kanyang pamamahagi nito ay tanda ng pasasalamat sa Tagapagkaloob ng biyayang ito. {Kung kayo ay tumanaw ng utang na loob ng pasasalamat, katiyakang kayo ay higit Kong dadagdagan (ng Aking mga Biyaya)}. Ibrahim (14): 7
  4. Sa pamamagitan ng pagbibigay [at pamamahagi] nito, nabibigyan ng katotohanan ang konsepto ng panlipunang pangangalaga at pagkapantay-pantay na ugnayan sa pagitan ng mga uri o pangkat ng tao sa pamayanan, kaya sa pamamagitan ng pamamahagi nito sa mga may karapatan nito, hindi mananatiling nakabunton ang pananalaping yaman sa mga natatanging pangkat ng pamayanan upang kanilang sarilinin ang yamang ito. Ang Allah ay nagsasabi: {Upang ito ay hindi maging isang kayamanan na nagpapalipat-lipat sa pagitan ng mayayaman sa inyo}. Al-Hashr (59): 7

Ang pagmamahal sa kayamanan ay isang likas na ugali ng tao, at sa katotohanan ang Islam ay nag-aanyaya sa pagpapadalisay sa sarili at hinihikayat ang tao na huwag magmamalabis sa pagkahumaling rito.

Ano ang mga kayamanan na kinakailangang patawan ng Zakaah?

Hindi kinakailangang patawan ng Zakaah ang anumang pagmamay-ari ng isang tao na kanyang pansariling gamit, tulad ng kanyang tinitirahang bahay gaano man laki ang pagkakahalaga nito, gayundin ang kanyang pansariling gamit na sasakyan kahit gaano man ito kamahal, at gayundin naman ang kanyang mga damit, pagkain at inumin.

Ang tanging kinakailangang patawan ng Zakaah na ipinag-utos ng Allah [bilang tungkulin] ay ang mga uri ng kayamanan na hindi nabibilang sa kanyang mga pansariling pangangailangang gamit, at mula sa likas [ng yamang] ito ay pinaparami at pinalalago. Tulad ng mga sumusunod:

  1. Ang ginto at ang pilak na hindi ginagamit sa pananamit at paggagayak:

Ito ay hindi pinapatawan ng Zakaah maliban kung ito ay umabot sa takdang Nisab [pamantayan o batayan ng sukat na halaga]) at tumagal ito ng buong isang lunar na taon [sa kanya], na ang katumbas nito ay 354 na araw.
At ang Nisab (Pamantayan o Batayang Sukat ng Halaga) ng Zakaah dito ay tulad ng mga sumusunod:
Ang ginto ay halos katumbas ng 85 gramo, at ang pilak ay 595 gramo.
L’argent : 595 grammes.
Kapag ang isang Muslim ay may pag-aari ng ganitong halaga at tumagal [sa kanya] ng isang taon, kinailangan niyang ilabas ang Zakaah nito na 2,5%.

  1. Ang mga ari-arian at mga salaping papel sa iba’t ibang uri nito, maging ito ay nasa kamay niya o nakalagak sa mga banko:

Ang paglabas sa Zakaah nito: Tinutuos ang Nisab ng mga ari-arian at mga salapi ayon sa katumbas nito sa [halaga ng] ginto, kaya kung ito ay umabot sa Nisab ng ginto o higit pa rito, ito ay halos 85 gramo sa oras na kinakailangang patawan ng Zakaah, at tumagal ang kayamanan ng isang taon habang ito ay nasa kanyang pagmamay-ari, kaya kinakailangang ilabas niya rito ang 2,5%.
Tulad halimbawa: Ang halaga ng ginto ay paiba-iba, kaya kung ipagpapalagay natin na ang halaga ng isang gramo na ginto sa sandaling kinakailangang patawan ng Zakaah ay umabot na ng (25) dollar, ang magiging Nisab ng kayamanan tutuusin tulad ng sumusunod:
25 (ang halaga ng isang gramo na ginto na nag-iiba-iba) 85 (ang bilang ng mga gramo na hindi nag-iiba-iba) = 2125 dollar ang Nisab ng kayamanan.

  1. Ang Mga Paninda Para sa Kalakalan:

Ang pinapakahulugan dito ay: Lahat ng inilaan [o inihanda] para sa kalakalan mula sa mga pinagpuhunan, tulad ng real state, mga gusali, mga paupahang bahay, o mga paninda tulad ng mga pagkain at mamimili.
Paano inilalabas ang Zakaah nito: ang pagtutuos sa halaga ng lahat na kanyang itinakda para pangangalakal kapag lumipas dito ang isang buong taon, at ang pagtutuos ay magaganap batay sa [kasalukuyang] halaga ng pamilihan sa araw na ring iyon na nais niyang magbigay ng Zakaah, kaya kapag umabot ito sa Nisab ng ari-arian, babayaran niya rito ang ikaapat na bahagi ng sampu 2,5% bilang Zakaat.

 

  1. Ang Mga Yamang-lupa tulad ng mga ani, mga bunga at mga butil.

Ang Allah ay nagsabi: {O Kayong mga naniniwala [mga Muslim] Gumugol kayo mula sa mga mabubuting bagay na inyong kinita (nang marangal), at mula sa mga [biyaya ng] lupa na Aming pinatubo para sa inyo.} Al-Baqarah (2): 267
At kinakailangang patawan ng Zakaah ang isang natatanging uri ng mga ani at hindi ang lahat nito, sa kondisyon na ito ay umabot sa itinakdang sukat ng Batas ng Islam.
At pinapag-iba rito kung ano ang pinatutubigan sa pamamagitan ng mga ulan o mga ilog, at kung ano ang pinatutubigan sa pamamagitan ng paggawa o paggugol ng salapi rito sa isinasatungkulin na halaga sa Zakaah bilang pangangalaga sa mga kalagayan ng mga tao.

  1. Ang mga Yamang-Hayupan, tulad ng baka, kamelyo at kambing

lamang, kung malayang manginain ang mga ito sa pastulan at inaalagaan, at hindi nagkakagastos rito ang may ari ng mga ito ng damuhan kumpayan upang pakanin. Samakatuwid, kung siya ay nagdadala rito ng pakanin sa kabuuan ng taon o higit sa kalahating taon, sa gayon hindi kinakailangang patawan ito ng takdang Zakaah.
Ang Nisab ng Zakaah nito at dami o halaga ng Zakaah ay may pagkadetalye, maaaring sumangguni sa mga aklat na Fiqh (tumatalakay sa mga alituntunin).

Kanino nararapat ibinibigay [at ipamahagi] ang Zakaah?

Inilarawan [at kinilala] ng Islam ang mga karapat-dapat bahaginan [at bigyan] ng Zakaah. At ipinahihintulot sa isang Muslim na ipamigay ito sa isang uri [mula sa 8 uri taong dapat tumanggap] o higit pa mula sa mga uri na ito, o ibigay niya ito sa mga butihing institusyon at mga samahan na kumakatawan sa pamamahagi nito sa mga karapat-dapat tumanggap nito sa mga muslim, at ang pinakamainam ay ang ipamamahagi ito sa kinaroroonang bansa [na kung saan naninirahan ang taong dapat pagbigyan].

At ang mga uri ng tao na karapat-dapat bahaginan [at tumanggap] ng Zakaah ay ang sumusunod:

  1. Ang mga dukha at mahihirap, sila yaong ang kanilang kinikita ay hindi sapat para makatugon sa kanilang pangunahing pangangailangan.
  2. Ang sinumang naglilingkod para sa paglikom ng Zakaah at pamamahagi nito.
  3. Ang isang alipin na naghahangad na bilhin ang kanyang sariling kalayan mula sa kanyang pinaglilingkurang amo, siya ay nararapat bigyan ng kaukulang tulong mula sa Zakaah upang siya ay maging malaya.
  4. Ang sinumang baon sa pagkakautang at walang kakayahang magbayad, maging ang pagkakautang ay para sa pangkalahatang kapakanan, paggawa ng kabutihan sa mga tao o sa sarili niyang kapakanan.
  5. Ang mga nagpupunyagi [at nakikipaglaban sa Landas ng Allah], sila yaong nakikipaglaban para ipagtanggol ang kanilang pananampalataya [Islam] at mga bayan, at nasasaklawan din nito ang lahat ng gawain sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng Islam upang mangibabaw ang Salita ng Allah.
  6. Ang mga malalapit ang puso sa Islam, sila ang mga dating di-muslim na yumakap sa Islam kamakailan lamang, o ang isang taong inaasahan ang pagyakap sa Islam mula sa lipon ng mga di-muslim. Ang uring ito ay hindi binibigyan mula sa panig ninuman, bagkus ito ay tungkulin ng tagapag-alaga sa mga Muslim o sa mga nangangalagang institusyon na makapagtataguyod ng kanilang sa kapakanan.
  7. Ang dayuhang naglalakbay na kinapos ng kakayahang gumugol sa gitna ng paglalakbay, kaya siya ay nangangailangan ng sapat ng salapi upang kanyang maipagpatuloy ang paglalakbay, at kahit pa siya ay nagmamay-ari ng maraming kayamanan sa kanyang sariling bayan.

Ang Allah ay nagpaliwanag [at binanggit ang pamamaran ng pagbibigay ng Zakaat] sa sinumang mga karapat-dapat tumanggap ng katungkulang Zakaah: {Katotohanan, ang kawanggawa ay nakalaan lamang para sa mga dukha at maralita at sa mga kawaning naglilikom [ng kawanggawa] at sa mga taong ang puso ay malalapit [sa Islam]; at sa pagpapalaya ng mga bilanggo [o alipin] at sa mga may pagkakautang; at sa Landas ng Allah [para sa mga Mujahideen na nakikipaglaban] at sa mga naglalakbay [na nagigipit]; isang tungkulin [na iniatang] ng Allah. At-Taubah (9): 60